Isinulat Mo
Hinihintay Nila Ako!
Sabik na akong magpabinyag para sa aking mga ninuno!
Hi! Ako si Giselle Olivia. Ipinanganak ako sa India. Mahal ko si Jesucristo. 2.3 porsiyento lamang ng mga tao sa India ang mga Kristiyano. Oo, mahirap kung minsan. Pero alam ko na tinutulungan at ginagabayan Niya ako. At ngayon ay nagtatayo ang Simbahan ng isang templo sa India!
Nakatira ako sa isang magandang lungsod na may milyun-milyong tao. Sa milyun-milyong ito, anim na tao ang pinakamamahal ko: ang aking mama; ang bunsong kapatid kong babaeng si Halle; ang mapagmahal kong mga lolo’t lola; ang tito ko; at ang tita ko. Sila ang pinakamahahalagang tao sa buhay ko.
Ngayong taon ay nakagawa kami ng ilang aktibidad sa family history, at nalaman ko ang tungkol sa aking mga ninuno. Sabi ni Mama, ang kababaihan at kalalakihan sa aking pamilya ay pare-parehong may napakahabang buhok, katulad ko. Pagkatapos ay may sinabi siyang isang napakahalagang bagay: hinihintay ako ng aking mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu! Sabi niya, naghihintay silang mabinyagan—tulad ng kailangan kong maghintay hanggang sa mag-walong taong gulang ako para mabinyagan. (Siyanga pala, nabinyagan ako noong kaarawan ko! Ang galing, ‘no?)
Sabi ni Mama, nasa daigdig ng mga espiritu ang aking mga ninuno. Wala silang mga katawang tulad ng sa akin, kaya hindi sila maaaring binyagan. Nakakalungkot! Kaya nabibinyagan tayo para sa kanila sa templo. Sabi ko kay Mama, kapag naitayo na ang templo sa Bengaluru, at nasa tamang edad na ako, gusto kong magpabinyag para sa kanila.
Masayang-masaya ako na magkakaroon na ng templo sa India! Malaking pagpapala ito dahil hindi kami madadala ni Mama sa mga templo sa ibang bansa. Napakalayo ng mga iyon.
Narinig ko na maraming magagandang bulaklak sa mga hardin ng templo. Kaya nasasabik akong makita ang mga hardin kapag naitayo na ang templo. Pero higit sa lahat, sabik na akong mabinyagan para sa aking mga ninuno. Mahal ko ang aking pamilya, at mahal ko rin ang aking mga ninuno.
Nakapunta ka na ba sa templo? Kumusta naman iyon? Sana, masaya!