2021
Magkaibigan sa Primary
Nobyembre 2021


Magkaibigan sa Primary

Mas masaya ang Primary nang tulungan ni Lizzie si Abby.

“Maging halimbawa ng mga mananampalataya” (I Timoteo 4:12).

two girls singing together

Dati-rati ay nakakainip para kay Lizzie ang mga awitin sa Primary. Nagustuhan niya ang mga kanta tungkol kay Jesus, pero pakiramdam niya’y napakatanda na niya para sa mahihilig pang maglaro. Kadalasa’y nakayukyok lang siya at nagkukunwaring kumakanta.

Pero hindi na ngayon. Ngayo’y masayang-masayang kinakanta ni Lizzie ang lahat ng awitin. Nakaupo siya nang tuwid. Kumanta siya nang malakas. Masaya siya.

Dahil ngayon, katabi niya sa upuan si Abby.

Sa simula ng taon, ipinares si Lizzie at ang iba pang mga bata sa klase niya sa isang bagong Sunbeam. Trabaho nilang tulungan ang kaibigan nilang Sunbeam na maging mas komportable sa Primary.

Si Abby ang kaibigang Sunbeam ni Lizzie. Tabi sila sa upuan sa Primary. Sabay silang kumanta. Tuwing nagkikita sila sa simbahan, palagi silang nagkakawayan o nagyayakap.

Gustung-gustong makita ni Lizzie si Abby tuwing Linggo. At alam niya na gustung-gusto siyang makita ni Abby. Madalas siyang pagmasdan ni Abby. Kapag kumanta nang malakas si Lizzie, gayon din si Abby. Kapag humalukipkip si Lizzie at mapitagang umupo, gayon din si Abby. Dahil dito ginusto ni Lizzie na maging mabuting halimbawa palagi.

Gusto ni Lizzie na mahalin ni Abby ang Primary. Gusto niyang maging masaya si Abby at madama nito na minamahal siya. Maaari nilang pag-aralan nang sabay ang ebanghelyo!

Magkatabi sa upuan sina Abby at Lizzie, tulad ng bawat Linggo. Pero ngayon ay nakaupo sila sa harapan ng chapel kasama ang iba pa sa Primary. Pagtatanghal iyon ng Primary.

Nagkuyakoy si Abby at ngumiti kay Lizzie.

“Malapit ka na,” bulong ni Lizzie. Bawat isa sa mga batang Primary ay magsasalita sa programa nila. Ang nakatatandang mga bata, tulad ni Lizzie, ay mas mahaba ang babasahin. Ang mga mas bata, tulad ni Abby, ay maikli lang ang bibigkasin. Natulungan ni Lizzie si Abby na matutuhan ang bahagi nito.

“Tandaan mo, magsalita ka nang malakas at malinaw para marinig ng lahat,” sabi ni Lizzie.

“Sasamahan mo ako, ’di ba?” sabi ni Abby. Mukhang kabado siya.

“Oo naman!” sabi ni Lizzie. “Katabi mo lang ako. Kayang-kaya mo iyan.”

Tumayo sila at kumanta ng isang awitin kasama ang iba pang mga bata. Naalala ni Lizzie na dati-rati’y ayaw niyang sumali sa pagtatanghal ng Primary. Pero masayang-masaya siya kapag kasama niya si Abby!

Si Abby na ang susunod na magsasalita. Magkasamang naglakad ang dalawang bata papunta sa mikropono. Tinulungan ni Lizzie si Abby na tumuntong sa isang maliit na bangko. Hindi makapagsalita si Abby. Mukhang takot siya.

older girl comforting younger girl

Inakbayan ni Lizzie si Abby. Medyo pinisil niya sa balikat si Abby at bumulong, “Sa mga dasal ko …”

Huminga nang malalim si Abby. “Sa mga dasal ko, sinasabi ko sa Ama sa Langit ang pinasasalamatan ko.” Panatag at malinaw ang boses niya.

Ngumiti nang husto si Abby, humawak sa kamay ni Lizzie, at lumundag pababa ng bangko. Naupo sila habang lumapit naman ang iba pang mga bata sa mikropono.

“Ang galing mo, Abby!” sabi ni Lizzie.

“Malakas at malinaw ba ang salita ko?” tanong ni Abby.

“Ayos na ayos!” sabi ni Lizzie. “Tiyak na narinig ka nila hanggang sa likuran!”

Kinilig si Abby sa saya at sumandal siya kay Lizzie. Nakinig sila habang binibigkas ng iba pang mga bata ang pinasasalamatan nila.

“Uy, Lizzie?” sabi ni Abby. Hinila niya si Lizzie at binulungan sa tainga.

“Nagpapasalamat ako para sa iyo!”

Ngumiti si Lizzie. “Nagpapasalamat din ako para sa iyo!”

November 2021 Friend magazine.

Larawang-guhit ni Liz Brizzi