2024
Ang Science Project
Setyembre 2024


“Ang Science Project,” Kaibigan, Setyembre 2024, 18–19.

Ang Science Project

“Nais ng Ama sa Langit na patuloy tayong magsikap.”

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Batang naglalaro ng buhangin

Nagtambak ng isa pang tasang buhangin si Bradley sa kanyang timba. Marami siyang kakailanganin!

Malapit na ang science fair sa paaralan nila. Gumagawa ng modelo si Bradley na nagpapakita kung paano gumalaw ang tsunami. Nalaman niya na ang tsunami ay isang malaking alon na sanhi ng isang lindol sa karagatan. Gusto niyang maging perpekto ang project niya. Baka sakaling may mapanalunan siyang premyo!

Nang mapuno ang kanyang timba, nagtipon ng ilang patpat si Bradley. Pagkatapos ay nakakita siya ng isang plastic bin at ilang maliliit na bahay-bahayan sa basement.

Ibinuhos ni Bradley ang buhangin sa bin para gawin ang lupa. Maingat niyang inilagay ang mga bahay-bahayan at punong-kahoy. Sumunod ang kapana-panabik na bahagi—ang tubig! Sa sandaling ibuhos niya iyon, maaari niyang itulak ang isang pirasong karton sa tubig para lumikha ng alon.

Pero may nagawa siyang malaking pagkakamali. Naparaming masyado ang ibinuhos niyang tubig! Binaha ang mga bahay-bahayan—at ni hindi pa nga niya nagawa ang alon. Naging malabo at maputik ang basang buhangin.

Batang gumagawa ng project

Tinawag ni Bradley ang kanyang ina na nasa kusina. “Ano po ang dapat kong gawin ngayon? Naparami ang tubig na inilagay ko.”

“OK lang ’yan. Magsimula ka na lang ulit,” sabi ni Inay. “Magkasama nating gawin iyan at sukatin natin nang paunti-unti.”

“OK po.” Yumuko si Bradley at lumabas para kumuha pa ng buhangin.

Sa pagkakataong ito maingat nilang sinukat ang tamang dami ng tubig at ibinuhos iyon. Iginalaw ni Bradley ang karton at minasdan ang paghampas ng mga alon sa buhangin. Umubra iyon!

Sumunod ay ginawa nina Bradley at Inay ang poster niya. Nagsimula siyang magsulat ng ilang masasayang katotohanan tungkol sa mga tsunami. Pero hindi kasya ang mga salita sa pahina.

“Ayaw ko nang ulitin ang pagsulat nito!” sabi ni Bradley. Nagsimulang sumakit ang ulo niya.

“Hindi natin kailangang uliting isulat ang lahat ng iyan,” sabi ni Inay. “Puwede nating baguhin ang mga salita para magkasya iyan sa pahina.”

Dumaing si Bradley. Hindi naging kamukha ng gusto niya ang poster. “Ayoko pong gawin iyan! Papangit kung hindi kasya ang mga salita.”

Batang gumagawa ng project

“Ang hirap mag-aral.” Niyakap siya ni Inay. “Kung minsa’y nagkakamali tayo. Pero ang mahalaga ay hindi tayo sumusuko. Gusto ng Ama sa Langit na patuloy tayong magsikap. Kaya magpahinga na muna tayo at tapusin natin ito bukas ng umaga.”

Kinaumagahan, natapos nila ang poster niya. Hindi iyon perpekto, pero gumanda nang kaunti ang pakiramdam ni Bradley tungkol doon.

Sa wakas ay dumating na ang araw ng science fair. Inihatid ni Inay si Bradley sa paaralan. “Tandaan mo,” sabi nito, “pinagsikapan mo nang husto ang project mo at marami kang natutuhan. At iyan ang mahalaga.”

Dinala ni Bradley ang project niya sa malaking gym. Puno iyon ng mga project at poster. Lahat ng nasa ikaapat na grado ay nakaupo at naghihintay ng oras para maipakita ang project nila.

Hindi nagtagal ay si Bradley na ang magpapaliwanag. Bumilis ang tibok ng puso niya habang naglalakad siya papunta sa harapan. Paano kung magkamali ang lahat?

Itinulak ni Bradley ang karton sa tubig at ipinakita sa mga hurado kung paano sumalpok ang mga alon sa lupa.

“Ano ang nagsasanhi ng malalaking alon na iyan sa karagatan?” tanong ng isa sa mga hurado.

“Ang malalaking alon po ay sanhi ng …” Nablangko ang utak ni Bradley. “Hindi ko po maalala. Pero may sasabihin po ako sa inyo na ilang nakakatuwang katotohanan tungkol sa mga tsunami.” Binasa niya sa kanila ang mga katotohanang nakasulat sa poster niya.

Batang nagpapakita ng project

Paglabas ng paaralan sumakay ng kotse si Bradley na dala ang project niya.

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay.

“Hindi po nangyari ang gusto ko mismong mangyari.” Ngumiti si Bradley. “Pero ginawa ko po ang lahat at patuloy akong nagsikap.”

PDF

Mga larawang-guhit ni Adam Koford