2023
Kapag Nasasaktan Ka sa mga Pagpili ng Ibang Tao
Hulyo 2023


“Kapag Nasasaktan Ka sa mga Pagpili ng Ibang Tao,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2023.

Kapag Nasasaktan Ka sa mga Pagpili ng Ibang Tao

Narito ang ilang bagay na dapat tandaan kapag ginagamit ng ibang tao ang kanilang kalayaan sa mga paraang nakakasakit sa iyo.

dalagitang nakararanas ng mga negatibong damdamin o emosyon

Mga paglalarawan ni Shana Keegan

Gumagawa kayo ng napakaraming mga pagpili araw-araw—ano ang susuotin, ano ang kakainin sa almusal, sinong mga kaibigan ang sasamahan. Ang kalayaang pumili at pagkilos ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos.

Ang ating mga pagpili ay may mga bunga rin, at kung minsan maaari tayong masaktan ng mga pagpili ng ibang tao. Kung naranasan mo nang mapagalitan ka dahil sa isang bagay na ginawa ng kapatid mo, alam mo kung gaano kahirap kapag ginagamit ng ibang tao ang kanilang kalayaang pumili sa mga paraang hindi mo gusto!

Pero kung minsan ay magagamit ng mga tao ang kanilang kalayaang pumili sa mas malala pang mga bagay. Maaari kang i-bully ng mga bata sa paaralan, o maaaring magpasiya ang isang kapamilya na umalis sa Simbahan. Maraming pagkakataon na tila hindi patas ang buhay. Tutal, sinisikap mong gamitin ang iyong kalayaan sa pagpili ng tama—kaya bakit hindi nila ito ginagawa?

Siyempre, hindi mo makokontrol ang ibang tao. Pero ang magandang balita ay maaari mong baguhin ang sarili mo. Ang estratehiya ay ibahin mo ang pokus mo at gumawa ng mabubuting pasiya kahit hindi ito ginagawa ng iba.

Narito ang ilang bagay na dapat tandaan tungkol sa pagsulong nang may pananampalataya, kahit ginagamit ng ibang tao ang kanilang kalayaan sa mga paraang nakakasakit sa iyo:

  1. Hinangad ni Satanas na sirain ang kalayaang pumili (tingnan sa Moises 4:3). Kahit mahirap panoorin ang iba na gumagawa ng masasamang pasiya, malaya ka ring gumawa ng mabubuting pasiya na sundin si Jesucristo at maging lalong katulad Niya!

  2. May epekto ang mga ginagawa mo. Tandaan, “Malaya tayong pumili, ngunit hindi natin mapipili ang mga ibubunga nito.”1 Ang makita kung paano nakakaapekto sa iyo ang mga pagpili ng ibang tao ay maaaring maging magandang paalala sa iyo na gumawa ng mga pagpili na hindi nakapipinsala sa iyong sarili o sa ibang tao.

  3. Lahat ay responsable sa sarili nilang mga pagpili (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:78). Hindi ka kailangang mabigatan sa pakiramdam na responsable kang baguhin ang ibang tao o ang kanilang mga pagpili. Sa halip, maaari kang magtuon sa paggawa ng magagandang desisyon at pagsunod kay Jesucristo.

  4. Maaari mong piliing maging mabait. Maaaring hindi mabuti ang pakikitungo sa iyo ng isang tao, pero maaari ka pa ring maging mabait sa kanila. Kailangan ng lakas-ng-loob para maging mabait sa mga tao at patawarin sila kapag hindi sila mabait sa iyo, pero iyon mismo ang gagawin ni Jesus (tingnan sa Lucas 23:34).

  5. Dapat kang magpokus sa maaari mong makontrol. Halimbawa, maaaring hindi mo mapigilan ang iyong mga magulang na magdiborsyo, pero maaari mong piliing magpokus sa pananatili sa landas ng tipan, pagtulong sa iyong mga kapatid, pag-aaral tungkol sa mabubuting ugnayan, at pagtatakda ng mga mithiin para sa sarili mong pamilya sa hinaharap. Piliing gawing oportunidad para umunlad at matuto ang mga hamon sa iyong buhay.

  6. Ikaw ay may banal na identidad at layunin. Kapag inaalala mo ang iyong identidad bilang anak ng Diyos at muling nagpopokus sa iyong mga mithiin sa buhay, makikita mo ang kabuuan. Ang pagpokus sa iyong layunin at pagkakita na ang mga hamong ito ay maliit na bahagi lamang ng kuwento ng iyong buhay ay makakatulong sa iyo na sumulong nang may pananampalataya.

  7. Sa pagsampalataya kay Jesucristo, magkakaroon ka ng personal na kapayapaan, kahit hindi payapa ang mga bagay sa paligid mo. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Makadarama tayo ng walang-hanggang kapayapaan at kagalakan, kahit sa magulong panahon.”2 Ang buhay ay isang maunos na karagatan, at madaling hangarin na payapain ng Diyos ang mga unos na iyon para sa atin. Pero kung minsan sa halip na payapain ang dagat, pinapayapa Niya tayo, ang mga manlalayag. Bumaling sa Kanya kapag mayroon kang mga problema, at tutulungan ka Niya.

dalagita

Binigyan ka ng Diyos ng kalayaang pumili upang mapili mong sundin Siya at dahil dito ay maging katulad Niya. Sa paggawa mo nito, likas na matututo ka mula sa sarili mong mga pagpili at pagkakamali at sa mga pagpili ng ibang tao. Kahit mahirap panoorin ang mga tao na gumagawa ng mga pagpiling nakasasakit sa iyo, maaari kang matuto mula sa mga karanasang iyon at sumulong nang may layunin, pananampalataya, at kagalakan.