Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 96


Bahagi 96

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, na ipinakikita ang ayos ng lungsod o istaka ng Sion sa Kirtland, Ohio, Hunyo 4, 1833, bilang halimbawa sa mga Banal sa Kirtland. Ang pangyayari ay isang pagpupulong ng matataas na saserdote, at ang pangunahing paksa na isinasaalang-alang ay ang pamamahagi ng ilang lupain, na kilala bilang sakahan ng mga French, na pag-aari ng Simbahan malapit sa Kirtland. Dahil hindi magkasundo ang kapulungan kung sino ang mamamahala ng sakahan, nagkasundo silang lahat na magtanong sa Panginoon hinggil sa bagay na ito.

1, Palalakasin ang istaka ng Kirtland ng Sion; 2–5, Ipamamahagi ng obispo ang mga mana sa mga Banal; 6–9, Magiging kasapi ng nagkakaisang orden si John Johnson.

1 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, narito ang karunungan, kung saan malalaman ninyo kung paano kikilos hinggil sa bagay na ito, sapagkat marapat sa akin na ang istakang ito na aking itinatatag para sa lakas ng Sion ay mapalakas.

2 Anupa’t ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang mamamahala ng lugar na pinapangalanan ninyo, kung saan ko nilalayong itayo ang aking banal na bahay.

3 At muli, hatiin ito sa mga lote, alinsunod sa karunungan, para sa kapakinabangan ng mga yaong naghahangad ng mga mana, tulad ng mapagpapasiyahan sa pagpupulong ninyo.

4 Anupa’t tiyakin na aasikasuhin ninyo ang bagay na ito, at ang bahaging yaon na kinakailangan para pakinabangan ng aking orden, para sa layuning isiwalat ang aking salita sa mga anak ng tao.

5 Sapagkat dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang pinakamarapat sa akin, na nararapat humayo ang aking salita sa mga anak ng tao, para sa layuning mapalambot ang mga puso ng mga anak ng tao para sa inyong ikabubuti. Maging gayon nga. Amen.

6 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, karunungan at marapat sa akin na ang tagapaglingkod ko na si John Johnson, kung kaninong handog ay aking tinatanggap, at kung kaninong mga panalangin ay aking naririnig, na siya na binibigyan ko ng pangako ng buhay na walang hanggan yamang kanyang sinusunod ang aking mga kautusan mula ngayon—

7 Sapagkat siya ay inapo ni Jose at kabahagi sa mga pagpapala ng pangakong ginawa sa kanyang mga ama—

8 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, marapat sa akin na siya ay nararapat na maging kasapi ng orden, upang makatulong siya sa pagsisiwalat ng aking salita sa mga anak ng tao.

9 Samakatwid, inyo siyang ioorden sa pagpapalang ito, at siya ay magsusumigasig na maalis ang mga pananagutang nakapataw sa bahay na pinangalanan ninyo, upang siya ay manirahan doon. Maging gayon nga. Amen.