Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 9


Bahagi 9

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829. Tinagubilinan si Oliver na maging mapagtiis, at hinikayat na masiyahan sa pagsusulat sa panahong iyon, sa dikta ng tagapagsalin, sa halip na magtangkang magsalin.

1–6, Isasalin pa ang iba pang mga sinaunang talaan; 7–14, Ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng pag-aaral at sa pamamagitan ng espirituwal na pagpapatibay.

1 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, aking anak, na dahil hindi ka nagsalin alinsunod sa yaong hiniling mo sa akin, at muling nagsimulang magsulat para sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., kaya nga nais kong ikaw ay magpatuloy hanggang sa matapos mo ang talaang ito, na aking ipinagkatiwala sa kanya.

2 At pagkatapos, dinggin, may iba pa akong mga talaan, na aking ibibigay sa iyo ang kapangyarihan upang ikaw ay makatulong na magsalin.

3 Maging matiisin, aking anak, sapagkat ito ay karunungan sa akin, at hindi ka kinakailangang magsalin sa ngayon.

4 Dinggin, ang gawain kung saan ka tinawag na gumawa ay magsulat para sa aking tagapaglingkod na si Joseph.

5 At, dinggin, ito ay dahil sa hindi ka nagpatuloy tulad ng iyong pagsisimula, nang magsimula kang magsalin, kaya aking kinuha ang pribilehiyong ito sa iyo.

6 Huwag bumulung-bulong, aking anak, sapagkat karunungan sa akin na ikaw ay pakitunguhan ko sa ganitong pamamaraan.

7 Dinggin, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ipagkakaloob ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay hilingin sa akin.

8 Subalit, dinggin, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos, kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama, aking papapangyarihin na mag-alab ang iyong dibdib sa loob mo; kaya nga, madarama mo na ito ay tama.

9 Subalit kung ito ay hindi tama, hindi ka magkakaroon ng gayong pakiramdam, sa halip, magkakaroon ka ng pagkatuliro ng pag-iisip na magdudulot sa iyong makalimutan ang bagay na mali; kaya nga, hindi ka makasusulat ng yaong banal maliban kung ibinigay ito sa iyo, mula sa akin.

10 Ngayon, kung nalaman mo ito, nakapagsalin ka sana; gayunman, hindi ka kinakailangang magsalin ngayon.

11 Dinggin, iyon ay kinailangan noong nagsimula ka; subalit natakot ka, at ang panahon ay lumipas na, at hindi na ito kinakailangan ngayon;

12 Sapagkat hindi mo ba namamasdan na binigyan ko ang aking tagapaglingkod na si Joseph ng sapat na lakas, na sa pamamagitan nito ay nagawa niya iyon? At hindi ko hinusgahan ang sinuman sa inyo.

13 Gawin ang bagay na ito na aking ipinag-utos sa iyo, at ikaw ay magtatagumpay. Maging matapat, at huwag magpatalo sa anumang tukso.

14 Manatiling matatag sa gawain kung saan kita tinawag, at ang isa mang buhok sa iyong ulo ay hindi malalagas, at dadakilain ka sa huling araw. Amen.