Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 93


Bahagi 93

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Mayo 6, 1833.

1–5, Makikita ng lahat ng matapat ang Panginoon; 6–18, Nagpatotoo si Juan na ang Anak ng Diyos ay dumaan nang biyaya sa biyaya hanggang sa Kanyang natanggap ang kabuuan ng kaluwalhatian ng Ama; 19–20, Ang matatapat na tao, na dumaraan nang biyaya sa biyaya, ay tatanggap din ng Kanyang kabuuan; 21–22, Ang mga yaong isinisilang sa pamamagitan ni Cristo ay ang Simbahan ng Panganay; 23–28, Tumanggap si Cristo ng kabuuan ng lahat ng katotohanan, at maaari ding matanggap ng tao ang yaon sa pamamagitan ng pagsunod; 29–32, Kasama ng Diyos ang tao mula pa sa simula; 33–35, Walang hanggan ang mga elemento, at maaaring tumanggap ang tao ng ganap na kagalakan sa Pagkabuhay na Mag-uli; 36–37, Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan; 38–40, Walang sala ang mga bata sa harapan ng Diyos dahil sa pagtubos ni Cristo; 41–53, Inuutusan ang mga namumunong kapatid na isaayos ang kanilang mga mag-anak.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay mangyayari na ang bawat kaluluwa na tumatalikod sa kanyang mga kasalanan at lumalapit sa akin, at nananawagan sa aking pangalan, at sumusunod sa aking tinig, at sumusunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at makikilala na ako na nga;

2 At na ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat taong isinisilang sa daigdig;

3 At na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin, at ang Ama at ako ay isa—

4 Ang Ama dahil ibinigay niya sa akin ang kanyang kabuuan, at ang Anak dahil ako noon ay nasa sanlibutan at ginawang laman ang aking tabernakulo, at nanirahang kasama ng mga anak ng tao.

5 Ako noon ay nasa sanlibutan at tumanggap mula sa aking Ama, at malinaw na naipakita ang kanyang mga gawa.

6 At nakita ni Juan at nagpatotoo tungkol sa kabuuan ng aking kaluwalhatian, at ang kabuuan ng tala ni Juan ay ipahahayag pagkaraan nito.

7 At siya ay nagpatotoo, sinasabing: Nakita ko ang kanyang kaluwalhatian, na siya ay nasa simula, bago nilikha ang daigdig;

8 Samakatwid, sa simula ay naroon ang Salita, sapagkat siya ang Salita, maging ang sugo ng kaligtasan—

9 Ang ilaw at ang Manunubos ng sanlibutan; ang Espiritu ng katotohanan, na pumarito sa daigdig, sapagkat ang daigdig ay ginawa niya, at nasa kanya ang buhay ng mga tao at ang ilaw ng mga tao.

10 Ang mga daigdig ay ginawa niya; ang mga tao ay ginawa niya; lahat ng bagay ay ginawa niya, at sa pamamagitan niya, at dahil sa kanya.

11 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo na napagmasdan ko ang kanyang kaluwalhatian, tulad ng kaluwalhatian ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan, maging ang Espiritu ng katotohanan, na pumarito at nabuhay sa laman, at nanirahang kasama namin.

12 At ako, si Juan, ay nakita na hindi niya tinanggap ang kabuuan sa simula, sa halip ay tumanggap nang biyaya sa biyaya;

13 At hindi niya natanggap ang kabuuan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa natanggap niya ang kabuuan;

14 At sa gayon siya tinawag na Anak ng Diyos, sapagkat hindi niya natanggap ang kabuuan sa simula.

15 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo, at makinig, ang kalangitan ay nabuksan, at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na tulad ng isang kalapati, at lumapag sa kanya, at may narinig na isang tinig mula sa langit na nagsasabing: Ito ang pinakamamahal kong Anak.

16 At ako, si Juan, ay nagpapatotoo na natanggap niya ang kabuuan ng kaluwalhatian ng Ama;

17 At natanggap niya ang lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa, at ang kaluwalhatian ng Ama ay napasa kanya, sapagkat siya ay nanahan sa kanya.

18 At ito ay mangyayari na kung tapat kayo, inyong matatanggap ang kabuuan ng tala ni Juan.

19 Ibinibigay ko sa inyo ang mga salitang ito upang inyong maunawaan at malaman kung paano sumamba, at makilala kung ano ang inyong sinasamba, upang kayo ay makalapit sa Ama sa aking pangalan, at tumanggap ng kanyang kabuuan sa tamang panahon.

20 Sapagkat kung inyong sinusunod ang aking mga kautusan, tatanggapin ninyo ang kanyang kabuuan, at maluluwalhati sa akin na tulad ko sa Ama; kaya nga, sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya.

21 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kasama ko ang Ama mula pa sa simula, at ako ang Panganay;

22 At ang lahat ng yaong isinisilang sa pamamagitan ko ay kabahagi ng yaon ding kaluwalhatian, at ang simbahan ng Panganay.

23 Kayo rin ay kasama ng Ama mula pa sa simula; ng yaong Espiritu, maging ang Espiritu ng katotohanan;

24 At ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa darating pa;

25 At anumang humigit-kumulang dito ay espiritu ng yaong masama na isang sinungaling mula pa sa simula.

26 Ang Espiritu ng katotohanan ay mula sa Diyos. Ako ang Espiritu ng katotohanan, at si Juan ay nagpatotoo tungkol sa akin, sinasabing: Siya ay tumanggap ng kabuuan ng katotohanan, oo, maging ang lahat ng katotohanan;

27 At walang taong tumatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan.

28 Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa maluwalhati siya sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.

29 Ang tao rin ay kasama ng Diyos mula pa sa simula. Ang katalinuhan, o ang liwanag ng katotohanan, ay hindi nilikha o ginawa, ni maaaring gawin.

30 Ang lahat ng katotohanan ay may kasarinlan sa yaong kalagayan na pinaglagyan nito ng Diyos, upang kumilos sa sarili nito, tulad din ng lahat ng katalinuhan; kung hindi ay walang pagkabuhay.

31 Dinggin, narito ang kalayaan ng tao, at narito ang kaparusahan ng tao; sapagkat ang yaong mula pa sa simula ay malinaw na ipinahahayag sa kanila, at hindi nila tinatanggap ang liwanag.

32 At ang bawat tao na ang espiritu ay hindi tinatanggap ang liwanag ay napapasailalim sa kaparusahan.

33 Sapagkat ang tao ay espiritu. Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang espiritu at elemento, na hindi magkawalay ang ugnayan, ay tumatanggap ng ganap na kagalakan;

34 At kapag nagkahiwalay, ang tao ay hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan.

35 Ang mga elemento ay tabernakulo ng Diyos; oo, ang tao ay tabernakulo ng Diyos, maging mga templo; at anumang templo ang narurumihan, wawasakin ng Diyos ang templong yaon.

36 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o, sa ibang salita, liwanag at katotohanan.

37 Tinatalikuran ng liwanag at katotohanan ang yaong masama.

38 Ang bawat espiritu ng tao ay walang kasalanan sa simula; at sapagkat tinubos ng Diyos ang tao mula sa pagkahulog, ang mga tao ay nagbalik muli sa kanilang kamusmusan na walang kasalanan sa harapan ng Diyos.

39 At ang yaong masama ay dumarating at kinukuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao, at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.

40 Subalit ipinag-uutos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.

41 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Frederick G. Williams, nagpapatuloy ka sa pagpapasailalim sa ganitong kaparusahan;

42 Hindi mo tinuturuan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at ang yaong masama, sa ngayon, ay may kapangyarihan sa iyo, at ito ang dahilan ng iyong pagdurusa.

43 At ngayon, isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—kung ikaw ay maliligtas, isasaayos mo ang iyong sariling sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan.

44 Katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, na sa ilang bagay ay hindi niya sinunod ang mga kautusan hinggil sa kanyang mga anak; kaya nga, isaayos muna ang kanyang sambahayan.

45 Katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., o sa ibang salita, tatawagin ko kayong mga kaibigan, sapagkat kayo ay aking mga kaibigan, at makatatanggap kayo ng mana kasama ko—

46 Tinawag ko kayong mga tagapaglingkod para sa kapakanan ng sangkatauhan, at kayo ay kanilang mga tagapaglingkod para sa kapakanan ko—

47 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko kay Joseph Smith, Jun.—Hindi mo sinusunod ang mga kautusan, at talagang kinakailangang kagalitan ka sa harapan ng Panginoon;

48 Ang iyong mag-anak ay talagang kinakailangang magsisi at talikuran ang ilang bagay, at magbigay ng higit pang masugid na pagtalima sa iyong mga sinasabi, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan.

49 Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat; manalangin sa tuwina sapagkat baka magkaroon ang yaong masama ng kapangyarihan sa inyo, at alisin kayo sa inyong kinalalagyan.

50 Ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney rin, isang obispo ng aking simbahan, ay kinakailangang parusahan, at isaayos ang kanyang mag-anak, at tiyaking sila ay higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalangin sa tuwina, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan.

51 Ngayon, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ay hahayo sa kanyang paglalakbay, at magmamadali, at ipahahayag din ang taon ng biyaya ng Panginoon, at ang ebanghelyo ng kaligtasan, ayon sa ibibigay kong sasabihin niya; at sa pamamagitan ng inyong panalangin na may pananampalataya na lakip ang nagkakaisang pagsang-ayon, pagtitibayin ko siya.

52 At ang aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Frederick G. Williams ay magmamadali rin, at ibibigay sa kanila maging ang naaalinsunod sa panalangin na may pananampalataya; at yamang sumusunod kayo sa aking mga sinasabi, kayo ay hindi matutulig sa daigdig na ito, ni sa susunod na daigdig.

53 At, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na aking kalooban na nararapat kayong magmadali sa pagsasalin ng aking banal na kasulatan, at magtamo ng kaalaman tungkol sa kasaysayan, at tungkol sa mga bansa, at tungkol sa mga kaharian, tungkol sa mga batas ng Diyos at tao, at lahat ng ito ay para sa kaligtasan ng Sion. Amen.