2022
Cookies, mga Yakap, at Pagmamahal
Disyembre 2022


Cookies, mga Yakap, at Pagmamahal

“Maiiba ang Pasko sa taong ito,” sabi ni Eva.

Eva standing putting strands of Manzanillas on the Christmas tree. Manzanillas is a string of yellow berries.

Tumingkayad si Eva. Inabot niya ang kahon sa cupboard.

“Nakuha ko na!” sabi niya.

Binuksan niya ang kahon. Sa loob ay may maliliit na Nativity figure na gawa sa pulang luwad. Inilabas niya ang mga iyon at marahang inilagay ang sanggol na si Jesus sa sabsaban.

Pagkatapos ay oras na para dekorasyunan ang Christmas tree. Tinulungan ni Eva si Mamá at ang kanyang nakababatang kapatid na si Nefi na isabit ang mga ilaw at manzanillas. Gustung-gusto ni Eva ang mabangong amoy ng maliliit na dilaw na bunga. Nang umuwi si Papá, tinulungan nito sina Eva at Nefi na ilagay ang bituin sa itaas ng puno.

Natuwa si Eva na pareho pa rin ang ilan sa kanilang tradisyon sa Pasko sa taong ito. Lahat ng iba pang bagay ay ibang-iba sa pakiramdam.

Ilang linggo na ang nakararaan, tumama ang isang bagyo sa kanilang lunsod sa Guatemala. Winasak ng malakas na ulan at hangin ang maraming bahay. May ilang tao pa ring nakatira sa mga kanlungan. At maraming tao ang maysakit dahil sa COVID-19 virus.

Karaniwan kapag Bisperas ng Pasko, nagpupunta ang mga tita, tito, at pinsan ni Eva para sa isang malaking salu-salo. Pinapayagang magpuyat sina Eva at Nefi. Gumagawa sila ng mga tita niya ng ponche (punch) at nakikipaglaro sila sa mga pinsan nila. Pagsapit ng hatinggabi, lumalabas ang lahat sa mga lansangan, nagsisindi ng mga paputok, at nakikipagyakapan sa mga kaibigan at kapitbahay.

Pero sa taong ito, hindi makakabisita ang mga kapamilya nila. At hindi magkakaroon ng mga pagyayakapan sa lansangan sa Bisperas ng Pasko.

Nalungkot si Eva sa lahat ng masasayang bagay na hindi niya makikita. “Maiiba ang Pasko sa taong ito,” sabi niya.

Tumango si Papá. “Iba na ito. Pero may ideya kami ni Mamá na maaaring magpasaya sa iyo.”

“Ang Pasko ay tungkol sa pagbibigay,” sabi ni Mamá. “Gusto mo ba kaming tulungang bumili ng pagkain para sa mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa bagyo?”

“Sige po!” sabi ni Eva. Tumango si Nefi.

Sumama sina Eva at Nefi kay Mamá sa tindahan. Tumulong si Eva sa paglalagay ng pagkain sa mga grocery bag. Pagkatapos ay may naisip siyang ideya!

“Mamá,” sabi niya, “puwede n’yo po ba kaming tulungan ni Nefi na gumawa ng cookies para sa mga batang nasa kanlungan? Maaari nating ihatid ang mga iyon kapag dinala natin ang mga grocery!”

Pumayag si Mamá. Gumugol ng ilang araw sina Eva, Nefi, at Mamá sa sama-samang paggawa ng cookies. Inilagay nina Eva at Nefi ang cookies sa maliliit na plastic bag at tinalian ng laso ang mga ito. Pagkatapos ay isinuot nila ang kanilang mga mask at naglakad kasama sina Mamá at Papá papunta sa kanlungan kung saan naroon ang mga pamilya.

“Maraming bata rito,” sabi ni Nefi. “Sapat kaya ang dala nating cookies?”

“Sana. Magdasal tayo,” sabi ni Eva. Pumikit sila. Tahimik na nagdasal si Eva, “Ama sa Langit, tulungan Mo po kami para madama ng lahat ng narito ang pagmamahal Mo.”

Mahaba ang pila ng mga bata sa kanlungan. Binigyan nina Eva at Nefi ng isang supot ng cookies ang bawat bata. May sapat para sa lahat!

Spot illustrations:1. Two sugar cookies.2. Eva standing putting strands of Manzanillas on the Christmas tree. Manzanillas is a string of yellow berries.3. Eva and Nefi are handing out the cookies they made to the kids who have lost there homes. 4. Nefi eating a cookie.

Habang naglalakad sila pauwi, hindi na malungkot si Eva. Malaki ang ngiti sa kanyang mukha. Hindi niya nagawang yakapin ang kanyang mga kaibigan sa Bisperas ng Pasko. Pero bawat supot ng cookies ay parang isang yakap mula sa kanyang puso.

Picture of Eva Abigail and Nefi Benjamin Poou Chigvin.

Ang tawag sa wikang gamit nina Eva at Nefi ay Qʼeqchiʼ. Tuwang-tuwa sila na may itinatayong bagong templo sa Cobán, malapit sa bahay nila!

Page from the December 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Jimmy Holder