Kaibigan sa Kaibigan
Mga Regalong Maibabahagi
Hango sa “Mga Kaloob na Hindi Gaanong Napapansin,” (Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 5, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.
Noon pa ma’y gusto na ng lolo ko na tumugtog ng biyolin. Pero hindi nagamit ang kanyang biyolin at naalikabukan na sa kanyang istante. Pagkatapos ay ibinigay niya iyon sa akin, at maraming taon iyong namalagi sa aking istante nang hindi nagagamit. Hindi ko kailanman natutuhang tugtugin iyon.
Pero may biyolin ang apo kong si Scarlett na gustung-gusto niyang tugtugin. Gustung-gusto niyang matutong tumugtog ng mga bagong awitin. Maaaring hindi niya ito matugtog nang perpekto, pero palagi siyang nagpapraktis at nagsisikap na mabuti. Ang kanyang kaloob na musika ay naghahatid ng kagalakan sa iba. At pinagpapala siya nito kapag nagbibigay siya.
Lahat tayo ay may mga espirituwal na kaloob. Hindi palaging madaling makita ang mga kaloob na ito. Pero ibinibigay ito ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin dahil mahal Niya tayo. Nais Niyang ibahagi natin ang ating mga kaloob.
Kabilang sa mga kaloob na ito ang pakikinig, pakikisama, pagmamalasakit sa isa’t isa, hindi paghahanap ng mali sa iba, at paghingi ng tulong sa Diyos. Kung minsa’y hindi natin pinahahalagahan o ibinabahagi ang ating mga kaloob. Natatakot siguro tayo na hindi perpekto ang mga iyon na tulad ng nais natin. Pero kung hindi natin ibabahagi ang ating mga kaloob, lalampas sa atin ang pagkakataong pagpalain ang mga anak ng Diyos. Lalampas sa atin ang pagkakataong madama ang pagmamahal ng Diyos.
Huwag ninyong hayaang hindi magamit ang mga kaloob ng Diyos sa inyo, maging ang maliliit na kaloob. Ialay ang mga iyon sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang mga kaloob sa atin ng ating Ama sa Langit ay nilayon upang ibahagi.