“Patuloy na Umaasa sa Katotohanan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.
Patuloy na Umaasa sa Katotohanan
Noong una akong makakita ng gusali ng Simbahan, inakala ko na ospital iyon. Napakalinis at tahimik nito. Minahal ko ang ebanghelyo ni Jesucristo sa sandaling dumalo ako sa mga serbisyo sa simbahan.
Sinimulan akong turuan ng mga sister missionary, at nagpasiya akong magpabinyag. Iyon ang pinakamagandang araw!
Ipinakilala ako sa ebanghelyo ng aking kapitbahay, na isang returned missionary. Tinawagan niya ako isang Linggo ng umaga at hiniling niya na magsimba ako kasama niya at ng kanyang pamilya. Noong una, sinabi sa akin ni Inay na hindi ako makakapunta dahil wala kaming pera para sa pamasahe sa bus. Nang sabihin ko ito sa kapitbahay ko, sinabi niyang isasama niya ako, at pinayagan ako ni Inay na pumunta.
Kahit Mag-isa Tayong Naglalakad
Matapos akong mabinyagan, nahirapan ako sa aking pamilya. Kung minsan gusto nilang nasa bahay lang ako kapag Linggo, pero sa halip ay pinipili kong magsimba. Kadalasan ay mahirap sundin ang landas ng tipan.
Ang ilan sa mga miyembro ng aking pamilya ay laban sa Simbahan at sinabi sa akin na mali ang pagpili ko na sumapi. Kapag sinasabi nila ito sa akin, naisip ko ang mga salitang ito: “Alam ko na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay. Alam kong totoo ang Simbahan.” Ang mga ideyang ito ay nakatulong sa akin na panghawakan ang katotohanan.
Maaantig ng Ating mga Kilos ang Buhay ng Ibang Tao
Nang mahirapan akong malaman kung paano magbabayad ng ikapu, ipinakita sa akin ng kapitbahay ko kung paano ito babayaran. Ngayon kapag binibigyan ako ng nanay ko ng pocket money, lagi akong nagbabayad ng ikapu. Nakita namin ng pamilya ko ang mga pagpapala mula rito. Sinimulan pa nga ng pamilya ko na bigyan ako ng pera para magbayad ng ikapu! Nasorpresa talaga ako dito.
Kadalasan ay mag-isa akong nagsisimba, pero kung minsan ay kasama ko si Inay. Nagpasiya si Inay na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo at natuklasan niya na napakasaya nito, kahit hindi pa siya nabibinyagan.
Ang Panalangin at Pananampalataya ay Nagpapabago ng mga Puso
Nakita ko ang kamay ng Panginoon sa buhay ng aking pamilya habang ipinagdarasal ko sila at hinihiling sa iba na ipagdasal sila sa templo. Naging mas matulungin ang mga miyembro ng aking pamilya, at hinihikayat nila ako ngayon na magsimba at maging tapat sa kung sino ako.
Namatay ang lolo ko kamakailan, at nakita ko ang pangalan niya habang gumagawa ako ng family history. Tinanong ko ang tatay ko kung puwede kong gawin ang kanyang mga ordenansa sa templo. Sabi niya, “Sige lang, gawin mo kung iyan ang dapat gawin.”
Tunay na Kagalakan at Kaligayahan
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagkaalam tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagdulot sa akin ng kagalakan, kaligayahan, kapayapaan, at kapanatagan.
Alam ko na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, makakasama kong muli ang aking Ama sa Langit at makakasama ko ang aking pamilya magpakailanman kung ibubuklod kami sa templo balang-araw.
Ang awtor ay mula sa Vanuatu at nakatira sa Fiji.