Bahagi 8
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829. Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, si Oliver, na nagpatuloy na naglingkod bilang tagasulat, nagsusulat sa dikta ng Propeta, ay nagnais na mabigyan ng kaloob na makapagsalin. Ang Panginoon ay tumugon sa kanyang pagsusumamo sa pamamagitan ng pagbibigay ng paghahayag na ito.
1–5, Dumarating ang paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; 6–12, Dumarating ang kaalaman tungkol sa mga hiwaga ng Diyos at ang kapangyarihang magsalin ng mga sinaunang talaan sa pamamagitan ng pananampalataya.
1 Oliver Cowdery, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, tiyak na yamang ang Panginoon ay buhay, na iyong Diyos at iyong Manunubos, sa gayon, tiyak na matatanggap mo ang kaalaman tungkol sa anumang bagay na iyong hihilingin nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwalang makatatanggap ka ng kaalaman hinggil sa mga nakaukit sa mga lumang talaan, na mga sinauna, na naglalaman ng mga yaong bahagi ng aking banal na kasulatan na binanggit sa pamamagitan ng pagbubunyag ng aking Espiritu.
2 Oo, dinggin, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na mapasasaiyo at mananahan sa iyong puso.
3 Ngayon, dinggin, ito ang diwa ng paghahayag; dinggin, ito ang diwa kung paano nadala ni Moises ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na Pula sa ibabaw ng tuyong lupa.
4 Anupa’t ito ang iyong kaloob; gamitin ito, at pinagpala ka, sapagkat ililigtas ka nito mula sa mga kamay ng iyong mga kaaway, samantala, kung hindi magkagayon, papatayin ka nila at dadalhin ang iyong kaluluwa sa pagkawasak.
5 O, tandaan ang mga salitang ito, at sundin ang aking mga kautusan. Tandaan, ito ang iyong kaloob.
6 Ngayon, hindi lamang ito ang iyong kaloob; sapagkat ikaw ay may isa pang kaloob, na kaloob ni Aaron; dinggin, ito ay naglalahad sa iyo ng maraming bagay;
7 Dinggin, wala nang iba pang kapangyarihan, maliban sa kapangyarihan ng Diyos, na makapagdudulot nitong kaloob ni Aaron na mapasaiyo.
8 Samakatwid, huwag mag-alinlangan, sapagkat ito ay kaloob ng Diyos; at mahahawakan mo ito sa iyong mga kamay, at makagagawa ng mga kagila-gilalas na gawa; at walang kapangyarihang makakukuha nito sa iyong mga kamay, sapagkat ito ay gawain ng Diyos.
9 At, anupa’t anuman ang iyong hilingin sa akin na sabihin sa iyo sa pamamagitan ng pamamaraang yaon, ang yaon ay aking ipagkakaloob sa iyo, at magkakaroon ka ng kaalaman hinggil doon.
10 Tandaan na kung walang pananampalataya ay wala kang magagawa; kaya nga humiling nang may pananampalataya. Huwag lapastanganin ang mga bagay na ito; huwag hilingin ang yaong hindi mo dapat hilingin.
11 Hilingin na iyong malaman ang mga hiwaga ng Diyos, at nang ikaw ay makapagsalin at makatanggap ng kaalaman mula sa lahat ng yaong mga sinaunang talaang ikinubli, na mga banal; at alinsunod sa iyong pananampalataya, mangyayari ito sa iyo.
12 Dinggin, ako ang nangusap nito; at ako ang siya ring nangusap sa iyo mula pa noong simula. Amen.