2024
Ang Pinsalang Dulot ng Dart
Setyembre 2024


“Ang Pinsalang Dulot ng Dart,” Kaibigan, Setyembre 2024, 4–5.

Ang Pinsalang Dulot ng Dart

Talaga bang sapat ang lakas ng loob ni Daniel para magsabi ng totoo?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Inangat ni Daniel ang takip ng lumang toybox ni Lolo at sinilip ang loob nito. Pinaligiran siya ng kanyang mga pinsan para makita ito. Gustung-gusto nilang maglaro sa bahay ni Lolo!

Maraming lumang laruan sa loob nito na napaglaruan ng nanay at tita ni Daniel noong mga bata pa sila.

“Ano ang mga iyan?” Itinuro ng pinsan ni Daniel na si Noah ang anim na makikintab at makalumang mga lawn dart. Matulis ang mga dulo nito at may mga banderitas na may kulay—ang ilan ay pula at ang ilan ay dilaw.

Dumampot ng isa si Daniel. “Nagkuwento sa akin ang nanay ko tungkol dito,” sabi niya. “Maglalagay ka ng hoop sa damuhan sa labas. Tapos ay maghahalinhinan kayo sa paghahagis ng mga ito sa ere at susubukan ninyong pabagsakin ang mga ito sa hoop.”

“Ang galing!” sabi ni Noah. Tumatakbo na siya papunta sa bakuran para ayusin ang laro.

Hindi nagtagal at inihahagis na ni Daniel at ng kanyang mga pinsan ang mga metal lawn dart sa ere sa buong bakuran ni Lolo. Nagustuhan ni Daniel nang bumagsak nang malakas ang mga dart at tumusok sa damo.

“Pustahan tayo, maihahagis ko ang sa akin nang mas mataas kaysa sa iyo,” sabi ng pinsan ni Daniel na si Lily.

Nagtawanan ang mga bata at inihagis nila ang mga dart nang pataas nang pataas.

Tapos ay nakaisip ng ideya si Daniel. “Pustahan tayo, maihahagis ko ang sa akin nang lagpas sa driveway at papasok sa hoop!” sabi niya. Tumakbo siya papunta sa kabilang panig ng driveway at inihagis nang malakas ang dart.

Lumipad nang mataas ang dart sa ere, pero hindi iyon bumagsak sa damo. Sa halip ay bumagsak iyon sa bagong kotse ni Tita Robilyn nang may malakas na kalabog.

Batang lalaking naghahagis ng lawn dart papunta sa isang kotse

“Naku po!” sigaw ni Noah.

Dinampot ni Daniel ang dart. Nagkaroon ng malaking yupi sa kotse kung saan ito bumagsak.

Nagtinginan ang mga bata na takot na takot. Tapos, walang-kibong iniwan nila ang mga dart sa damuhan at nagtakbuhan sila papasok ng bahay.

Kalaunan nang hapong iyon, nagpuntahan ang lahat sa mga kotse nila para umuwi. Napansin ng tita ni Daniel ang yupi sa kotse niya. “Ano’ng nangyari?” tanong nito.

Parang sumakit ang tiyan ni Daniel. Pero hindi siya kumibo. Sumakay lang siya sa kotse at kumaway para magpaalam sa mga pinsan niya.

Sa biyahe pauwi, tahimik na nakaupo si Daniel sa likurang upuan. Sinubukan niyang basahin ang kanyang aklat. Pero hindi siya makapagpokus. Masama ang pakiramdam niya dahil sa nangyari. Alam niya na ang pagiging tapat ang tamang gawin. Pero malaking kahihiyan ang magsabi ng totoo! Magagalit nang husto ang mga magulang niya sa kanya. Gayundin ang tita niya.

Sa gayo’y naisip ni Daniel ang paborito niyang tauhan sa banal na kasulatan. Ang Daniel sa Lumang Tipan ay itinapon sa yungib ng mga leon dahil sa pagpili ng tama. Matapang siya. Siguro puwede ring maging matapang si Daniel.

“Inay?” sabi ni Daniel. “Naghagis po ako ng lawn dart, at bumagsak iyon sa kotse ni Tita Robilyn at nag-iwan ng yupi. Kasalanan ko po iyon.”

Tumingin sa kanya si Inay sa salamin. Hindi siya galit-na-galit na tulad ng inakala ni Daniel. “Salamat sa pagsasabi sa akin ng totoo,” sabi nito.

Mag-ina sa loob ng kotse

Huminga nang malalim si Daniel. “Puwede ko po bang tawagan si Tita Robilyn pagkauwi natin?” tanong niya. “Gusto ko pong magsori. At sisikapin ko pong kumita ng pera para maipaayos ko ang kotse niya.”

Ngumiti si Inay. “Magandang ideya iyan.”

Nawala na ang pananakit ng tiyan niya, at nakadama ng kapayapaan si Daniel. Nagkaroon siya ng sapat na lakas-ng-loob na sabihin ang totoo. Dahil kay Jesucristo, maaari siyang magsisi at itama ang mga bagay-bagay.

Alt text

Mga larawang-guhit ni Josh Talbot