Bahagi 98
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Agosto 6, 1833. Dumating ang paghahayag na ito bunga ng pag-uusig sa mga Banal sa Missouri. Binagabag ng dumaraming paglipat ng tirahan ng mga kasapi ng Simbahan sa Missouri ang ilang naninirahan doon, na nangamba sa mga bilang, impluwensya sa politika at ekonomiya, at pagkakaiba sa kultura at relihiyon ng mga Banal. Noong Hulyo 1833, winasak ng mga manggugulo ang ari-arian ng Simbahan, nilagyan ng alkitran at mga balahibo ang dalawang kasapi ng Simbahan, at iginiit sa mga Banal na lisanin ang Jackson County. Bagama’t ang ilang balita ng mga suliranin sa Missouri ay walang alinlangang nakarating sa Propeta sa Kirtland (siyam na raang milya ang layo), naipaalam sa kanya ang kalubhaan ng kalagayan sa petsang ito sa pamamagitan lamang ng paghahayag.
1–3, Ang mga paghihirap ng mga Banal ay makabubuti para sa kanila; 4–8, Nararapat itaguyod ng mga Banal ang saligang batas ng lupain; 9–10, Kinakailangang katigan ang matatapat, marurunong, at mabubuting tao para sa sekular na pamahalaan; 11–15, Magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga yaong nag-aalay ng kanilang buhay para sa layunin ng Panginoon; 16–18, Talikdan ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan; 19–22, Ang mga Banal sa Kirtland ay kinagalitan at inutusang magsisi; 23–32, Ipinapahayag ng Panginoon ang Kanyang mga batas na sumasaklaw sa mga pag-uusig at pagpapahirap na ipinapataw sa Kanyang mga tao; 33–38, Binibigyang-katwiran lamang ang digmaan kung ipinag-uutos ito ng Panginoon; 39–48, Kinakailangang patawarin ng mga Banal ang kanilang mga kaaway, na, kung magsisi sila, ay makatatakas din sa paghihiganti ng Panginoon.
1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo na aking mga kaibigan, huwag matakot, maalo ang inyong mga puso; oo, magsaya magpakailanman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat;
2 Naghihintay nang matiyaga sa Panginoon, sapagkat ang inyong mga panalangin ay nakararating sa mga pandinig ng Panginoon ng Sabaoth, at natatala nang may tatak at testamento na ito—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay igagawad.
3 Samakatwid, ibinibigay niya ang pangakong ito sa inyo, nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at ang lahat ng bagay na nagpapahirap sa inyo ay maaayos para sa ikabubuti ninyo, at sa kaluwalhatian ng aking pangalan, wika ng Panginoon.
4 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo hinggil sa mga batas ng lupain, aking kalooban na ang mga tao ko ay tutuparing gawin ang lahat ng bagay anuman ang iniuutos ko sa kanila.
5 At ang yaong batas ng lupain na naaayon sa saligang-batas, na nagtataguyod sa yaong alituntunin ng kalayaan sa pagpapanatili ng mga karapatan at pribilehiyo, ay pagmamay-ari ng buong sangkatauhan, at nabibigyang-katwiran sa harapan ko.
6 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay binibigyang-katwiran kayo, at ang inyong mga kapatid sa aking simbahan, sa pagtataguyod sa batas na yaon na siyang saligang-batas ng lupain;
7 At hinggil sa batas ng tao, anumang humigit-kumulang dito ay nagmumula sa masama.
8 Ako, ang Panginoong Diyos, ay ginagawa kayong malaya, kaya nga kayo ay tunay na malaya; at ang batas din ay nagpapalaya sa inyo.
9 Gayunpaman, kapag ang masama ang namumuno, ang mga tao ay nagdadalamhati.
10 Samakatwid, ang matatapat at marurunong na tao ay nararapat na matiyagang hanapin, at ang mabubuti at marurunong na tao ang nararapat ninyong katigan; kung hindi, anuman ang kulang dito ay nagmumula sa masama.
11 At ako ay nagbibigay sa inyo ng isang kautusan, na talilikuran ninyo ang lahat ng masama at kakapit sa lahat ng mabuti, na kayo ay mabubuhay sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.
12 Sapagkat magbibigay siya sa matatapat nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin; at kayo ay aking susubukin at susubukan sa pamamagitan ng mga ito.
13 At ang sinumang mag-aalay ng kanyang buhay para sa aking layunin, para sa aking pangalan, ay matatagpuan itong muli, maging buhay na walang hanggan.
14 Samakatwid, huwag kayong matatakot sa inyong mga kaaway, sapagkat napagpasiyahan ko sa aking puso, wika ng Panginoon, na susubukan ko kayo sa lahat ng bagay, kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan, maging hanggang sa kamatayan, nang kayo ay matagpuang karapat-dapat.
15 Sapagkat kung kayo ay hindi mananatili sa aking tipan, hindi kayo karapat-dapat sa akin.
16 Anupa’t talikdan ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan, at masigasig na pagsikapang maibaling ang mga puso ng mga anak sa kanilang mga ama, at ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak;
17 At muli, ang mga puso ng mga Judio sa mga propeta, at ang mga propeta sa mga Judio; sapagkat baka ako ay pumarito at parusahan ang buong sanlibutan ng isang sumpa, at ang lahat ng laman ay masusunog sa harapan ko.
18 Huwag mababagabag ang inyong mga puso; sapagkat sa bahay ng aking Ama ay maraming mansiyon, at ako ay naghahanda ng isang lugar para sa inyo; at kung nasaan ang aking Ama at ako, kayo ay paroroon din.
19 Dinggin, ako, ang Panginoon, ay hindi gaanong nalulugod sa marami sa nasa simbahan sa Kirtland;
20 Sapagkat hindi nila tinalilikuran ang kanilang mga kasalanan, at ang kanilang masasamang ugali, ang kapalaluan ng kanilang mga puso, at ang kanilang pagnanasa, at ang lahat ng kanilang kasuklam-suklam na bagay, at sundin ang mga salita ng karunungan at buhay na walang hanggan na aking ibinigay sa kanila.
21 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako, ang Panginoon, ay parurusahan sila at gagawin ang anumang aking ninanais, kung hindi sila magsisisi at tutuparin ang lahat ng bagay anuman ang sinasabi ko sa kanila.
22 At muli, sinasabi ko sa inyo, kung inyong tutuparing gawin ang anumang ipinag-uutos ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay aalisin ang lahat ng poot at galit mula sa inyo, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig sa inyo.
23 Ngayon, ako ay nangungusap sa inyo hinggil sa inyong mga mag-anak—kung ang mga tao ay sasaktan kayo, o ang mag-anak ninyo, nang minsan, at matiyaga ninyo itong titiisin at hindi sila lilibakin, ni maghahangad na makaganti, gagantimpalaan kayo;
24 Subalit kung hindi ninyo ito matiyagang titiisin, ipapalagay na ang pagturing na ito ay isang makatarungang panukat sa inyo.
25 At muli, kung ang inyong kaaway ay sasaktan kayo sa ikalawang pagkakataon, at hindi ninyo lilibakin ang inyong kaaway, at matiyaga itong titiisin, ang inyong gantimpala ay magiging isandaang ulit.
26 At muli, kung sasaktan niya kayo sa ikatlong pagkakataon, at inyo itong matiyagang titiisin, ang inyong gantimpala ay dodoblehin hanggang makaapat na ulit sa inyo;
27 At ang tatlong patotoong ito ay tatayo laban sa inyong kaaway kung hindi siya magsisisi, at hindi ito mabubura.
28 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung matatakasan ng kaaway na yaon ang aking paghihiganti, kung kaya’t siya ay hindi madadala sa paghahatol sa harapan ko, kung gayon, titiyakin ninyo na inyo siyang babalaan sa aking pangalan, upang siya ay hindi na muling mambagabag sa inyo, ni sa inyong mag-anak, maging sa mga anak ng inyong mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
29 At sa gayon, kung babagabagin niya kayo o ang inyong mga anak o ang mga anak ng inyong mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi, ibibigay ko ang kaaway ninyo sa inyong mga kamay;
30 At sa gayon, kung inyo siyang patatawarin, kayo ay gagantimpalaan dahil sa inyong katwiran; at gayundin ang inyong mga anak at ang mga anak ng inyong mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
31 Gayunpaman, ang inyong mga kaaway ay nasa mga kamay ninyo; at kung inyong gagantimpalaan siya alinsunod sa kanyang mga gawa, kayo ay bibigyang-katwiran; kung kanyang hinahangad ang inyong buhay, at ang inyong buhay ay nanganganib sa kanya, nasa inyong mga kamay ang kaaway ninyo at kayo ay bibigyang-katwiran.
32 Dinggin, ito ang batas na aking ibinigay sa aking tagapaglingkod na si Nephi, at sa inyong mga ama na sina Jose, at Jacob, at Isaac, at Abraham, at lahat ng aking mga sinaunang propeta at apostol.
33 At muli, ito ang batas na ibinigay ko sa aking mga sinauna, na sila ay hindi nararapat makipagdigma laban sa sinumang bansa, lahi, wika, o tao, maliban kung ako, ang Panginoon, ay nag-utos sa kanila.
34 At kung may sinumang bansa, wika, o tao ang magpapahayag ng digmaan laban sa kanila, sila ay nararapat munang magtaas ng isang bandila ng kapayapaan sa mga yaong tao, bansa, o wika;
35 At kung hindi tinanggap ng mga taong yaon ang handog ng kapayapaan, ni ang pangalawa o ang pangatlong pagkakataon, nararapat na dalhin nila ang mga patotoong ito sa harapan ng Panginoon;
36 Sa gayon, ako, ang Panginoon, ay magbibigay sa kanila ng isang kautusan, at bibigyang-katwiran sila sa pakikidigma laban sa yaong bansa, wika, o tao.
37 At ako, ang Panginoon, ang lalaban sa kanilang mga digmaan, at sa digmaan ng kanilang mga anak, at sa anak ng kanilang mga anak, hanggang sa maipaghiganti nila ang kanilang sarili sa lahat ng kanilang kaaway, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
38 Dinggin, ito ay isang halimbawa sa lahat ng tao, wika ng Panginoon ninyong Diyos, para sa pagbibigay-katwiran sa harapan ko.
39 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung matapos kayong bagabagin ng inyong kaaway sa unang pagkakataon, siya ay nagsisi at lumapit sa inyo na hinihingi ang inyong kapatawaran, patatawarin ninyo siya, at hindi na ito panghahawakang patotoo laban sa inyong kaaway—
40 At gayon nga hanggang sa ikalawa at ikatlong pagkakataon; at kasindalas ng pagsisisi ng inyong kaaway sa pagkakasala na naging kasalanan niya laban sa inyo, patatawarin ninyo siya, hanggang sa makapitumpung pito.
41 At kung siya ay magkakasala sa inyo at hindi magsisisi sa unang pagkakataon, gayunpaman ay patatawarin ninyo siya.
42 At kung siya ay magkakasala sa inyo sa ikalawang pagkakataon, at hindi magsisisi, gayunpaman ay patatawarin ninyo siya.
43 At kung siya ay magkakasala sa inyo sa ikatlong pagkakataon, at hindi magsisisi, gayunpaman ay patatawarin ninyo rin siya.
44 Subalit kung siya ay magkakasala sa inyo sa ikaapat na pagkakataon, hindi ninyo siya patatawarin, sa halip ay dadalhin ang mga patotoong ito sa harapan ng Panginoon; at ang mga yaon ay hindi mabubura hanggang sa magsisi siya at pagbayaran nang makaapat na ulit ang lahat ng bagay na naging kasalanan niya laban sa inyo.
45 At kung gagawin niya ito, patatawarin ninyo siya nang buo ninyong puso; at kung hindi niya ito gagawin, ako, ang Panginoon, ay ipaghihiganti kayo sa inyong kaaway nang isandaang ulit;
46 At sa kanyang mga anak, at sa mga anak ng kanyang mga anak ng lahat nila na napopoot sa akin, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.
47 Subalit kung magsisisi ang mga anak, o ang mga anak ng mga anak, at babaling sa Panginoon nilang Diyos, nang kanilang buong puso at kanilang buong kakayahan, pag-iisip, at lakas, at magpapanumbalik nang makaapat na ulit para sa lahat ng kanilang pagkakasala na kanilang naging kasalanan, o na naging kasalanan ng kanilang mga ama, o ng mga ama ng kanilang mga ama, sa gayon, ang inyong galit ay mawawala;
48 At ang paghihiganti ay hindi na sasapit sa kanila, wika ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanilang mga pagkakasala ay hindi na dadalhin kailanman bilang patotoo sa harapan ng Panginoon laban sa kanila. Amen.