Ang Teddy Bear na Kulay-Ube
Hindi gusto ni Liam ang regalo sa kanya sa Pasko.
Noong Pasko ng umaga, gumising nang mas maaga si Liam. Dahan-dahan siyang nagpunta sa sala kasama ang dalawa niyang nakababatang kapatid na sina Holly at Sarah. Doon, pitong medyas na gawang-bahay ang nakabitin sa isang hanay. Ang ilan ay maliliit at maluluwang. Ang ilan ay mahahaba at maninipis. At ang ilan ay lumang-luma na kaya kupas na ang kulay. Pero ang mahalaga para kay Liam ay na bawat medyas ay puno ng masasarap na kendi.
Kinuha ni Liam ang medyas niya at itinaob ito. Sumimangot siya. May isang candy cane, isang kahel, at ilang piraso lang ng kendi.
“Ito lang?” tanong niya.
Nakasimangot din sina Holly at Sarah. Pagkatapos ay ngumisi si Liam. Ang ibig sabihin siguro nito ay talagang maganda ang regalo sa kanya! Inasam niya na sana’y ang bagong video game iyon na nilalaro ng lahat ng kaibigan niya.
Pero nang buksan ni Liam ang regalo sa kanya, lalo lang siyang nadismaya. Ang regalo sa kanya ay isang teddy bear na kulay-ube. Gawang-kamay iyon, may mga matang yari sa itim na butones at tinahing munting ngiti.
“Maligayang Pasko, Liam,” sabi ni Inay na nakangiti.
Hindi ngumiti si Liam. Hindi ito ang regalong gusto niya.
Nakakuha rin ng mga stuffed animal ang maliliit niyang kapatid, at gayundin ang tatlong ate niya. Pero hindi iyon nakagaan sa pakiramdam ni Liam. Ito ang pinakapangit na Pasko sa lahat!
“Ano’ng problema?” tanong ng ate niyang si Erin pagkatapos ng almusal. “Buong umaga kang masungit.”
“Hindi ko talaga gusto ang regalo sa akin,” sabi niya. “Teddy bear lang iyon na gawa ni Inay. Bakit hindi niya ako binigyan ng isang bagay na gusto ko?”
Ngumiti si Erin. “Halika.”
Dinala siya ng ate niya sa kuwarto ni Inay at itinuro ang lumang sewing machine o makina sa mesa.
“Makina ‘yan ni Inay,” sabi niya. “Eh ano ngayon?”
“Ano pa ang nakikita mo?”
Sumimangot si Liam. Nakita niya ang mga karayom, makukulay na sinulid, at ilang nakatuping piraso ng tela. Nakakita rin siya ng isang supot ng stuffing, na malambot at maalsa na parang ulap.
“Alam ko na gusto mong bilhan ka ni Inay ng ibang regalo para sa Pasko,” sabi ni Erin. “Pero wala tayong pera para doon. Gustung-gusto ko ang teddy bear na ginawa ni Inay para sa akin. Ipinapakita nito kung gaano niya ako kamahal.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Matagal gawin ang isang stuffed toy. Kailangan ng tiyaga. Naupo si Inay sa mesang ito nang ilang oras sa paggawa ng laruan para sa bawat isa sa atin. Tiniyak niyang may regalo ang bawat isa sa atin. Hindi ba ibig sabihin niyan ay mahal niya tayo?”
Hinipo ni Liam ang telang kulay-ube na nagamit ni Inay sa paggawa ng teddy bear niya. Siguro tama si Erin. Hindi kailangang maging magarbo ang isang regalo para maging magandang regalo ito. Sa Primary, nalaman ni Liam na si Jesus ang pinakadakilang regalo, at si Jesus ay isinilang sa isang simpleng kuwadra.
Tumakbo si Liam para hanapin si Inay. Niyakap niya nang mahigpit si Inay. “Salamat po sa teddy bear,” sabi niya.
Hindi na niya inisip ngayon na hindi maganda ang teddy bear. Kahit wala talagang mga regalo, nadama niya ang pagmamahal ng kanyang pamilya. At iyon ang dahilan kaya naging espesyal ang Pasko.