2022
Ang Nativity Star
Disyembre 2022


Ang Nativity Star

Anong papel ang maaaring gampanan ni Cayden sa Nativity?

A young boy lifts his arms up in the air. He is wearing a yellow blanket as a cape. He is excited to play the Christmas star.

Bisperas ng Pasko noon. Ibig sabihi’y oras na para sa dula-dulaan ng pamilya tungkol sa Nativity! Ang pagsasadula ng kuwento ng pagsilang ni Jesucristo ay isa sa mga paboritong tradisyon ni Cayden sa Pasko.

Inilabas ni Itay ang kahon ng mga costume. “Anong papel ang gusto ninyong gampanan ngayong taon?” tanong niya sa mga nakababatang kapatid na lalaki at babae ni Cayden.

“Ako po ang Jose!” sabi ni Grant. Dumukot siya sa kahon at kumuha ng mga costume.

“Puwede po bang ako ang Maria?” tanong ni Hannah. Tumango si Inay at inabutan siya ng isang manika. Maingat na ibinalot ni Hannah ang manika sa isang kumot at inilagay ito sa isang maliit na kahon na parang isang sabsaban.

Ngumiti si Cayden. Gustong gampanan ni Hannah ang papel na Maria taun-taon.

“Ako ang pastol,” sabi ni Brynne, ate ni Cayden. Kinuha niya ang isang laruang hayop. “At ito ang magiging tupa ko.”

“Magandang maging anghel si Inay,” sabi ni Itay.

Ngumiti si Inay. “Ang talino ng Itay ninyo, ’di ba? Bagay sa kanya ang maging Pantas na Lalaki.”

“Matipuno dapat ang gaganap na asno.” Pinalaki ng kuya ni Cayden na si Scott ang mga muscle niya. “Palagay ko, ako ‘yon.”

“Ikaw naman, Cayden?” tanong ni Itay. “Anong papel ang gusto mong gampanan?”

Tahimik si Cayden. Pagkatapos ay may naisip siya.

Tumakbo siya para kunin ang dilaw na kumot sa kama niya. Ipinakita niya ito kay Itay. “Hindi pa po natin nagampanan ang papel na ito. Gusto ko pong maging bituin. ’Yong nagturo ng daan papunta kay Jesus.”

“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Itay.

Isinuot na nilang lahat ang mga costume nila. Ibinalabal ni Cayden ang dilaw na kumot sa kanyang balikat. Pagkatapos ay binasa ni Itay ang kuwento mula sa mga banal na kasulatan.

A family is dressed up to participate in a nativity play.

Ngumiti si Cayden nang lumakad si Scott sa kanyang mga paa’t kamay para magmukhang asno. Isinakay ni Itay si Hannah sa likod niya para gumanap na Maria. Sinikap ni Grant, na gumanap na Jose, na hindi mahulog si Hannah habang naglalakad sila sa paligid ng silid. Nakinig na mabuti si Cayden. Alam niyang malapit na ang papel niya.

“At masdan, sisikat ang isang bagong bituin,” pagbasa ni Itay.*

Tumayo nang tuwid si Cayden na nakaunat nang husto ang mga bisig. Inisip niya ang bituing nagningning sa tapat ng Bethlehem. Gusto niyang tulungan ang mga tao na matagpuan si Jesus, tulad lang ng ginawa ng bituin sa unang gabing iyon ng Pasko.

Page from the December 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Agnes Saccani