Mga Banal na Kasulatan
Opisyal nga Pahayag 2


Opisyal na Pahayag—2

Sa kinauukulan:

Noong ika-30 ng Setyembre 1978, sa ika-148 na Animang Buwang Pangkalahatang Pagpupulong ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga sumusunod ay iniharap ni Pangulong N. Eldon Tanner, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan ng Simbahan:

Sa unang bahagi ng Hunyo ng taong ito, ipinahayag ng Unang Panguluhan na isang paghahayag ang natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball na naggagawad ng pagkasaserdote at mga pagpapala sa templo sa lahat ng karapat-dapat na mga lalaking kasapi ng Simbahan. Hiniling ni Pangulong Kimball na aking ipahayag sa pagpupulong na pagkatapos niyang matanggap ang paghahayag na ito, na dumating sa kanya matapos ang mahabang pagninilay-nilay at panalangin sa mga banal na silid ng banal na templo, iniharap niya ito sa kanyang mga tagapayo, na tinanggap ito at pinagtibay ito. Pagkatapos nito ito ay iniharap sa Korum ng Labindalawang Apostol, na buong pagkakaisang pinagtibay ito, at pagkaraan ay iniharap sa lahat ng iba pang Pangkalahatang Maykapangyarihan, na buong pagkakaisa ring pinagtibay ito.

Hiniling ni Pangulong Kimball na basahin ko ngayon ang liham na ito:

ika-8 ng Hunyo 1978

Sa lahat ng pangkalahatan at lokal na may katungkulang pagkasaserdote ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng daigdig:

Mga Minamahal na Kapatid:

Habang nasasaksihan natin ang paglawak ng gawain ng Panginoon sa mundo, tayo ay nagpapasalamat na ang mga tao ng maraming bansa ay tumugon sa mensahe ng pinanumbalik na ebanghelyo, at sumapi sa Simbahan sa lalong lumalaking bilang. Ito, sa kabilang dako, ay nagbigay-sigla sa atin na may hangaring igawad sa bawat karapat-dapat na kasapi ng Simbahan ang lahat ng pribilehiyo at pagpapalang maibibigay ng ebanghelyo.

Batid ang mga pangakong ginawa ng mga propeta at pangulo ng Simbahan na nangauna sa amin na sa ilang panahon, sa walang hanggang plano ng Diyos, lahat ng ating mga kapatid na lalaki na karapat-dapat ay maaaring makatanggap ng pagkasaserdote, at namamalas ang katapatan ng mga yaong kung kanino ang pagkasaserdote ay ipinagkait, kami ay nagsumamo nang matagal at taimtim alang-alang sa kanila, na ating matatapat na kapatid, gumugugol ng maraming oras sa Itaas na Silid ng Templo nagsusumamo sa Panginoon para sa banal na pamamatnubay.

Kanyang dininig ang aming mga panalangin, at sa pamamagitan ng paghahayag ay pinagtibay na ang matagal nang ipinangakong araw ay sumapit na kung kailan ang bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahin kasama ang kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kasama na ang mga pagpapala ng templo. Alinsunod dito, lahat ng karapat-dapat na lalaking kasapi ng Simbahan ay maaaring ordenan sa pagkasaserdote nang walang pagsasaalang-alang ng lahi o kulay. Ang mga pinuno ng pagkasaserdote ay tinatagubilinang sumunod sa patakaran ng maingat na pakikipanayam sa lahat ng kandidato sa ordinasyon alinman sa Pagkasaserdoteng Aaron o Melquisedec upang matiyak na kanilang natugunan ang mga naitatag na pamantayan sa pagiging karapat-dapat.

Aming ipinahahayag nang may kahinahunan na ipinaalam ng Panginoon ngayon ang kanyang kalooban para sa pagpapala ng lahat ng kanyang mga anak sa lahat ng dako ng mundo na makikinig sa tinig ng kanyang binigyan ng mga kapangyarihang tagapaglingkod, at ihanda ang kanilang sarili na tumanggap ng lahat ng pagpapala ng ebanghelyo.

Matapat na sumasainyo,

Spencer W. Kimball

N. Eldon Tanner

Marion G. Romney

Ang Unang Panguluhan

Kinikilala si Spencer W. Kimball bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iminumungkahi na tayo bilang isang manghahalal na kapulungan ay tanggapin ang paghahayag na ito bilang salita at kalooban ng Panginoon. Lahat ng sumasang-ayon maaari lamang ipakita sa pamamagitan ng pagtataas ng inyong kanang kamay. Sinuman ang di sumasang-ayon sa pamamagitan ng gayon ding tanda.

Ang boto upang tanggapin ang naunang mungkahi ay buong pagkakaisa sa pagsang-ayon.

Salt Lake City, Utah, ika-30 ng Setyembre 1978.