2023
11 Talagang Maiikling Kuwento tungkol sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Hulyo 2023


“11 Talagang Maiikling Kuwento tungkol sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023

11 Talagang Maiikling Kuwento tungkol sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

At kung paano mo rin maibabahagi ito!

dalagita; mga batang nagdarasal

Ipakita Kung Paano Makatutulong ang Ebanghelyo

Isang araw ay nakaupo ako sa tabi ng kaibigan ko sa klase. Naghahanda kaming kumuha ng exam o pagsusulit, at sinabi niya sa akin na kinakabahan talaga siya. Nadama ko na kailangan ko siyang turuan kung paano magdasal. Pagkatapos ay pareho kaming yumuko at tahimik na nanalangin para humingi ng tulong sa test o pagsusulit. Nagpapasalamat ako na makakatulong ang pagdarasal para mawala ang nerbiyos ng kaibigan ko.

Abigail, Uruguay

binatilyo; kabataan na bumibisita sa matandang babae

Mag-minister sa mga Taong Nangangailangan

Mayroon noon na isang matandang babae sa aming ward na hindi makadalo nang personal sa sacrament meeting dahil sa mga problema sa kalusugan. Tinanong namin ni Itay ang bishop kung puwede naming dalhin ang sakramento sa bahay niya linggu-linggo. Ang kanyang asawa, na di-gaanong aktibo, ay nagsimula ring tumanggap ng sakramento. Ang ibig sabihin ng pagtitipon ng Israel ay kailangan nating anyayahan ang iba na mas lumapit kay Jesucristo. Ang ministering ay malaking bahagi nito.

Shion, Utah, USA

mga kabataang lalaki; mga batang naglalaro

Anyayahan sa Isang Aktibidad

Nagbibisikleta ako sa tapat ng isang simbahan nang makita ko ang maraming tao roon na nagsasayawan. Tinawag ko ang isang binatilyo (na ang pangalan ay Courage) at tinanong siya kung ano ang ginagawa nila. Sinabi niya na naroon sila para sa mga klase na tinatawag na seminary. Sinabi niya sa akin na magkakaroon ng aktibidad sa simbahan at itinanong kung sasama ako sa kanya. Bilang kaibigan ko, talagang binago ni Courage ang buhay ko sa pamamagitan ng pagtulong sa akin na malaman ang tungkol sa ebanghelyo.

David, Ghana

binatilyo; kabataan na umaakyat sa hagdan

Maging Isang Halimbawa

Marami akong natututuhan sa panonood sa kuya ko. Gustung-gusto ko ang mga video game at soccer, at, sa totoo lang, malamang na gawin ko ang mga bagay na iyon sa lahat ng oras kung hindi lang para sa kanya. Gusto rin niya ang mga bagay na iyon, at maraming oras na magkasama kaming naglalaro, pero lagi siyang nag-uukol ng oras para umunlad at bumuti pa. Hinding-hindi ko malilimutan nang inaanyayahan akong gumamit ng droga sa paaralan. Agad kong naisip ang kapatid ko at alam ko kung ano ang pipiliin niya; dahil gusto kong maging katulad niya, pinili ko ang tama at tumanggi ako.

Emilio, Tennessee, USA

dalagita; mga batang babae na magkayakap

Tulungan ang Iba na Madama ang Pagmamahal ni Cristo

Sa isang FSY conference, pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Araw-araw akong nanalangin, umaasang madama ang Espiritu at pagmamahal ni Jesucristo. Pagkatapos ng isa sa mga mensahe, isang dalagitang hindi ko masyadong kilala ang lumapit at niyakap ako. Nadama ko ang pagmamahal ni Cristo sa kanyang yakap, na para bang sinasabi Niya sa akin na mahal Niya ako.

Natalie, Chile

dalagita; mga batang babae na may telepono

Sundin ang mga Pahiwatig

Isang araw ay nagkaroon ako ng espirituwal na pahiwatig na dapat kong anyayahan ang matalik kong kaibigan sa paaralan sa isang debosyonal. Gusto kong balewalain ang pahiwatig, pero sa wakas ay nagpadala ako sa kanya ng text message bago ang araw na iyon. Habang nakaupo kami sa debosyonal, kinabahan ako. Pero nang matapos ang miting, todo ang ngiti niya. Paalala iyon sa akin na mas kilala ng Diyos ang Kanyang mga anak kaysa pagkakilala ko sa kanila at dapat kong sundin palagi ang mga pahiwatig na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Eliza, Minnesota, USA

binatilyo; kabataan sa parke

Ipagdasal Kung Ano ang Sasabihin

Kami lang ng kapatid kong babae ang mga miyembro ng Simbahan sa aming paaralan. Napapansin ng mga tao na naiiba kami at palagi silang nagtatanong. Noong una kinakabahan akong kausapin sila, pero ipinagdasal ko na masabi ko ang tama, at nakinig sila at iginalang ang mga pagpili ko.

Ruben, Norway

dalagita; batang babae na may digital device

Ibahagi ang mga Katotohanan ng Ebanghelyo Online

Para sa isang mithiin, pinasadahan ko ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at may nakita akong mga banal na kasulatan at sipi na ibabahagi sa social media. Nakatanggap ako ng ilang komentaryo mula sa mga taong nagsasabing nadama nila ang Espiritu sa pamamagitan ng aking mga post. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay makatutulong sa iba sa mga paraang hindi natin sukat akalain sa sandaling iyon.

Raquel, Brazil

dalagita; mga bata sa paaralan

Maging Malikhain

Sa isa sa mga klase ko sa paaralan, binabasa namin ang isang aklat na bumabatikos sa Simbahan. Alam ko na kailangan kong magsalita tungkol sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagtaas ako ng kamay. Tinawag ako ng guro, pero hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Sa kung anong dahilan, sinimulan kong kantahin ang mga awitin ng Mga Saligan ng Pananampalataya. Nagulat ako nang madama ko sa silid ang matinding pagpipitagan. Pagkatapos ay nabawasan ang kalituhan, at nagkaroon ng higit na paggalang ang aking guro at mga kaklase sa talakayan sa klase at sa akin.

Monique, Massachusetts, USA

dalagita; pamilya sa tahanan

Maging Liwanag

Noong 15 taong gulang ako, nagpasiya akong maghanap ng simbahang dadaluhan ko. Makalipas ang ilang araw, naging kaibigan ko ang isang batang babae sa paaralan na parang napalilibutan ng liwanag. Pagkaraan ng ilang linggo, inanyayahan niya ako sa bahay niya. Pagdating ko roon, inanyayahan ako ng kanyang pamilya na sumali sa home evening. Naging interesado ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dahil sa kung gaano kasaya ang pamilya ng kaibigan ko noong gabing iyon.

McKaylie, Colorado, USA

binatilyo; mga kabataang lalaki na nag-uusap

Magbahagi Dahil sa Pagmamahal

Hinikayat ako ng pinsan ko na makipagkita sa mga missionary, palagay ko, dahil gusto niyang masiyahan ako sa mga pagpapalang natatamasa niya noong panahong iyon. Nadama ko na mahal ako ng pinsan ko at ng kaibigan kong si Enoc at mabuting bagay ang nais nila para sa akin. Dahil doon komportable akong pumunta sa simbahan.

Eric, Ghana