2021
Anyayahan Natin ang Lahat
Nobyembre 2021


Anyayahan Natin ang Lahat

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nais ni Jarom na pumunta ang buong pamilya niya sa kanyang binyag.

“Nais kong kapiling ang mag-anak namin, paraan nito’y bigay ng Diyos, landas ’tinuro N’yang lubos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).

Maori family sitting outside a small building called a marae

Umupo si Jarom sa damuhan sa harap ng marae ng kanyang nana. Halos oras na para magsimula ang party ng pamilya!

Tumingala siya sa mga pulang ukit sa gilid ng gusali. “Inay, paano po isenyas ang pangalan ni Nana?” tanong niya. Bingi na ang lola ni Jarom. Kung minsan nagsasanay sila ng sign language para maalala siya.

“Ganito,” sabi ni Inay. Dahan-dahan niyang isinenyas ang pangalan nito gamit ang kanyang mga kamay. Isinenyas din ito ni Jarom gamit ang kanyang mga kamay. Gustung-gusto niyang malaman ang tungkol sa kanyang pamilya.

“Gusto ko pong subukan.” Naupo ang pinsan ni Jarom na si Kati sa tabi nila. Muling isinenyas ni Inay ang pangalan.

“Sa susunod na buwan para sa binyag ko, puwede po ba tayong kumanta sa sign language?” tanong ni Jarom.

“Oo naman,” sabi ni Inay.

“Ano po ang binyag?” tanong ni Kati.

Karamihan sa pamilya ni Jarom ay hindi mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Ang pagpapabinyag ay isang espesyal na bagay sa simbahan ko,” sabi ni Jarom. “Iyon ang panahon na nangangako kang sundin si Jesus, at nangangako Siyang tulungan ka.”

“Ang galing,” sabi ni Kati.

“Gusto mo bang magpunta sa binyag ko?” tanong ni Jarom.

“Sige!” Ngumiti si Kate. Pagkatapos ay bumaling si Jarom sa kanyang ina.

“Puwede po ba nating anyayahan ang iba pang mga pinsan ko? At ang mga tita at tito ko?”

Tumango si Inay. “Palagay ko magandang ideya iyan.”

Inanyayahan nina Jarom at Inay ang iba pang mga kapamilya sa binyag. Walang gaanong alam ang mga tita at tito niya tungkol sa binyag. Pero alam nilang espesyal na araw iyon para kay Jarom. “Pupunta kami!” sabi nila.

Lumipas ang mga linggo. Sa wakas ay araw na ng binyag ni Jarom! Nang pumasok si Jarom sa chapel, malaki ang ngiti niya. Bawat hanay ay puno ng mga miyembro ng kanyang pamilya!

family standing with boy dressed in white for baptism

Nagsalita muna ang tatay ni Jarom tungkol sa binyag at sa kaloob na Espiritu Santo. Binanggit din niya kung gaano kahalaga ang mga pamilya. “Masayang-masaya kami na mabibinyagan na si Jarom ngayon. At masayang-masaya kaming makasama ang aming pamilya!” sabi niya. “Ano ang pinakamahalagang bagay sa mundo?” tanong niya. “Ito’y ang mga tao, ang mga tao, ang mga tao.”

Ngumiti ang lahat. Ito’y isang kasabihang Māori na gustung-gusto nilang lahat.

Pagkatapos magsalita ni Itay, sina Jarom at Inay naman. Kumanta sila ng isang awitin sa Primary sa sign language. Dahil dito’y nadama ni Jarom na malapit siya sa kanyang nana.

Pagkatapos ay nagpunta na sina Jarom at Itay sa bautismuhan. Habang nakatayo siya sa tubig, tumingala si Jarom sa lahat ng kapamilya niya. Mga pinsan, tita, tito. Naroon silang lahat!

Pumikit si Jarom. Sumaya siya at napanatag. Pakiramdam niya ay may yumayakap sa kanya. Naisip niya ang kanyang nana. Naisip niya ang kanyang mga ninuno. Alam niya na ipinagmamalaki rin nila siya.

Nagpalit na si Jarom ng tuyong damit. Pagkatapos ay niyakap niya ang bawat miyembro ng kanyang pamilya. Nagpasalamat siya para sa kanilang lahat. At nagpasalamat siya sa kanyang mga kapamilyang nasa langit na makakaharap niya balang-araw. Gusto ni Jarom na patuloy na gumawa ng mabubuting pasiya para maipagmalaki nila siya.

November 2021 Friend magazine.

Mga larawang-guhit ni Oksana Grivina