“Isang Pasko ng Pagkabuhay na Hindi Malilimutan,” Kaibigan, Marso 2024, 14–15.
Isang Pasko ng Pagkabuhay na Hindi Malilimutan
Nadama ni Jonas ang pagmamahal ni Jesus habang kumakanta siya.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Finland.
Tumatawa si Jonas habang nakikipag-unahan sa kanyang mga kapatid papunta sa sala para sa home evening. Naaamoy pa rin niya ang masarap na inihaw na karne ng tupa mula sa Easter dinner. At nalalasahan pa rin niya ang matamis na pasha, ang tradisyonal na Easter dessert.
Matapos maupo nang tahimik ang pamilya, tumayo ang kuya ni Jonas na si Tristan.
“Happy Easter!” sabi ni Tristan. Sinimulan niya ang kanilang home evening sa isang awitin at panalangin. Pagkatapos ay oras na para sa kanilang espesyal na programang musikal. Naghanda na ang lahat ng isang awiting ibabahagi tungkol kay Jesucristo.
Tinugtog ni Tristan ang gitara, na maingat na kinakalabit ang bawat kuwerdas. Pagkatapos ay tumugtog ng piyano ang kapatid niyang si Einar. Palipat-lipat ang kanyang mga daliri sa mga teklado. Nagpatugtog din ng mga awitin sina Inay, Itay, at ang iba pang mga kapatid ni Jonas. Gustung-gustong ni Jonas ang makinig sa musika ng kanyang pamilya.
Sa wakas ay si Jonas na ang kakanta. Huminga siya nang malalim at nagsimulang kumanta.
“Sa t’wing maiisip gawin ang mali, sinisikap ko na dinggin ang munting tinig, ‘Magmahal ka nang tulad ni Jesus.’”*
Habang kumakanta si Jonas, napuspos ng pagmamahal ang kanyang puso. Napuno ng luha ng kaligayahan ang kanyang mga mata. Parang sinasabi ng Espiritu Santo kay Jonas na mahal siya ng Ama sa Langit at ni Jesus.
“Salamat sa inyong lahat sa pagbabahagi ng inyong mga talento,” sabi ni Itay. Itinaas niya ang isang larawan. Ipinakita roon si Jesucristo na nakaluhod at nagdarasal sa tabi ng isang puno. “Sino ang nakakaalam kung ano ang nangyayari sa larawang ito?”
Nagtaas ng kamay si Jonas. “Si Jesus po iyan na nagdarasal sa Getsemani.”
Tumango si Itay. “Tama. Doon Niya nadama ang lahat ng ating pasakit at kalungkutan.”
“Nagpunta Siya sa Halamanan ng Getsemani bago Siya namatay,” sabi ni Inay. “Nang mamatay Siya, muli Siyang nabuhay. Ang lahat ng ito ay bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ginawa ni Jesus ang lahat ng ito dahil mahal Niya tayo.”
Nagpalabas si Inay ng isang video tungkol sa unang Pasko ng Pagkabuhay. Nang matapos ang video, tahimik ang lahat sa loob ng isang minuto. Muling nadama ni Jonas ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
“Oras na po ba para sa ating aktibidad?” tanong ni Jonas.
Tumayo si Inay mula sa sopa at nagpunta sa kabinet. “Oo! Jonas, puwede mo ba akong tulungan?”
Naglabas ng pandikit, gunting, at isang bunton ng mga magasin ng Simbahan sina Jonas at Inay. Inilatag nila ang mga iyon sa sahig. Pagkatapos ay ibinigay ni Inay sa lahat ang kanilang espesyal na mga Easter journal. “Idrowing natin si Jesucristo sa ating journal para sa Easter.”
Umupo si Jonas sa sahig at binuksan ang kanyang notebook.
Kumuha ng bolpen si Itay para magsulat sa kanyang journal. “Sa tabi ng drowing ninyo, maaari ninyong isulat kung ano ang gagawin ninyo para masunod ang Ama sa Langit at si Jesus para lalo kayong maging katulad Nila.”
Binuklat ni Jonas ang mga pahina ng isa sa mga magasin. Nakakita siya ng isang larawan ni Jesucristo na nakangiti.
Ginupit ni Jonas ang larawan at idinikit ito sa gitna ng kanyang journal page. Naisip niya ang lahat ng pagmamahal na nadama niya mula sa Tagapagligtas noong araw na iyon. Pagkatapos ay isinulat niya, “Susundin ko ang Ama sa Langit at si Jesus sa pamamagitan ng pakikinig kina Itay at Inay at sa pagtulong sa mga gawaing-bahay. Lalo kong mamahalin ang mga kapatid ko.” Itinaas niya iyon para ipakita kay Inay. Binasa ni Inay ang naisulat niya at ngumiti.
Matagal na maaalala ni Jonas ang Pasko ng Pagkabuhay na ito. Nadama niya ang pagmamahal ni Jesucristo nang kumanta siya at matuto tungkol sa Kanya. At nadama niya ang pagmamahal ni Jesus nang sikapin niyang tularan Siya.
Talagang minahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo si Jonas. At minahal din Sila ni Jonas.