2021
Nag-iisip si Helaman
Nobyembre 2021


Nag-iisip si Helaman

“Mga email lang po ito. Family history na po ba ito?”

“Ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 2:2).

boy looking at laptop

Inisip ni Helaman ang maraming bagay. Inisip niya ang tungkol sa siyensya at kasaysayan. At inisip niya kung ano ang hitsura ng mga bagay-bagay noong kaedad niya ang kanyang mga lolo’t lola.

Isang araw sinipa niya ang isang soccer ball papunta sa bakod sa labas. Paulit-ulit niyang sinipa iyon.

Ano kaya ang mga nilaro ng mga bata sa labas noong unang panahon, naisip niya. Naglaro din kaya ng soccer ang mga lolo’t lola niya noong bata pa sila?

Pinigilan ni Helaman ng kanyang paa ang bola. Teka lang … matatanong niya sila!

Nagmamadali siyang pumasok at nagpunta sa computer at nag-log in sa kanyang email account. Ginawan siya ng account nina Inay at Itay. Ginamit niya ito para mag-email sa kanyang pamilyang nakatira sa malayo. Naupo siya at nag-type ng email para kay Lola Barnes.

Nag-iisip si Helaman …

Ano po ang paborito ninyong laro sa labas noong bata pa kayo? Soccer po ang sa akin.

Nagmamahal,

Helaman

Klik! Ipinadala niya ang kanyang tanong. Gayon din ang tanong na ipinadala niya kay Lolo Barnes. Pagkatapos ay ipinadala rin niya iyon kina Lolo at Lola White.

Kinabukasan, tiningnan ni Helaman ang kanyang email. May dalawang bagong mensahe sa kanya! Binuksan niya ang una.

Hi, Helaman!

Ang paborito kong laro sa labas ay mga manikang papel. Nagsasabit kami ng mga kaibigan ko ng kumot para makagawa ng bahay-bahayan. Mahilig din akong maglaro ng jackstone at hopscotch at magbisikleta.

Nagmamahal,

Lola White

Isinunod niyang basahin ang email ni Lolo White.

Hi, Helaman,

Noong bata pa ako, wala kaming mga TV o computer. Kaya madalas kaming maglaro sa labas. Kapag summer nagsu-swimming kami, at kapag winter ay ice-skating naman. Mahilig din kaming maglaro ng mga kaibigan ko ng hulihin ang bandera.

Nagmamahal,

Lolo White

Napangisi si Helaman. Masayang malaman ang tungkol sa kanyang mga lolo’t lola.

Lumipas ang mga araw, at patuloy na nag-isip si Helaman. Tuwing mag-iisip siya, nagtatanong siya sa kanyang mga lolo’t lola. At marami siyang nalaman tungkol sa kanila!

Nalaman niya na nag-aral ng ballroom dance si Lolo Barnes. Mahilig magsaulo ng mga salita at gumawa ng mga scrapbook si Lola Barnes. Dati-rati ay takot si Lola White na kumanta sa harap ng mga tao. Pero kalaunan ay kumanta siya sa kanyang high school graduation. Natutuhan ni Lolo White kung paano gumawa ng mga modelong laruang eroplano noong maliit pa siya, at gusto pa rin niyang gumawa ng ganoon.

black-and-white photos

Natawa si Helaman nang mabasa niya ang tungkol sa dating pusa ni Lola White na si Tommy. Dati-rati’y sinusuotan niya ito ng mga damit ng manika at inililibot ito sa kanyang doll stroller.

“Ano ang binabasa mo riyan, Helaman?” tanong ni Itay.

“Email po ito ni Lola White,” sabi ni Helaman. “May mga itinanong po ako sa kanya.”

Ipinakita ni Helaman kay Itay ang lahat ng pagpapalitan nila ng email ng kanyang mga lolo’t lola.

“Nakakalap ka yata ng ilang magagandang kuwento tungkol sa ating pamilya!” sabi ni Itay. “Bakit hindi natin ilagay ang mga ito sa FamilySearch?”

Ikiniling ni Helaman ang ulo niya. “Mga email lang po ito. Family history na po ba ito?”

“Oo naman!” sabi ni Itay. “Tuwing may nalalaman ka tungkol sa pamilya mo, family history iyan. Magandang ideya ang ingatan ang mga kuwentong ito para maalala natin sila kalaunan. Halika. Ipapakita ko sa iyo.”

Tinulungan ni Itay si Helaman na mag-log in sa FamilySearch.org at i-type ang lahat ng bagay na sinabi sa kanya ng kanyang mga lolo’t lola.

“Ngayo’y naka-save na ang mga kuwento para mabasa ng ating pamilya ang mga iyon kalaunan. Ang galing, ’di ba?” sabi ni Itay.

“Opo!” Napangiti si Helaman. “At marami pa po akong gustong itanong.”

November 2021 Friend magazine.

Mga larawang-guhit ni Gareth Conway