2023
Pitong Araw ng Pagbabahagi
Hulyo 2023


“Pitong Araw ng Pagbabahagi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.

Pitong Araw ng Pagbabahagi

Maaari mong ibahagi ang ebanghelyo sa normal at natural na paraan. Tatanggapin mo ba ang hamon?

Kapag pinag-uusapan natin ang pagbabahagi ng ating patotoo, madalas nating isipin na ibahagi ang ating patotoo sa sacrament meeting o sa iba pang pormal na lugar. Pero hinikayat tayong “maghanap ng mga pagkakataong palakihin ang inyong pananampalataya sa likas at normal na mga paraan.”1

Sa pitong araw na hamon sa ibaba, maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa ibang paraan araw-araw sa loob ng isang linggo. Magagawa mo ang mga bagay na ito sa anumang pagkakasunud-sunod, o maaari ka ring makaisip ng sarili mong mga ideya! Tatanggapin mo ba ang hamon?

Larawan
meetinghouse

Mga larawang-guhit ni Emily Davis

Araw 1: Simbahan

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa fast and testimony meeting sa simbahan kung komportable ka rito. Kung hindi, maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo sa simbahan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa iyong mga klase sa araw ng Linggo at sa seminary. Ang mga komento na ibinabahagi mo roon ay maaaring makapagpasigla sa iba at magpalakas ng kanilang patotoo gayundin ng sa iyo.

Larawan
mga kaibigan

Araw 2: Mga Kaibigan

Ano ang natutuhan mo sa Simbahan noong Linggo? Gusto mo ba ang ibinahagi ng isang tao sa isang mensahe sa sacrament meeting o sa talakayan ninyo sa klase? Siguro ang pambungad na awitin ay isa sa mga paborito mong himno. Ikuwento mo ito sa isang kaibigan! Pagkatapos ay magtanong din tungkol sa ginawa nila sa Sabado at Linggo.

Larawan
telepono na mayroong social media

Araw 3: Social Media

Ang social media ay magandang lugar para ibahagi ang mga espirituwal na bagay sa karaniwan at natural na paraan. Para sa araw na ito ng hamon, isiping magbahagi ng post tungkol sa:

  • Isa sa mga paborito mong talata sa banal na kasulatan.

  • Isang nakakasiglang sipi mula sa pangkalahatang kumperensya.

  • Isang espirituwal na kaisipan o karanasan.

  • Isang bagay na mahal o pinasasalamatan mo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Isang paraan na tinulungan ka Niya kamakailan o isang katangiang hinahangaan mo sa Kanya at bakit.

Larawan
telepono na mayroong video at text

Araw 4: Text o Video

Magpadala ng nakasisiglang mensahe sa isang kaibigan sa pamamagitan ng text o video. Maaari kang magbahagi ng isang mensahe sa kumperensya na sa palagay mo ay magugustuhan nila, sabihin sa kanila ang isang bagay na pinahahalagahan mo tungkol sa kanila, o ibahagi ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Halimbawa, maaaring kailangan nilang malaman ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila. Maaari mo ring sabihin ito sa kanila nang personal!

Larawan
dalagitang may hugis-pusong lobo

Araw 5: Paglilingkod

Maaaring iniisip mo kung paanong ang paglilingkod sa iba ay paraan upang maibahagi ang iyong patotoo. Sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12). Maipapakita mo ang iyong mga paniniwala sa pamamagitan ng iyong halimbawa, sa paglilingkod sa iba tulad ng gagawing paglilingkod sa kanila ng Tagapagligtas.

Larawan
mga pamamaraan ng sining

Araw 6: Sining

Kung minsan ang mga tao ay gumagamit ng sining bilang ibang paraan para maibahagi ang kanilang mga iniisip at nadarama. Maaari mong gamitin ang mga ipinintang larawan, eskultura, tula, musika, o iba pang uri ng sining para ibahagi ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Larawan
mga kabataang nag-uusap

Araw 7: Mga Kaswal na Pag-uusap

Huwag matakot na banggitin ang iyong mga paniniwala sa mga kaswal na sitwasyon, tulad ng pagbabahagi mo ng iba pang mga kaisipan mo tungkol sa isang paksa.

Mangyari pa, maaari ninyong pag-usapan ang mga aktibidad ng Simbahan o isang talata sa banal na kasulatan na nabasa ninyo kamakailan, pero maaari din itong maging mas kaswal pa riyan. Halimbawa:

  • Kung nabibigyang-inspirasyon ka ng kalikasan, ipahayag ang iyong pagpapahalaga sa mga likha ng Diyos sa ibang tao.

  • Siguro nagkaroon ka ng magandang espirituwal na karanasan kamakailan. Ikuwento ito sa isang kaibigan kung hindi ito masyadong personal.

  • Maghanap ng mga analohiya ng ebanghelyo sa isang aklat o pelikula na gusto mo, at ibahagi ang iyong mga ideya.

Normal at Natural

Sa paghahanap mo ng iba’t ibang paraan para maibahagi ang iyong mga paniniwala, magiging mas natural ito sa iyo para magawa mo ito. Maaaring nakakaasiwa ito noong una, pero ayos lang! Tandaan, ang iyong patotoo pa lang ay likas na sa iyo—bahagi ito ng iyong pagkatao. Ang pagbabahagi nito ay maaaring maging natural din. Ang kailangan lang ay unti-unti itong ipahayag sa bawat araw.

Paano mo ibabahagi ang iyong patotoo ngayon?

Print