Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 94


Bahagi 94

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Agosto 2, 1833. Itinatalaga sina Hyrum Smith, Reynolds Cahoon, at Jared Carter bilang isang lupon na namamahala sa mga gusali ng Simbahan.

1–9, Ang Panginoon ay nagbibigay ng isang kautusan kaugnay sa pagtatayo ng isang bahay para sa gawain ng Panguluhan; 10–12, Itatayo ang isang bahay-palimbagan; 13–17, Itinatakda ang ilang mana.

1 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na sisimulan ninyo ang isang gawain ng pagbabalangkas at paghahanda ng isang pasimula at saligan ng lungsod ng istaka ng Sion, dito sa lupain ng Kirtland, simula sa aking bahay.

2 At dinggin, ito ay dapat gawin alinsunod sa huwarang aking ibinibigay sa inyo.

3 At ang unang lote sa timog ay ilaan sa akin para sa pagtatayo ng isang bahay para sa panguluhan, para sa gawain ng panguluhan, sa pagtanggap ng mga paghahayag; at para sa gawain ng paglilingkod ng panguluhan, sa lahat ng bagay hinggil sa simbahan at kaharian.

4 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ay itatayo na may limampu’t lima at animnapu’t limang talampakan ang lapad niyon at ang haba niyon, sa pinakaloob na bulwagan.

5 At magkakaroon doon ng isang mas mababang bulwagan at isang mas mataas na bulwagan, alinsunod sa huwarang ibibigay sa inyo pagkaraan nito.

6 At ito ay ilalaan sa Panginoon mula sa saligan niyon, alinsunod sa orden ng pagkasaserdote, alinsunod sa huwarang ibibigay sa inyo pagkaraan nito.

7 At ito ay ganap na ilalaan sa Panginoon para sa gawain ng panguluhan.

8 At hindi ninyo ipahihintulot ang anumang maruming bagay na pumasok dito; at ang aking kaluwalhatian ay paroroon, at ako ay paroroon.

9 Subalit kung may papasok dito na anumang maruming bagay, ang aking kaluwalhatian ay hindi paroroon; at ako ay hindi paroroon.

10 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang ikalawang lote sa timog ay ilalaan sa akin para sa pagtatayo ng isang bahay para sa akin, para sa gawain ng paglilimbag ng salin ng aking mga banal na kasulatan, at sa lahat ng anumang bagay na aking iuutos sa inyo.

11 At magiging limampu’t lima at animnapu’t limang talampakan ang lapad niyon at ang haba niyon, sa pinakaloob na bulwagan; at magkakaroon ng isang mas mababa at isang mas mataas na bulwagan.

12 At ang bahay na ito ay ganap na ilalaan sa Panginoon mula sa saligan niyon, para sa gawain ng paglilimbag, sa lahat ng anumang bagay na iuutos ko sa inyo, na maging banal, walang bahid-dungis, alinsunod sa huwaran sa lahat ng bagay na ibibigay sa inyo.

13 At sa ikatlong lote tatanggapin ng aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith ang kanyang mana.

14 At sa una at ikalawang lote sa hilaga tatanggapin ng aking mga tagapaglingkod na sina Reynolds Cahoon at Jared Carter ang kanilang mga mana—

15 Upang kanilang maisagawa ang gawaing aking itinatakda sa kanila, na maging isang lupon na magtatayo sa aking mga bahay, alinsunod sa kautusan, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbibigay sa inyo.

16 Ang dalawang bahay na ito ay hindi itatayo hangga’t hindi ako nagbibigay sa inyo ng isang kautusan hinggil sa mga ito.

17 At ngayon, wala na akong ibibigay sa inyo na iba pa sa oras na ito. Amen.

Print