Kaibigan
Ang Makintab na Batong Kulay-Ube
Marso 2024


“Ang Makintab na Batong Kulay-Ube,” Kaibigan, Marso 2024, 10–11.

Ang Makintab na Batong Kulay-Ube

Kung sasabihin niya ang totoo, magagalit kaya siya sa kanya?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Netherlands.

Binuksan ni Marie ang kanyang jewelry box para tingnan ang kanyang magagandang bato. Isa-isa niyang hinawakan ang mga ito. Ang pula, pagkatapos ay ang berde, pagkatapos ay ang malinaw na puti.

Kumatok si Lola sa pinto ng kuwarto. “Handa ka na ba?”

“Opo!” Maingat na ibinalik ni Marie ang mga bato sa kanyang jewelry box.

Dadalhin ni Lola si Marie sa library. Pero hindi lang para tingnan ang mga aklat. May espesyal na batong nakadispley doon! Tuwang-tuwa si Marie.

Pagdating ng kanilang bus sa library, pumasok na sina Marie at Lola. Nakita nila ang maraming mesa na may magagandang bato. Ang ilan ay makikintab at makikinis. Ang iba ay kakaiba ang mga hugis.

“Tingnan mo ang isang ito!” Itinuro ni Lola ang isang malaking kristal. May maliliit na kulay-asul na spike sa paligid nito.

Maraming maliliit at bilog na bato sa isa pang mesa. Tiningnan ni Marie ang lahat ng kulay. May isang batong kulay-ube, na maliit at makintab at makinis, sa pinakadulo.

Wala pa akong batong kulay-ube, naisip ni Marie. Tamang-tama ito para sa koleksyon niya.

Lumingon-lingon si Marie. Nasa isa pang mesa si Lola. Walang ibang nasa malapit. At wala namang makakapuna na nawawala ang maliit na batong ito, hindi ba?

Dinampot niya ang bato at ibinulsa iyon.

Kinagabihan, nang nasa jewelry box na niya ang batong kulay-ube, natulog na si Marie.

“Handa ka na ba para sa oras ng kuwento?” Naupo si Itay sa kama at binuklat ang magasing Kaibigan .

Namaluktot si Marie sa kanyang kumot at nakinig. Ang kuwento ay tungkol sa isang batang lalaki na nagsisi matapos gumawa ng maling pagpapasiya.

Habang nagbabasa si Itay, pakiramdam ni Marie ay parang umiikot ang sikmura niya. Tumagilid siya, pagkatapos ay nagpabiling-biling sa unan niya. Pero hindi maganda ang pakiramdam niya. At hindi niya napigilang isipin ang batong kulay-ube.

Larawan
alt text

Natapos ni Itay ang kuwento. “OK ka lang ba?”

Hindi alam ni Marie ang gagawin. Kung sasabihin niya kay Itay, baka magalit ito.

Pero siguro alam niya kung paano tumulong.

Dahan-dahang bumaba ng kama si Marie at kinuha ang batong kulay-ube mula sa jewelry box niya. “Kinuha ko po ito sa library kanina.” Tumulo ang luha sa mga mata ni Marie. “Sori po talaga.”

Niyakap siya ni Itay. “OK lang palagi na sabihin sa akin ang totoo. Ipinagmamalaki kita sa pagkakaroon ng lakas-ng-loob na maging tapat.”

Nagsimulang gumanda ang pakiramdam ni Marie. Hindi nagalit si Itay!

“At dahil kay Jesus, maaari tayong magsisi. Tulad ng nasa kuwento,” sabi ni Itay. “Bakit hindi natin ibalik ang bato sa library?”

Pumikit si Marie. “Huwag po! Magagalit sila.”

Inakbayan siya ni Itay. “Maaaring magalit sila nang kaunti. Pero palagay ko matutuwa sila na ibinalik mo ito. At mas gaganda rin ang pakiramdam mo.”

Huminga nang malalim si Marie at tumango. “OK po.”

Naglabas ng isang papel si Marie at nagsimulang magsulat ng liham. “Sori po sa pagkuha ko nito,” pagsulat niya. “Hindi ko po iyon dapat na ginawa. Gusto ko pong itama iyon.”

Ipinasok niya ang liham sa isang sobre. Pagkatapos ay ipinasok niya rin doon ang maliit na batong kulay-ube.

Larawan
alt text

“Isasauli natin ito bukas,” sabi ni Itay. “Kumusta na ang pakiramdam mo ngayon?”

“Mas maganda na po,” sabi ni Marie. “May isang bagay pa po akong kailangang gawin.”

Lumuhod si Marie sa tabi ng kanyang kama at nagdasal. “Sori po at kinuha ko ang bato,” sabi niya. “Hinding-hindi na po ako magnanakaw ulit. Salamat po sa pagtulong Ninyo sa akin na maging matapang at matapat.”

Nang bumalik siya sa higaan, nakadama ng kapayapaan si Marie. Bukas ay itatama niya ang mga bagay-bagay. At alam niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit at ni Jesus. Dahil sa Kanila, magiging OK ang lahat.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Katie Rewse

Print