Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 95


Bahagi 95

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Hunyo 1, 1833. Ang paghahayag na ito ay isang pagpapatuloy sa mga banal na tagubilin na magtayo ng isang bahay para sa pagsamba at pagtuturo, ang bahay ng Panginoon (tingnan sa bahagi 88:119–136).

1–6, Kinagagalitan ang mga Banal dahil sa kanilang kabiguang itayo ang bahay ng Panginoon; 7–10, Ninanais ng Panginoon na gamitin ang bahay Niya upang pagkalooban ang Kanyang mga tao ng kapangyarihan mula sa kaitaasan; 11–17, Ilalaan ang bahay bilang isang lugar ng pagsamba at para sa paaralan ng mga Apostol.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo na aking minamahal, at ang aking minamahal ay akin ding pinarurusahan upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan, sapagkat kasama sa pagpaparusa ay aking inihahanda ang isang paraan para sa kanilang ikaliligtas sa lahat ng bagay mula sa tukso, at minamahal ko kayo—

2 Anupa’t kayo ay talagang kinakailangang parusahan at pagsabihan sa aking harapan;

3 Sapagkat kayo ay nagkakasala sa akin ng isang napakabigat na kasalanan, dahil hindi ninyo isinasaalang-alang ang dakilang kautusan sa lahat ng bagay, na aking ibinibigay sa inyo hinggil sa pagtatayo ng aking bahay;

4 Para sa paghahanda kung saan aking nilalayon na ihanda ang aking mga apostol na pungusan ang aking ubasan sa huling sandali, upang maisagawa ko ang aking kakaibang gawain, upang maibuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman—

5 Subalit dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na marami ang naoorden sa inyo, na aking tinatawag ngunit kaunti lamang sa kanila ang napili.

6 Sila na mga hindi napili ay nagkakasala ng isang napakabigat na kasalanan, dahil lumalakad sila sa kadiliman sa katanghaliang-tapat.

7 At sa kadahilanang ito, nagbigay ako sa inyo ng isang kautusan na nararapat ninyong tawagin ang inyong kapita-pitagang kapulungan, upang ang inyong mga pag-aayuno at inyong pagdadalamhati ay makarating sa mga pandinig ng Panginoon ng Sabaoth, na kung isasalin ay ang tagapaglikha ng unang araw, ang simula at ang wakas.

8 Oo, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako ay nagbigay sa inyo ng isang kautusan na nararapat kayong magtayo ng isang bahay, na bahay na aking nilalayong magkaloob sa mga yaong aking pinili ng kapangyarihan mula sa kaitaasan;

9 Sapagkat ito ang pangako ng Ama sa inyo; kaya nga inuutusan ko kayo na manatili, maging tulad ng aking mga apostol sa Jerusalem.

10 Gayunpaman, ang aking mga tagapaglingkod ay nagkasala ng isang napakabigat na kasalanan; at nagkaroon ng mga pagtatalo sa paaralan ng mga propeta; na napakasakit sa akin, wika ng inyong Panginoon; kaya nga pinalabas ko sila upang parusahan.

11 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking kalooban na nararapat kayong magtayo ng isang bahay. Kung inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay magkakaroon ng kakayahang itayo ito.

12 Kung hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan, ang pag-ibig ng Ama ay hindi mananatili sa inyo, kaya nga, kayo ay lalakad sa kadiliman.

13 Ngayon, narito ang karunungan, at ang kaisipan ng Panginoon—ang bahay ay itayo, hindi alinsunod sa pamamaraan ng sangkatauhan, dahil hindi ko iniuutos sa inyo na kayo ay mamumuhay alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan;

14 Samakatwid, itayo ito alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita sa tatlo sa inyo, na inyong itatalaga at ioorden sa kapangyarihang ito.

15 At ang sukat niyon ay magiging limampu’t limang talampakan ang lapad, at magiging animnapu’t limang talampakan ang haba, sa pinakaloob na bulwagan niyon.

16 At ang mas mababang bahagi ng pinakaloob na bulwagan ay ilaan sa akin para sa inyong pag-aalay ng sakramento, at para sa inyong pangangaral, at inyong pag-aayuno, at inyong pananalangin, at sa pag-aalay ng inyong mga pinakabanal na naisin sa akin, wika ng Panginoon.

17 At ang mas mataas na bahagi ng pinakaloob na bulwagan ay ilaan sa akin para sa paaralan ng aking mga apostol, wika ng Anak na si Ahman; o, sa ibang salita, ang Alphus; o, sa ibang salita, ang Omegus; maging si Jesucristo na inyong Panginoon. Amen.