Kaibigan
Pagpalakpak para sa Dalawang Team
Setyembre 2024


“Pagpalakpak para sa Dalawang Team,” Kaibigan, Setyembre 2024, 30–31.

Pagpalakpak para sa Dalawang Team

Sumimangot si Jayne. Ayaw niyang manalo ang kabilang team!

Ang kuwentong ito ay nangyari sa South Korea.

Huling subo na ni Jayne ng noodles niya. Mmmm. Ang sarap!

“Maglaro tayo ng Yut Nori!” sabi ni Tito Ji-Ho.

Panahon na naman ng taon para doon! Ipinagdiriwang noon ng kanyang pamilya ang Chuseok, ang Korean Thanksgiving. Ngayon ay nagtipon ang pamilya ni Jayne para kumain ng maraming pagkain at sama-samang maglaro ng Yut Nori. Ang Yut Nori ang paboritong laro ni Jayne.

Nakaupo nang pabilog ang lahat sa sahig. Tumingin si Jayne sa paligid. Saang team niya gustong sumama? Umusog siya para umupo sa tabi ni Tito Ji-Ho. “Gusto ko pong sumali sa team ninyo!” sabi niya. “Tayo ang mananalo!”

Tumawa si Tito Ji-Ho. “Dahil kasama ka sa team namin, talagang malaki ang tsansa natin!”

Inilagay ng nanay ni Jayne ang game board sa gitna ng bilog. Tinulungan siya ni Jayne na ayusin ang mga pato. Ipinasa nila ang apat na patpat sa team na mauuna.

Si Ana na pinsan ni Jayne ang unang tumira. Inihagis niya ang mga patpat sa ere. Ang pagbagsak ng mga patpat ang nagpapakita kung ilang hakbang maaaring umabante ang team sa game board. Nakataob ang lahat ng apat na patpat, na ibig sabihin ay nakakuha ng Yut si Ana! Iaabante niya ang pato ng team niya nang apat na hakbang at siya ulit ang titira.

Pero wala si Ana sa team ni Jayne.

Humalukipkip si Jayne at sumimangot. “Umasa pa naman ako na hindi magiging maganda ang paghagis niya,” bulong niya kay Tito Ji-Ho.

“Huwag kang malungkot!” sabi ni Tito Ji-Ho. “Kasisimula pa lang ng laro.” Nagpalakas ng loob ang ngiti nito.

Pagkaraan ng pangalawang tira ni Ana, inihagis ng team ni Jayne ang mga patpat. Pero hindi umabot ang pato nila sa pato ng team ni Ana.

Sa bawat tira, nagpalakpakan at nagtawanan ang mga miyembro ng pamilya ni Jayne. Pinanood ni Jayne ang pag-ikot ng mga pato sa game board. Lahat ay masaya.

Pamilyang naglalaro ng isang game

Lahat maliban kay Jayne. Natatalo pa rin ang team niya.

Sa wakas ay si Jayne na ang titira. Inihagis niya ang mga patpat sa ere, pero isa lang ang bumagsak nang pataob. Umabante lang ng isang hakbang ang pato ng team niya.

Humalukipkip si Jayne. “Ayoko na!” sigaw niya. “Gusto kong manalo kami.”

Biglang tumahimik ang lahat. Nang tumingala siya, nakatitig sa kanya ang kanyang pamilya. Tila nagulat sila na galit-na-galit siya.

Nag-init ang mukha ni Jayne. Sumama ang pakiramdam niya na hindi siya masaya para sa pamilya niya. Karaniwan ay hindi siya gaanong nagagalit. Tumayo siya para umalis sa bilog.

Hinawakan siya ni Tito Ji-Ho. “Hindi mo kailangang umalis!” sabi nito. “Hindi mahalaga ang manalo. Sikapin mo lang na magsaya.”

“OK po.” Muling umupo si Jayne. Gusto niyang magsaya tulad ng iba. Huminga siya nang malalim at pinanood niya ang paghahagis ng patpat ng pinsan niyang si Ben.

“Ang galing, Ben!” sabi ni Tito Ji-Ho. Parang masaya siya.

Tumingin si Jayne kay Tito Ji-Ho na nanlalaki ang mga mata. Masaya ito para sa kabilang team! Siguro iyon ang dahilan kaya ang saya-saya nito.

Nang may titira na ulit, nagpasiya si Jayne na pumalakpak para sa lahat ng nasa dalawang team. Tama si Tito Ji-Ho. Hindi mahalaga ang manalo. Matutulungan siya ni Jesus na maging masaya para sa kanyang mga kapamilya kahit matalo siya.

Nang si Ana na ulit ang titira, nginitian siya ni Jayne. “Suwertehin ka sana! Kaya mo ’yan.”

Mula sa kabilang panig ng bilog, gumanti ng ngiti si Ana. Gumanda ang pakiramdam ni Jayne. Mas masaya na siya ngayon!

PDF

Larawang-guhit ni Uran Duo