“Magtipon—Huwag Magkalat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Magtipon—Huwag Magkalat
Ang Diyos ay hindi nagpapakita na may paborito Siyang mga tao, at hindi rin natin dapat gawin ito.
Ilang linggo matapos akong makarating sa Germany bilang missionary, kumatok kami ng trainer ko sa pintuan ng isang matandang babae, na pumayag na turuan namin siya.
Sa unang lesson namin, inanyayahan namin siyang magbasa nang malakas ng isang talata sa banal na kasulatan. Gamit ang makapal na salamin, nahirapan siyang magbasa, at nagkamali sa mga salita. At maikli lang ang mga sagot niya sa mga tanong namin. Hindi kami sigurado kung gaano niya ito naunawaan.
Hiniling namin sa kanya na basahin ang ilang talata sa Aklat ni Mormon bago ang kasunod na pagbisita namin. Nang muli kaming nagpunta, nabasa niya ang mga ito pero parang hindi niya naunawaan ang mga ito. Inisip namin na baka nahihirapan siya na mag-aral o matuto. Inisip namin kung dapat ba namin siyang patuloy na turuan. Pero nagpatuloy lang kami.
Nang sumunod na pagbisita namin, nagulat kami nang sabihin niyang gusto niyang magpabinyag. Pagkatapos, habang patuloy namin siyang tinuturuan, napansin namin na mas maayos na ang kanyang pagbabasa. Maikli pa rin ang mga sagot niya sa aming mga tanong pero parang mas maayos at mas tiyak na ang mga sagot niya sa aming mga tanong.
Hindi nagtagal ay nalipat ako sa ibang lungsod, pero sumulat sa akin ang trainer ko kalaunan para sabihin na ang babaeng ito ay nabinyagan at sinuportahan ng mga miyembro ng branch. Kung tinanong mo kami ilang linggo na ang nakararaan kung sino sa lahat ng contact namin ang malamang na mabinyagan at magkaroon ng puwang sa Simbahan, baka hindi siya ang una sa aming listahan.
Kaya natutuhan namin ang isang lumang aral—ang aral ding iyon na natutuhan ni Apostol Pedro at kailangang patuloy na matutuhan ng bawat isa sa atin: “Walang kinikilingan ang Diyos” (Mga Gawa 10:34).
Isang Malaking Pagbabago
Pinamunuan ni Pedro ang Simbahan sa kritikal na panahon. Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15). Ngunit noon sila ay nangangaral at nagbibinyag lamang sa mga Judio.
Pagkatapos ay may nangyaring ilang pambihirang bagay. Isang Romanong senturion na nagngangalang Cornelio—isang Gentil, isang kawal na hindi Judio, isang kawal na nagsusuot din ng uniporme na tulad ng mga taong nagpako kay Jesucristo—ang nakakita ng anghel sa isang pangitain. Sinabi ng anghel kay Cornelio na ipatawag ang lalaking nagngangalang Pedro para turuan siya. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagkaroon ng pangitain si Pedro kung saan nakita niya ang pagkain na ipinagbabawal sa batas ng mga Judio, pero sinabi sa kanya na kainin ito dahil nilinis na ito ng Diyos. Matapos makita ni Pedro ang pangitaing ito, dumating ang mga tagapagsilbi ni Cornelio at hiniling sa kanya na sumama sa kanila. Sinabi ng Espiritu kay Pedro na sumama.
Matapos makilala si Cornelio at makita kung gaano siya kabuti at totoo, nalaman ni Pedro ang kahulugan ng kanyang pangitain. Kailangan ding maipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil na tulad ni Cornelio. Noon sinabi ni Pedro, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos: kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya” (Mga Gawa 10:34–35). Itinuro ni Pedro kay Cornelio ang tungkol kay Jesucristo at inanyayahan siya at ang kanyang sambahayan na magpabinyag. (Tingnan sa Mga Gawa 10.)
Ang pagdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil ay tanda ng malaking pagbabago para sa Simbahan noon. Nahirapan ang ilang tao na tanggapin ang pagbabagong ito. Pero ito ang tama, at itinuro nito ang isang pangunahing katotohanan tungkol sa Diyos at sa ating mga kapwa-tao.
Walang Paboritismo
Kapag pinagpapala Niya ang Kanyang mga anak, hindi nagpapakita ang Diyos ng paboritismo batay sa nasyonalidad, lahi, kasarian, yaman, edukasyon, kakayahan, kaanyuan, o iba pang mga pagkakaiba na naghati-hati sa mga tao.1 Siya ay “pantay ang pagpapahalaga sa lahat ng tao; siya na mabuti ay pinagpapala ng Diyos” (1 Nephi 17:35). Lahat ay maaaring lumapit sa Kanya, dahil “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33). “Ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7). Tinatanggap Niya ang mga “gumagawa na may katarungan, … umiibig sa kaawaan, at … lumalakad na may kapakumbabaan” (Mikas 6:8).
Maaaring piliin ng sinuman na lumapit kay Jesucristo, makipagtipan sa Ama sa Langit, at sumunod sa Kanilang mga landas. At ang katotohanang ito ay dapat gumabay kung paano natin ibinabahagi ang ebanghelyo ng Panginoon at ang Kanyang pagmamahal.
Hindi lang natin matitingnan ang panlabas na mga katangian ng isang tao at isipin na hindi ito ang “uri” na para sa ebanghelyo. Hindi natin basta maiaangkop ang mga makamundong katawagan sa mga tao at isipin na dahil sa mga katawagan na iyon sila ay hindi kwalipikadong mapabilang sa simbahan. Hindi lang tayo maaaring magpasiya na huwag maglingkod sa isang tao dahil iba ang opinyon nila sa pulitika, libangan, o mga hilig kumpara sa atin.
Hindi itinuturing ng Diyos ang isang tao bilang koleksyon ng mga label o katawagan na kumakatawan sa iba’t ibang grupo o mga katangian. Nakikita Niya ang isang indibiduwal—ang Kanyang anak. At iyan ang dapat na maging tingin natin sa bawat tao—bilang natatanging indibiduwal na may pantay na pagkakataon at kakayahang lumapit sa Diyos.
Maging Tagatipon
Hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na makibahagi sa pagtitipon ng Israel.2 Ngunit kung tayo, hindi tulad ng Diyos, ay pinipiling “may kilingan na mga tao” pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagsasali sa mga tao sa simbahan, maaaring ikinakalat o hinahati natin sila sa halip na tipunin at pagkaisahin sila.
Mangako sana ang bawat isa sa atin: hindi na tayo magkakalat. Maging tagatipon. Magmahal, magbahagi, at mag-anyaya.
Hindi kami sigurado ng kompanyon ko kung ang babaeng tinuturuan namin sa Germany ay malamang na mabinyagan. Hindi namin alam ang nasa puso niya, pero alam ito ng Diyos. Natutuwa ako na nadama namin na dapat namin siyang patuloy na turuan.
Habang sinisikap mong sundin ang Espiritu at sinisikap mong maging pantay-pantay ang pagtingin sa mga tao, gagabayan ka na tulungan ang mga nasa paligid mo na lumapit kay Cristo, anuman ang kanilang mga pagkakaiba.