“Pagsali sa Parehong Team,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.
Pagsali sa Parehong Team
Ang dalawang magkalaban sa paaralan ay naging panghabambuhay na magkaibigan.
Anim na linggo na lang si Sister Dil sa kanyang misyon sa Australia nang malaman niya na sa mga huling linggong iyon sa paglilingkod ay makakasama niya si Sister Tuala!
“Ito ang pinakahuling sasalihan ko,” sabi ni Sister Dil.
Sina Sister Dil at Sister Tuala ay naging mga starting player para sa mga pinakamahusay na basketball team ng kanilang mga high school sa Auckland, New Zealand. Magkatunggali sila. Madalas silang magkalaban sa paglalaro sa mga huling tournament, at hindi ito maganda.
“Para medyo maunawaan ninyo,” sabi ni Sister Tuala, “paglabas namin ng court ay puro kami galos at pasa.”
Maraming oras ang inukol nina Sister Dil at Sister Tuala sa pagsasanay at paglalaro ng basketball. “Basketball ang buhay namin,” sabi ni Sister Dil.
Nang makatapos ng hayskul, kapwa sila nakadama ng impresyon na magmisyon—kahit wala ni isa sa kanila ang nakadama ng hangaring maglingkod noon.
Pagpiling Maglingkod
Para kay Sister Tuala, matagal na panahon rin para maiayon ang kanyang kalooban sa kalooban ng Panginoon. “21 anyos ako nang magpasiya akong kumilos ayon sa pahiwatig,” sabi niya. “Talagang nakikipaglaban ako hanggang sa nasa eroplano na ako.”
Dumating si Sister Tuala sa kanyang misyon sa Australia sa panahon ng pandemyang COVID-19, at kahit mahirap, lubos siyang nagpapasalamat na nagpasiya siyang maglingkod.
“Hindi ko maisip na ako pa rin ang dating Sister Tuala noong 21 anyos ako. Pakiramdam ko talaga ay lumago ako.”
Si Sister Dil ay may “malinaw at tuwirang” pahiwatig na magmisyon nang matanggap niya ang kanyang patriarchal blessing. Pagkaraan ng ilang panahon, nagpasiya siyang sundin ang pahiwatig na maglingkod, dahil “ang kalooban ng Panginoon ang palaging tamang daan at pinakamagandang opsiyon.” Dumating ang tawag, at nag-impake na siya para maglingkod sa Australia.
Pagsali sa Parehong Team … sa Malayo
Hindi dahil sa naglingkod sina Sister Dil at Sister Tuala sa iisang mission ay kaagad na silang naging magkaibigan. Matapos ang matagal na pagkukumpetensya, nahirapan pa rin sina Sister Dil at Sister Tuala na makita ang isa’t isa sa ibang anggulo.
Sa katunayan, sa unang araw na nakita ni Sister Tuala si Sister Dil, isa sa mga una niyang naisip ay, “Hindi ko alam kung dapat ko siyang magustuhan.”
Pagwawakas ng Di-Pagkakasundo
Kaya nang atasan sina Sister Tuala at Sister Dil na maglingkod nang magkasama, talagang kakaiba iyon.
Pareho silang may mga ideya tungkol sa isa’t isa batay sa paraan ng paglalaro nila sa basketball court. Inakala ng bawat isa na ang isa ay agresibo, nakikipagkumpetensya, at masungit.
Pero nagsimulang magbago ang lahat nang makilala nila ang isa’t isa. Napag-isip ni Sister Dil na si Sister Tuala “ang mismong kabaligtaran” ng lagi niyang nakikita rito. “Talagang mapagmahal siyang tao—isa sa mga pinakamapagmahal na kompanyon na nakasama ko,” sabi ni Sister Dil.
Ganoon din ang karanasan ni Sister Tuala. Hindi niya natanto na ang kanyang damdamin na kalaban niya si Sister Dil ay “kinikimkim pala niya” sa kanyang buhay.
Ang mga negatibong damdamin na iyon ng pagtatalo at paghatol ay napalitan ng pagmamahal at pang-unawa nang makita niya kung sino talaga si Sister Dil. At kahit inakala ni Sister Tuala na tahimik si Sister Dil, nalaman niya na “nakakapagsalita pala si Sister Dil!”
Sa kanilang bagong pagkakaibigan, natanto nina Sister Dil at Sister Tuala na baka hindi naman sila talaga naging magkaaway.
“Sa basketball kasi lagi mong iniisip na kailangan kaming manalo, at kaaway ang kabilang grupo,” sabi ni Sister Dil. “At susunod ay natatapos na ang basketball, at naiisip mo, ‘Ah, hindi na sila ang kaaway. Siguro hindi talaga sila ang kaaway.’”
Ngayon, nakikita nina Sister Dil at Sister Tuala na nasa iisang “team” sila—team ng Diyos.
Ang Sakripisyo ni Jesucristo ay para sa Lahat ng Tao
Kapwa nila nadama ang kamay ng Diyos sa kanilang tungkulin bilang magkompanyon at alam nila na dahil sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakaranas sila ng paggaling at pagbabago.
“Ginawa ni Jesucristo ang sakripisyong iyon upang ang lahat ng bagay na ito na namali noon ay maaaring gumaling, maitama, at mapabuti pa,” sabi ni Sister Dil. “Maaari tayong magpatawad. Maaari tayong lumimot. Maaari tayong magpatuloy, at nagbabago ang mga bagay-bagay.”
Hindi lamang napaghilom nina Sister Tuala at Sister Dil ang kanilang pagtatalo, kundi natutuhan din nila kung paano makita ang iba ayon sa pagtingin sa kanila ng Diyos.
“Sa pagparito at makita ang kompanyon ko at ang iba pang tao sa ibang pananaw, natanto ko na mahalaga ang kuwento ng bawat tao,” sabi ni Sister Tuala. “At kailangan ng lahat ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Nalaman nila na kahit na maaaring mahirap, posible para sa dalawang tao na minsan ay itinuring ang isa’t isa bilang magkaaway na magkasama sa pamamagitan ng pagmamahal.
“Hindi mahalaga kung ano na ang edad mo o ano ang etnisidad mo,” sabi ni Sister Tuala, “o kung ikaw man ay ateista o relihiyoso.
“Kung kaya kong makatrabaho ang isang taong hindi naman malapit sa akin, at magsasama kaming dalawa para sa isang pangunahing layunin, magagawa rin ito ng ibang tao.”