Bahagi 91
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Marso 9, 1833. Sa panahong ito, abalang-abala ang Propeta sa pagsasalin sa Lumang Tipan. Pagdating sa bahaging yaon ng sinaunang kasulatan na tinatawag na Apocripa, nagtanong siya sa Panginoon at natanggap ang tagubiling ito.
1–3, Karamihan sa Apocripa ay naisalin nang tama ngunit naglalaman ng maraming idinagdag ng mga kamay ng tao na hindi totoo; 4–6, Kapaki-pakinabang ito sa mga yaong binigyang-liwanag ng Espiritu.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo hinggil sa Apocripa—Maraming bagay na napapaloob dito na totoo, at karamihan dito ay naisalin nang tama;
2 Maraming bagay na napapaloob dito na hindi totoo, na mga idinagdag ng mga kamay ng tao.
3 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na hindi kinakailangan na ang Apocripa ay isalin.
4 Anupa’t sinumang nagbabasa nito, unawain niya, sapagkat ang Espiritu ay nagpapahayag ng katotohanan;
5 At sinumang binibigyang-liwanag ng Espiritu ay tatanggap ng kapakinabangan mula roon;
6 At sinumang hindi nakatatanggap sa pamamagitan ng Espiritu ay hindi makikinabang. Samakatwid, hindi ito kinakailangang isalin. Amen.