Bahagi 90
Paghahayag kay Joseph Smith, ang Propeta, na ibinigay sa Kirtland, Ohio, Marso 8, 1833. Ang paghahayag na ito ay isang karagdagang tagubilin hinggil sa pagtatatag ng Unang Panguluhan (tingnan sa ulo ng bahagi 81); bunga nito, inorden noong Marso 18, 1833 ang mga tagapayong binanggit.
1–5, Ipinagkakatiwala ang mga susi ng kaharian kay Joseph Smith at sa pamamagitan niya, sa Simbahan; 6–7, Maglilingkod sa Unang Panguluhan sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams; 8–11, Ipangangaral ang ebanghelyo sa mga bayan ng Israel, sa mga Gentil, at sa mga Judio, bawat tao ay makaririnig sa kanyang sariling wika; 12–18, Isasaayos ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo ang Simbahan; 19–37, Pinapayuhan ng Panginoon ang iba’t ibang tao na lumakad nang matwid at maglingkod sa Kanyang kaharian.
1 Ganito ang wika ng Panginoon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking anak, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, alinsunod sa iyong pagsusumamo, sapagkat ang iyong mga panalangin at ang mga panalangin ng iyong mga kapatid ay nakararating sa aking mga tainga.
2 Samakatwid, ikaw ay pinagpapala mula ngayon na siyang nagtataglay ng mga susi ng kaharian na ibinigay sa iyo; kung aling kaharian ay itinatatag sa huling pagkakataon.
3 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang mga susi ng kahariang ito ay hindi kailanman makukuha sa iyo, habang ikaw ay nasa daigdig, ni sa susunod na daigdig;
4 Gayunpaman, sa pamamagitan mo, ang mga orakulo ay ibibigay sa iba, oo, maging sa simbahan.
5 At lahat sila na tumatanggap ng mga orakulo ng Diyos, sila ay mag-ingat sa kung paano nila itinuturing ang mga ito sapagkat baka ipalagay ang mga ito bilang bagay na maliit ang halaga, at mapapasailalim sa pagkakasala dahil doon, at matitisod at madarapa kapag ang mga bagyo ay tumama, at ang mga hangin ay umihip, at ang mga ulan ay bumagsak, at humampas sa kanilang bahay.
6 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyong mga kapatid na sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams, ang kanilang mga kasalanan ay pinatatawad na rin, at itinuturing sila na kapantay mo sa paghawak ng mga susi nitong huling kaharian;
7 Gayundin sa iyong pangangasiwa sa mga susi ng paaralan ng mga propeta, na aking iniuutos na itatag;
8 Na sa pamamagitan nito ay maging ganap sila sa kanilang paglilingkod para sa kaligtasan ng Sion, at ng mga bayan ng Israel, at ng mga Gentil, kasindami ng mga maniniwala;
9 Na sa pamamagitan ng iyong pangangasiwa ay kanilang matanggap ang salita, at sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa, ang salita ay maipadala hanggang sa mga dulo ng mundo, una sa mga Gentil, at pagkatapos, dinggin, at makinig, babaling sila sa mga Judio.
10 At pagkatapos ay darating ang panahon kung kailan ipakikita ang bisig ng Panginoon sa kapangyarihan tungo sa pagpapaniwala sa mga bansa, na mga bansang pagano, sa sambahayan ni Jose, sa ebanghelyo ng kanilang kaligtasan.
11 Sapagkat ito ay mangyayari na sa panahong yaon, maririnig ng bawat tao ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita, sa pamamagitan nila na inorden sa kapangyarihang ito, sa pamamagitan ng pangangasiwa ng Mang-aaliw, na ibinuhos sa kanila para sa paghahayag ni Jesucristo.
12 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, binibigyan ko kayo ng isang kautusan na kayo ay magpatuloy sa paglilingkod at sa panguluhan.
13 At kapag natapos na ninyo ang pagsasalin ng mga propeta, magmula sa panahong yaon ay pamumunuan ninyo ang mga gawain ng simbahan at ng paaralan;
14 At sa pana-panahon, alinsunod sa ihahayag ng Mang-aaliw, ay tatanggap ng mga paghahayag upang ilahad ang mga hiwaga ng kaharian;
15 At isasaayos ang mga simbahan, at mag-aaral at matututo, at magiging bihasa sa lahat ng mabuting aklat, at sa mga salita, wika, at tao.
16 At ito ang inyong magiging tungkulin at misyon sa buong buhay ninyo, na mamuno sa kapulungan, at isaayos ang lahat ng gawain ng simbahan at kahariang ito.
17 Huwag mahihiya, ni mahahamak; sa halip ay mapaalalahanan sa lahat ng inyong pagmamataas at kapalaluan, sapagkat naglalatag ito ng bitag sa inyong mga kaluluwa.
18 Isaayos ang inyong mga bahay; ilayo ang katamaran at karumihan sa inyo.
19 Ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maglaan ng isang lugar, sa lalong madaling panahon, para sa mag-anak ng iyong tagapayo at tagasulat, maging si Frederick G. Williams
20 At ang aking matandang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Sen. ay mamalagi na kasama ang kanyang mag-anak sa lugar kung saan siya ngayon nakatira; at huwag itong ipagbibili hanggang sa magsabi ang bibig ng Panginoon.
21 At ang aking tagapayo, maging si Sidney Rigdon, ay manatili kung saan siya ngayon naninirahan hanggang sa magsabi ang bibig ng Panginoon.
22 At ang obispo ay masigasig na maghanap upang matagpuan ang isang kinatawan, at siya ay isang tao na may mga kayamanang nakalaan—isang taong maka-Diyos, at may matibay na pananampalataya—
23 Nang sa gayon ay magawa niyang bayaran ang lahat ng utang; upang ang kamalig ng Panginoon ay hindi mahantong sa kasiraan sa paningin ng mga tao.
24 Masigasig na maghanap, manalangin sa tuwina, at maging mapagpaniwala, at lahat ng bagay ay maaayos para sa ikabubuti ninyo, kung kayo ay lalakad nang matwid at tatandaan ang tipan na inyong itinitipan sa isa’t isa.
25 Magiging bilang lamang ang inyong mga mag-anak, lalung-lalo na ang sa aking matandang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Sen., hinggil sa mga yaong hindi nabibilang sa inyong mga mag-anak;
26 Nang ang mga yaong bagay na inilalaan para sa inyo upang maisakatuparan ang aking gawain ay hindi kunin mula sa inyo at ibigay sa mga yaong hindi karapat-dapat—
27 At sa paraang iyon ay mahadlangan kayo sa pagsasagawa ng mga yaong bagay na aking ipinag-uutos sa inyo.
28 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kalooban ko na ang aking tagapaglingkod na babae na si Vienna Jaques ay nararapat tumanggap ng salapi upang mabayaran ang kanyang mga gastusin, at magtungo sa lupain ng Sion;
29 At ang matitira sa salapi ay mailalaan sa akin, at gagantimpalaan siya sa aking sariling takdang panahon.
30 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na wasto sa aking mga paningin na siya ay nararapat magtungo sa lupain ng Sion, at tumanggap ng mana mula sa kamay ng obispo;
31 Upang siya ay makapanirahang mapayapa yamang matapat siya, at hindi maging tamad sa kanyang mga araw magmula sa panahong yaon.
32 At dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na isusulat ninyo ang kautusang ito, at sasabihin sa inyong mga kapatid sa Sion, na bumabati nang may pagmamahal, na kayo ay akin ding tinatawag na mamuno sa Sion sa aking sariling takdang panahon.
33 Samakatwid, patigilin na sila sa paggambala sa akin hinggil sa bagay na ito.
34 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang mga kapatid ninyo sa Sion ay nagsisimula nang magsisi, at ang mga anghel ay nagsasaya sa kanila.
35 Gayunpaman, ako ay hindi gaanong nasisiyahan sa maraming bagay; at ako ay hindi gaanong nasisiyahan sa aking tagapaglingkod na si William E. McLellin, ni sa aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert; at ang obispo rin, at ang iba ay maraming bagay na pagsisisihan.
36 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako, ang Panginoon, ay makikipagtunggali sa Sion, at magsusumamo sa kanyang malalakas, at parurusahan siya hanggang sa siya ay magtagumpay at maging malinis sa harapan ko.
37 Sapagkat siya ay hindi maaalis mula sa kanyang lugar. Ako, ang Panginoon, ang nangusap nito. Amen.