Ang mga Simbolo ng Pasko
Narito ang isang aktibidad sa Pasko na puwede ninyong gawin para sa family night!
1
Ang Pasko ay espesyal na panahon ng taon. Kumakanta tayo ng masasayang awitin. Nilalagyan natin ng dekorasyon ang bahay natin. At nireregaluhan natin ang isa’t isa. Talagang napakasaya nito! Pero may espesyal na kahulugan din ang makukulay na regalo at dekorasyon. Ipinapaalala nito sa atin si Jesucristo, ang Kanyang pagsilang, at lahat ng ibinigay Niya sa atin. Tinutulungan tayo ng mga ito na maalala ang tunay na dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang Pasko.
Kantahin: “Minsan sa Isang Sabsaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 25)
2
Sa buong mundo, ang mga tao ay may mga Christmas tree. Ang ilang tao ay naglalagay ng dekorasyon sa mga puno ng mangga o puno ng saging. Maraming tao ang gumagamit ng punong evergreen. Ang punong evergreen ay nananatiling berde sa buong taon. Maipapaalala niyan sa atin na binibigyan tayo ni Jesus ng buhay na walang-hanggan.
3
Ang kulay na pula ay isang mahalagang simbolo rin ng Pasko. Ipinapaalala sa atin ng pula ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang dugong ibinuhos Niya para sa bawat isa sa atin. Matutulungan din tayo nitong asamin ang Kanyang Ikalawang Pagparito, kung kailan magsusuot Siya ng pulang bata!
4
Ang mga candy cane ay mukhang mga tungkod na ginagamit ng mga pastol sa pag-akay sa kanilang mga tupa. Maipapaalala ng mga ito sa atin ang mga pastol na nagpunta para makita ang sanggol na si Jesus. Maipapaalala rin ng mga ito sa atin na si Jesucristo ang Mabuting Pastol. Aakayin Niya tayo tungo sa kaligtasan at kapayapaan.
5
May mga ilaw sa lahat ng dako sa Pasko. Kamukha ng bituin ang mga ito na nagningning sa langit nang isilang si Jesucristo. Sinundan ng mga pastol at Pantas na Lalaki ang bituin para matagpuan si Jesus. Maaari nating piliing sundan din Siya.
Kantahin: “Nagniningning ang mga Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 24)
6
Tumutunog ang mga kampana para iparating ang magandang balita. Maipapaalala sa atin ng mga kampana sa Pasko ang mabuting balita ng pagsilang at Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
7
Ang mga Pantas na Lalaki ay nagbigay ng mga regalo kay Jesus. Nagbibigay rin tayo ng mga regalo sa Pasko. Maipapaalala nito sa atin ang lahat ng magagandang bagay na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas. Tandaan na si Jesus ang tunay na regalo ng Pasko!
8
Sana’y mapuspos kayo ng galak at pagmamahal na hatid ng mga ilaw, dekorasyon, at kaligayahan sa Pasko. Nawa’y ipaalala ng bawat isa nito sa inyo si Jesucristo at ang lahat ng ginagawa Niya para sa atin. Maligayang Pasko!
Kantahin: “Oh, Magsaya” (Mga Himno, blg. 121)