“Mga Patak ng Pananampalataya,” Kaibigan, Marso 2024, mga pahina 30–31.
Mga Patak ng Pananampalataya
May problema si Jacob—lagi siyang inaantok!
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Brazil.
“Jacob, alam mo ba ang sagot?” tanong ni Mrs. Lelis.
Nagmulat si Jacob at nag-angat ng ulo mula sa desk. Nakatingin sa kanya ang lahat ng kaklase niya. Nakatitig din sa kanya ang kanyang guro. Nadama niya na nag-iinit ang kanyang mga pisngi. Nakatulog siya ulit sa klase!
“Sori po, Mrs. Lelis,” sabi niya. “Puwede po ba ninyong ulitin ang tanong?”
“Sige. Pero sana tumigil ka na sa pag-idlip sa klase.”
Nanliit siya sa kanyang upuan. “Opo, ma’am.”
Ilang linggo pa lang si Jacob sa bago niyang paaralan. Gustung-gusto niyang matuto, at mababait ang mga kaklase niya. Pero may isang problema—lagi siyang inaantok! Malayo ang bago niyang paaralan, kaya kailangang gumising siya nang napakaaga para makarating doon sa oras.
Noong una, madaling tumutok sa klase. Pero humirap nang humirap iyon. Kung minsa’y pagod na pagod si Jacob kaya nakatulog siya.
Kinabukasan, hiniling ng prinsipal ng paaralan kay Jacob at sa kanyang mga magulang na makipagkita sa kanya. Ngumiti siya at malugod silang tinanggap sa kanyang opisina.
“Natutuwa ako at dumating kayo,” sabi niya. “Mahusay na estudyante si Jacob. Pero sabi ng kanyang guro hindi siya interesado sa mga klase niya. Kung minsa’y hindi siya nakatutok, at parang pagod na pagod siya. OK po ba siya?”
Tumango ang kanyang ina. “Nagsikap nang husto si Jacob para makapag-aral dito, pero malayo ito sa bahay namin. Kailangan niyang gumising nang maaga araw-araw. Kaya inaantok siya sa mga klase niya sa umaga.”
“Ah, ’yon lang ba?” sabi ng prinsipal. “Subukan ninyong patakan ng kape ang inumin niya! Lagyan ninyo ng ilang patak ng napakatapang na kape ang inumin ni Jacob tuwing umaga. Mananatili siyang gising diyan.”
Sumimangot si Jacob. “Pero hindi po umiinom ng kape ang pamilya namin, ma’am.”
Mukhang nalito ang prinsipal. “Mahihirapan kang matuto kung lagi kang nakakatulog. Pag-isipan mo man lang iyan.”
Nang lisanin nila ang opisina ng prinsipal, halu-halo ang nasa isip ni Jacob. Gusto niyang pagbutihin pa ang pag-aaral niya, pero gusto rin niyang sundin ang mga kautusan.
Nang gabing iyon, binasa ng kanyang pamilya ang tungkol sa Word of Wisdom sa mga banal na kasulatan.
Nang si Jacob na ang magbabasa, nabasa niya, “At lahat ng banal na makatatandang [sundin] at gawin ang mga salitang ito … [ay] makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman. At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.”*
Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya!
Tumayo siya mula sa kanyang upuan. “Sa halip na mga patak ng kape, gagamit ako ng mga patak ng pananampalataya!”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ng tatay niya.
Ngumiti si Jacob. “Tuwing umaga po bago mag-almusal, maaari tayong magdasal para hilingin sa Ama sa Langit na basbasan ako para hindi ako gaanong antukin. Ang mga dalangin po natin ay magiging parang mga patak ng pananampalataya!”
Napangiti rin sina Nanay at Tatay. “Parang magandang ideya iyan.” sabi ni Itay.
Kinaumagahan, lumuhod ang kanilang pamilya at nagdasal na magkaroon ng lakas si Jacob na manatiling gising. Ganoon din ang ginawa nila kinabukasan. At nang sumunod pang araw. Tuwing gabi, sinikap din ni Jacob na matulog nang maaga. At tuwing umaga ay nanampalataya ang pamilya ni Jacob na tutulungan siya ng Ama sa Langit.
Sa paglipas ng panahon, nagbunga ang mga patak ng pananampalataya nila. Kaya na ni Jacob na tumutok sa buong maghapon! Nasagot ng Diyos ang kanilang mga dalangin. At nalaman ni Jacob na ipinagmamalaki siya ng Diyos sa pagsunod sa Word of Wisdom.
“Handa ka na ba para sa klase, Jacob?” tanong ni Mrs. Lelis isang umaga pagpasok niya sa klase.
Tumango si Jacob na may malaking ngiti sa mukha. Mayroon siyang mga patak ng pananampalataya bago siya pumasok sa paaralan. Handa na siya sa anumang bagay!