“Ang Nakakabagot na Araw ni Patrik,” Kaibigan, Setyembre 2024, 10–11.
Ang Nakakabagot na Araw ni Patrik
Palaging masyadong abala ang mga kuya ni Patrik para sa kanya.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Tumingala si Patrik sa kisame habang nakainat ng higa sa kama niya. Nababagot siya. Nagbasa na siya ng kanyang mga animal book, tumalon sa trampoline, at nagbisikleta sa paligid nila. Ano ang puwede niyang gawin ngayon?
Tumayo si Patrik at naglakad papunta sa kuwarto ng kuya niyang si Daniel. “Puwede ba tayong maglaro?” tanong ni Patrik.
“Pasensya na, hindi ako puwede. Kailangan kong mag-aral,” sabi ni Daniel. Ni hindi man lang siya tumingala mula sa binabasa niyang aklat.
Lungkot na lungkot si Patrik. Si Daniel ay palaging nag-aaral. Hindi ba siya puwedeng magpahinga sandali?
Hay naku. Abala si Daniel, pero puwedeng yayain ni Patrik ang isa pa niyang kuya na si Simion. “Nababagot ako. Puwede ba tayong maglaro?” tanong ni Patrik.
“Hindi, huwag ngayon. Lalabas kami ng mga kaibigan ko.” Isinuot ni Simion ang kanyang jacket at lumabas ng pinto sa harapan.
Galit-na-galit si Patrik! Bumilis ang tibok ng puso niya. Masyadong abala palagi ang mga kuya niya para sa kanya. Tumakbo siya papunta sa kuwarto niya at isinara niya nang malakas ang pinto.
Hindii tama ito! naisip ni Patrik.
Nagpapadyak siya at sumalampak sa kama niya. Nagsisikip ang dibdib niya. Bagot na bagot siya! Pero sobra ang galit niya para makaisip ng gagawin.
Pagkatapos ay may naalala siya na natutuhan niya sa paaralan. Itinuro sa kanila ng kanyang guro na makakatulong ang paghinga nang malalim para kumalma sila.
“Mahirap ayusin ang anumang bagay kapag galit ka,” sabi niya. Kung mas kalmado siguro siya, puwedeng makaisip ng paraan si Patrik para malutas ang pagkabagot niya.
Kaya huminga nang malalim si Patrik. Pagkatapos ay inulit niya iyon. Pagkaraan ng ilan pang ganoong paghinga, medyo lumuwag na ang dibdib niya. Pero hindi pa rin niya alam kung ano ang gagawin.
Umupo siya at tumingin sa larawan ni Jesucristo na nasa dingding niya. Ano ang gugustuhin Niyang gawin ni Patrik?
Lumuhod si Patrik. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo si Daniel sa pag-aaral niya,” sabi niya. “Tulungan po Ninyo si Simion na maging masaya sa mga kaibigan niya. “At tulungan sana Ninyo ako na hindi gaanong mabagot.”
Matapos siyang magdasal, may naisip na ideya si Patrik. Patakbo siyang nagpunta sa kuwarto ni Daniel.
“Daniel, kapag tapos ka na, puwede ba tayong maglaro?”
Tumingin si Daniel sa orasan sa dingding mula sa pagtutok sa kanyang aklat. “Puwede akong magpahinga sandali pagkaraan ng mga 30 minuto. Tapos puwede tayong lumabas. Gusto mo bang gawin iyon?”
“Sige!” Ngumiti si Patrik at tumakbo pabalik sa kuwarto niya. Nakakita siya ng animal book tungkol sa mga tigre na gustung-gusto niyang tingnan. Matapos itong basahin sandali, naglaro siya ng mga block. Mabilis na lumipas ang oras, at nagpunta na sila ni Daniel sa kakahuyan malapit sa bahay nila.
“Gusto mo bang maglaro ng mga mandirigma sa kalawakan o mga explorer sa gubat?” tanong ni Daniel.
“Kahit ano. Masaya lang ako na magkasama tayo. Mas maganda ito kaysa mabagot,” sabi ni Patrik.
Ngumisi si Daniel. “Sabagay, mas masaya ang makipaglaro sa iyo kaysa mag-aral para sa test.”
Masaya si Patrik habang gumagapang sila ni Daniel sa damo. Nakatulong sa kanya ang pagkalma para makapag-isip nang mas malinaw upang malutas niya ang kanyang problema. At natulungan siya ng Ama sa Langit na maging higit na katulad ni Jesucristo. At nagiging maganda naman ang araw na iyon.
Mga larawang-guhit ni Linh My Nyguyen