“Maging Sagot sa Panalangin ng Isang Tao,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Maging Sagot sa Panalangin ng Isang Tao
Ang pagsunod sa mga pahiwatig ay tumutulong sa atin na makagawa ng kaibhan.
Maaaring nadarama mo na wala kang gaanong maibibigay. Pero sumasampalataya ka kay Jesucristo, at sapat ang iyong pananampalataya sa Kanya para humantong sa ilang kagila-gilalas na bagay.
Hindi nagtagal matapos ang pagkamatay at Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo, kung saan may isang lalaking hindi makalakad na nakaupo lang sa labas at humingi sa kanila ng donasyon.
Sinabi ni Pedro sa lalaki, “Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibibigay sa iyo: Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka” (tingnan sa Mga Gawa 3:6; idinagdag ang diin).
Hinila ni Pedro ang lalaki para makatayo. Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, nakatayo ang lalaki. Naglakad siya at nagtatalon pa sa tuwa. Ang pananampalataya ni Pedro kay Cristo ay nagbigay sa kanya ng lakas-ng-loob na pagalingin ang lalaki sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.
Gayunman, maging tapat tayo. Marahil ay hindi mo mapapagaling ang pisikal na karamdaman ng lahat ng tao sa lahat ng oras. Pero makakatulong ang iyong pananampalataya sa iba pang mga paraan. Tulad ni Pedro, kung ano ang mayroon ka, maaari mo itong ibigay.
Gumagawa ng Kaibhan
Nanalangin ka na ba para hindi ka gaanong malungkot? O na sana ay maging kaibigan mo ang isang tao?
Mayroon bang nagpunta sa iyo, tumawag, o nag-text sa iyo sa sandaling iyon? Maaaring sumusunod sila noon sa pahiwatig at nagsisikap na magpakabuti, tulad mo. Ang ginawa lang nila ay matapat silang nag-ukol ng kaunti nilang panahon, ng kanilang lakas-ng-loob, at kaunting kabaitan—sa madaling salita, kung ano ang mayroon sila. Maaari mo ring hayaang itulak ka ng iyong pananampalataya na kumilos ayon sa mga pahiwatig.
Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May sagradong responsibilidad tayo na matutuhang kilalanin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay at tumugon.”1
Hindi mo palaging napapansin kung kailan o kung nakagawa ka ng kaibhan sa araw ng isang tao, kaya maaaring mahirap makita ang layunin ng pagsunod sa mga pahiwatig.
Gayunman, ang pagsisikap na maglingkod—gawin ang makakaya mo—ay magpapasaya sa iyo at may magagawa ka kahit hindi mo palaging nakikita ang mga bunga nito. Sa pakikinig mo sa mga pahiwatig, tutulungan ka ng Espiritu Santo na matutuhan kung paano maglingkod sa ibang tao, kahit marami kang ginagawa. Tulad ng sinabi minsan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga panalangin ay … kadalasang … sinasagot ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa ibang tao. Dalangin ko na gamitin Niya tayo. Dalangin ko na maging sagot tayo sa mga panalangin ng mga tao.”2
Kagalakan para sa Lahat
Sa paggawa ng mabuti, maaari kang maging sagot sa mga panalangin ng iba at magkaroon ng kagalakan habang ginagawa ito—at sa kawalang-hanggan. Tulad ng itinuro ni Elder Rasband: “Ang kagalakan ay dumarating bilang kapayapaan sa gitna ng paghihirap o pighati. Nagbibigay ito ng kapanatagan at tapang, naglalahad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, at pinatitindi ang pagmamahal natin sa Panginoon at sa lahat ng mga anak ng Diyos.”3 Sa madaling salita, nagiging mas katulad ka rin ni Cristo.
Ibigay mo lang ang kaya mo, na nagsisimula sa kaunting panahon at pagsunod.
Kung minsan, siyempre, ikaw ang nangangailangan ng kaunting tulong. Dito rin, ang mapagmahal na Ama sa Langit ay nagpapadala ng mga pahiwatig sa iba. Madarama nila ang kagalakan habang nagiging sagot sa iyong mga dasal, tulad ng maaari kang maging sagot sa kanilang mga dasal. Ibig sabihin niyan ay bilyun-bilyon ang posibleng mga sagot, at ang susunod ay maaaring naglalakad sa kalye, na halos magsabi ng hello.