Bahagi 99
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay John Murdock, Agosto 29, 1832, sa Hiram, Ohio. Lagpas na sa isang taong nangangaral si John Murdock ng ebanghelyo habang ang kanyang mga anak—na walang ina simula nang namatay ang kanyang asawang si Julia Clapp noong Abril 1831—ay naninirahan kasama ang ibang mga mag-anak sa Ohio.
1–8, Tinatawag si John Murdock na ipahayag ang ebanghelyo, at ang mga yaong tumatanggap sa kanya ay tinatanggap ang Panginoon at magtatamo ng awa.
1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa aking tagapaglingkod na si John Murdock—ikaw ay tinatawag na magtungo sa mga bayan sa kasilanganan nang bahay sa bahay, nang baryo sa baryo, at nang lungsod sa lungsod, upang ipahayag ang aking walang hanggang ebanghelyo sa mga naninirahan sa mga yaon, sa gitna ng pag-uusig at kasamaan.
2 At siyang tumatanggap sa iyo ay tinatanggap ako; at magkakaroon ka ng kakayahang maipahayag ang aking salita sa pagpapamalas ng aking Banal na Espiritu.
3 At siyang tumatanggap sa iyo tulad ng isang maliit na bata ay tinatanggap ang aking kaharian; at pinagpala sila, sapagkat sila ay magtatamo ng awa.
4 At ang sinumang hindi tumatanggap sa iyo ay hindi tatanggapin ng aking Ama at ng kanyang sambahayan; at lilinisin mo ang iyong mga paa sa mga kubling lugar sa daraanan bilang patotoo laban sa kanila.
5 At dinggin, at makinig, ako ay madaling darating upang maghatol, upang paniwalain ang lahat sa kanilang mga hindi maka-diyos na gawain na ginawa nila laban sa akin, tulad ng nasusulat hinggil sa akin sa tomo ng aklat.
6 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na hindi marapat na humayo ka hanggang sa ang iyong mga anak ay mapaglaanan at maipadala nang mabuti sa obispo ng Sion.
7 At pagkalipas ng ilang taon, kung ikaw ay maghahangad sa akin, maaari kang magtungo sa magandang lupain, nang makamit ang iyong mana;
8 Kung hindi, ikaw ay magpapatuloy sa paghahayag ng aking ebanghelyo hanggang sa ikaw ay kunin. Amen.