Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Andrew Jenson
Mananalaysay mula sa Denmark
Para kay Andrew, mahalaga ang kuwento ng lahat.
Kumuha ng bolpen si Andrew at binuklat ang kanyang journal. Ngayon, pauwi na ako mula sa aking misyon, pagsulat niya.
Ngumiti siya at dumungaw sa bintana ng tren. Ginugol niya ang huling dalawang taon sa Denmark, ang bansa kung saan siya ipinanganak. Doon din nabinyagan ang kanyang pamilya. Lumipat sila sa Utah, USA, noong tinedyer siya. At hindi magtatagal ay makakasama na niya sila!
Binuklat ni Andrew ang pahina at patuloy na nagsulat. Gusto niyang magsulat. Gusto rin niyang pag-aralan ang kasaysayan ng Simbahan. Nabasa na niya ang lahat ng mababasa niya tungkol kay Joseph Smith. Isinaulo pa niya ang lahat ng mahahalagang petsa sa buhay ni Joseph Smith.
Hindi nagtagal ay nakauwi na si Andrew sa piling ng kanyang pamilya. Araw-araw niya silang tinulungang magtrabaho sa sakahan. Nag-araro siya. Nagtanim siya. Pero gusto niyang makagawa ng iba pa. Gusto niyang magbasa at magsulat at maglakbay.
Kaya nagdasal si Andrew. Pinag-isipan niya nang husto kung ano ang dapat niyang gawin. Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya! Sinimulan niyang isalin ang ilang kasaysayan ni Joseph Smith sa wikang Danish.
At simula pa lamang iyon. Patuloy na nagsulat, nagbasa, at nagsalin si Andrew. Nagsimula siyang magtrabaho para sa Simbahan bilang isang mananalaysay. Nagpunta siya sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Nagtipon siya ng mga kuwento at mahahalagang papel.
Isang araw, may ipinagawa ang mga pinuno ng Simbahan kay Andrew na mas kapana-panabik. Pinapunta siya nila sa iba’t ibang bansa. Susulat siya ng mga kuwento tungkol sa mga miyembro ng Simbahan na nakilala niya. Hindi makapaghintay si Andrew!
Nagpaalam si Andrew sa kanyang pamilya. Pagkatapos, hawak ang kanyang pasaporte, umalis na si Andrew! Naglakbay siya sakay ng barko. Naglakbay siya sakay ng tren. May pagkakataong naglakbay siya sakay ng karuwahe o kaya’y ng kabayo o kamelyo.
Saanman siya magpunta, kinausap ni Andrew ang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kanilang buhay. Kinausap niya sila tungkol sa kanilang pananampalataya. Isinulat niya ang kanilang mga kuwento para mabasa ito ng ibang mga tao. Para kay Andrew, mahalaga ang kuwento ng lahat.
Nang umuwi si Andrew mula sa kanyang biyahe, ginawa niyang aklat ang mga kuwento. Itinuro niya sa iba na isulat ang mga bagay-bagay at itago ang mga ito sa isang ligtas na lugar.
Masaya si Andrew sa paggawa ng gawaing gustung-gusto niya. Ngunit kung minsa’y iniisip niya kung talagang nakakagawa siya ng kaibhan. Nagpasiya siyang ipagdasal ito.
“Ama sa Langit, bakit hindi ako nahilingang gumawa ng mas mahahalagang bagay?” Isang malinaw na sagot ang pumasok sa isipan ni Andrew. Binigyang-inspirasyon ka na ng Diyos na gawin ang gawaing nagawa mo.
Napangiti si Andrew. Alam niyang ginagawa niya ang nais ipagawa sa kanya ng Diyos. At hindi siya titigil!
Iningatan ni Andrew ang mga kuwento ng mahigit 15,000 tao. Matutularan natin ang kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagsulat ng mga kuwento ng sarili nating pamilya. Mahalaga ang kuwento ng lahat—pati na ang sa iyo!