Kaibigan
Ang Inahing Manok at ang mga Sisiw
Marso 2024


“Ang Inahing Manok at ang mga Sisiw,” Kaibigan, Marso 2024, 4–5.

Ang Inahing Manok at ang mga Sisiw

“Binanggit ito ni Jesucristo sa mga banal na kasulatan,” sabi ni Itay.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Larawan
alt text

Nakatitig ang limang mabalahibong dilaw na sisiw kay Clara. Peep, peep, peep!

Sa bawat tagsibol bumibili noon ng mga sisiw ang pamilya ni Clara na aalagaan nila. Ngayon ay natulungan niya si Itay na iuwi ang mga ito para makasama ng iba pa nilang mga manok.

Baku-bako ang daang dinaanan nila. Pero hinawakang mabuti ni Clara ang kahong may mga sisiw sa kanyang kandungan. Magiliw niyang hinaplos-haplos ng dulo ng kanyang daliri ang isa sa mga ito. Napakalambot nito!

Pagdating nina Clara at Itay sa bahay, naglakad sila papunta sa kulungan ng mga manok sa likod-bahay. Ang kulungan ng mga manok ay isang maliit na kubol kung saan naroon ang lahat ng inahing manok at gumagawa ng kanilang pugad.

“Aling inahin ang isasama natin sa mga sisiw?” tanong ni Itay.

Tumingin si Clara sa paligid. Isang inahin ang naglilipat ng mga dayami sa isang tumpok. Magandang pagpugaran ng mga bagong sisiw ang dayami. Siguro ay magiging mabuti siyang inahin.

“Ito po,” sabi ni Clara, na nakaturo sa inahin.

Dahan-dahang kinuha ni Itay ang isang sisiw mula sa kahon at itinabi ito sa inahin. Tumingin ang inahin sa sisiw. Itinaas nito ang kanyang pakpak, at biglang nawala ang sisiw!

“Saan napunta ang sisiw? OK lang po ba ang sisiw?” tanong ni Clara.

Tumango si Itay. “Tingnan n’yo!”

Sumilip ang sisiw mula sa ilalim ng mga pakpak ng inahin.

“Bakit po iyon ginawa ng inahin?” tanong ni Clara.

“Para protektahan ang sisiw,” sabi ni Itay. “Pananatilihin niya itong ligtas at maginhawa sa ilalim ng kanyang mga pakpak.”

Tinulungan ni Clara si Itay na ilagay ang iba pang mga sisiw sa bago nilang ina. Itinaas ng inahin ang kanyang mga pakpak para tipunin ang lahat ng mga sisiw.

“Alam mo, binanggit ito ni Jesucristo sa mga banal na kasulatan,” sabi ni Itay.

“Talaga po?” tanong ni Clara. “Ano po ang sabi Niya?”

“Ipapakita ko sa iyo.”

Pumasok sina Clara at Itay sa bahay. Inilabas ni Itay ang kanyang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay nagsimula siyang magbasa.

“Gaano kadalas ko kayong titipunin tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung kayo ay magsisisi at magbabalik sa akin nang [may] buong layunin ng puso.”*

Naisip ni Clara ang bawat isa sa mga sisiw sa ilalim ng mga pakpak ng inahin. “Kaya tinitipon po tayo ni Jesus gaya ng pagtitipon ng inahin sa mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak?” tanong ni Clara.

“Tama,” sabi ni Itay. “Pinananatili Niya tayong ligtas, tulad ng pinananatiling ligtas ng inahin ang kanyang mga sisiw. Pero pinoprotektahan Niya tayo hindi lamang sa lamig. Alam Niya kung tayo ay nasasaktan o maysakit o nalulungkot. Binibigyan Niya tayo ng kapayapaan at ginhawa. Inaalagaan Niya tayo.”

Kinaumagahan, pinakain ni Clara ang inahin at ang mga bago nitong sisiw. Naisip niya ang talatang binasa ni Itay tungkol dito. Napangiti siya nang maisip niya si Jesus. Alam niya na mahal siya ni Jesus at inaalagaan siya, tulad ng pag-aalaga ng inahing manok sa kanyang mga sisiw.

Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Assia Ieradi

Print