2023
Ibahagi ang Gustung-gusto Mo
Hulyo 2023


“Ibahagi ang Gustung-gusto Mo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.

Ibahagi ang Gustung-gusto Mo

Ang pagmamahal mo sa ebanghelyo, para sa iba, at sa Panginoon ay nagbibigay sa iyo ng lakas na ibahagi ang ebanghelyo.

Jesucristo, origami, smartphone, karayom at sinulid, tulay, Aklat ni Mormon

Para sa Layuning Ito, ni Yongsung Kim, Havenlight.com

Una kong binisita ang River Ribble malapit sa Preston, England, habang naglilingkod ako bilang bata pang missionary sa British Mission. Doon, bininyagan ni Apostol Heber C. Kimball ang mga unang nabinyagan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa labas ng North America noong Hulyo 1837.

Habang nakatayo ako sa tulay kung saan tanaw ang ilog at inisip ang nangyari doon, nakatanggap ako ng matinding patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang misyon ko ay isang napakaganda at nagpapaliwanag na karanasan sa buhay ko. Ngayon, madalas kong pag-isipan kung gaano ang kagalakan ko sa pag-uukol ng halos buong buhay ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Wala akong maisip na iba pang bagay na mas mahalaga.

Ang Pangangailangan na Ibahagi ang Ebanghelyo

Kunwari ay isa kang disipulo ni Jesucristo sa panahon ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Gaano kaya kasaya ang makita Siya at marinig ang Kanyang mensahe?

Ang napakagandang mensahe ng nagbangon na Panginoon ay isang paanyaya at utos na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo. Sabi Niya, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19), at “humayo kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang ebangelio sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15).

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi kailanman higit na kinailangan kundi ngayon . … Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayapaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig at hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.”1

Kailangan Ka ng Panginoon Ngayon

Nabubuhay kayo sa natatangi at mahalagang panahon—ang huling dispensasyon bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Nagpropesiya si Propetang Joseph Smith na bago dumating muli ang Panginoon, “ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa lahat ng lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”2

Sino ang tutulong para makamit ito? Ikaw!

Hindi mo kailangang maging full-time missionary para ibahagi ang ebanghelyo. Kailangan ka ng Panginoon ngayon upang ang pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo na nakagagalak at walang-hanggan ang kahalagahan sa salita at gawa ay maging uri ng iyong pamumuhay at bahagi ng iyong pagkatao.

Magpokus sa Pagmamahal

Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit natin ibinabahagi ang ebanghelyo ay dahil iniutos ito sa atin ng Panginoon. Kung minsan maaaring mahirap ito, pero ipinapangako ko na kapag nakatuon kayo sa Panginoong Jesucristo at sa kung gaano ninyo Siya kamahal at kung gaano Niya kayo kamahal, magagabayan kayo sa inyong mga pagsisikap.

magnifying glass na nakatapat sa larawan ni Jesucristo

He is Risen [Siya’y Nagbangon], ni Greg Olsen

Ang pagmamahal ninyo sa ebanghelyo, para sa iba, at higit sa lahat, ang pagmamahal ninyo sa Panginoon ay magbibigay sa inyo ng lakas na tanggapin ang Kanyang banal na paanyaya na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo.

Mahalin ang Ebanghelyo

Sinabi ng Panginoon, “Matuto ka sa akin” (Doktrina at mga Tipan 19:23; Mateo 11:29). Habang lalo mong pinag-aaralan ang ebanghelyo at natututo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang sagradong misyon bilang Tagapagligtas at Manunubos, lalong madaragdagan ang iyong pagmamahal sa ebanghelyo.

Ibinabahagi mo ang iyong pagmamahal sa ebanghelyo habang ipinamumuhay mo ito. Itinuro ni Apostol Pablo, “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Timoteo 4:12). Kadalasan ay madaling tanggapin ng mga tao ang ebanghelyo dahil nagkaroon sila ng magagandang karanasan sa mga miyembro ng Simbahan. Huwag sana kayong mabuhay sa espirituwal na balatkayo. “Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw” (Mateo 5:16) at ipakita sa iba na ang ebanghelyo ay mahalagang bahagi ng kung sino kayo at ng ginagawa ninyo.

Mahalin ang Iba

Isipin ang iyong mga kaibigan. Ibinabahagi mo ba sa kanila ang mga pelikula, musika, at pagkaing gusto mo? Ibinabahagi mo ba ang iyong mga talento at libangan? Naisip mo siguro kung tatanggapin ba nila ang ebanghelyo kung ibabahagi mo ito sa kanila. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Itinuro ni Pangulong Nelson na, “Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”3

Tumulong nang may pagmamahal sa mga kaibigan, kapamilya, kapitbahay, kaklase, at iba pa—na inaalala na sila ay inyong mga kapatid at minamahal na mga anak ng inyong Ama sa Langit—at makikita mo na mas madali mong maibabahagi ang ebanghelyo sa kanila.

Mahalin ang Panginoon

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mensahe natin sa mundo ay buhay si Jesucristo! Ginawa Niyang posible na makamtan ng bawat isa sa atin ang kaligtasan at kadakilaan.

Madarama mo ang pagmamahal ng Panginoon para sa iyo habang pinagninilayan mo ang lahat ng ginawa Niya para sa iyo. Ang iyong kaluluwa ay mapupuspos ng pagmamahal para sa Kanya, at makikita mo na gugustuhin mong ibahagi ang magagandang katotohanang natanggap mo mula sa Kanya.

Anong Laki ng Iyong Kagalakan

Ang aking espirituwal na nagbibigay-inspirasyong karanasan sa tulay sa Ilog Ribble noong bata pa akong missionary ay naghatid sa akin ng walang-hanggang kagalakan na ipinangako sa mga taong nagbabahagi ng ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15).

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, mas natitiyak ko ngayon na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay isang kagalakan at malalim na pagpapahayag ng ating pagmamahal sa ipinanumbalik na ebanghelyo, sa mga anak ng Diyos, at sa Panginoon.

Quentin L. Cook kasama ang mga kabataan

Kinausap ni Elder Cook ang mga batang evacue ng Taal Volcano sa Batangas, Philippines, noong Enero 15, 2020.

Pinatototohanan ko na sa pagtanggap ninyo ng paanyaya ng Panginoon at pagbabahagi ng inyong pagmamahal, tinutulungan ninyo Siyang itayo ang Kanyang Simbahan at ihanda ang mundo para sa Kanyang pagbabalik, kung kailan “Siya ang mamumuno bilang Hari ng mga Hari at … Panginoon ng mga Panginoon.”4 Dalangin ko na sundin ninyo Siya at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo habang kayo ay nabubuhay.