2010–2019
Aaronic Priesthood: Bumangon at Gamitin ang Kapangyarihan ng Diyos
Abril 2012


Aaronic Priesthood: Bumangon at Gamitin ang Kapangyarihan ng Diyos

Ang priesthood ay kailangang gamitin upang may maisagawang kabutihan. Kayo ay tinawag upang “bumangon at magliwanag,” hindi upang itago ang inyong liwanag sa dilim.

Kamakailan lang nasa South Africa ako at bumisita sa isang tahanan kasama si Thabiso, ang unang assistant sa priests quorum ng Kagiso Ward. Si Thabiso at ang kanyang bishop, na namumuno at nagtataglay ng mga susi ng korum, ay matagal nang nagdarasal para sa di-gaanong aktibong mga miyembro ng korum, at humihiling ng inspirasyon kung sino sa kanila ang kanilang bibisitahin at tutulungan. Nadama nila na dapat nilang bisitahin ang tahanan ni Tebello, at pinasama nila ako sa kanila.

Nang makalampas kami sa mabangis na asong bantay, nakasama na namin sa sala si Tebello, isang mahinahong binatilyo na hindi na nagsisimba dahil may iba na siyang pinagkakaabalahan tuwing Linggo. Kinakabahan siya ngunit masaya niya kaming tinanggap at niyaya pa ang kanyang pamilya sa pagharap sa amin. Ipinahayag ng bishop ang kanyang pagmamahal sa pamilya at ang hangarin niya na tulungan silang maging walang-hanggang pamilya sa pamamagitan ng pagbubuklod sa templo. Naantig ang kanilang puso, at nadama naming lahat ang malakas na presensya ng Espiritu Santo na gumabay sa aming bawat salita at damdamin.

Ngunit ang mga sinabi ni Thabiso ang naging kaiba sa pagbisitang iyon. Sa wari ko ang priest na ito ay nagsasalita sa wikang gamit ng mga anghel—magigiliw na salita na lubusan naming naiintindihan at lalong nakaantig sa kanyang kaibigan. “Masaya ako kapag kausap kita palagi sa simbahan,” sabi niya. “Palagi kang may magandang sinasabi tungkol sa akin. At alam mo, nawala na ang soccer team natin ngayong hindi ka na namin kasama. Ang galing mo kasing maglaro.”

“Pasensiya ka na,” sagot ni Tebello. “Hayaan mo, sasali ulit ako sa inyo.”

“Maganda ‘yan,” sabi ni Thabiso. “At naaalala mo pa ba ‘yung mga paghahanda natin sa pagmimisyon? Puwede ba nating gawin ulit ‘yon?”

“Oo,” pag-ulit ni Tebello, “Gusto kong bumalik.”

Marahil ang pinakamasayang nararanasan ko bilang tagapayo sa Young Men general presidency ay ang makita ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa buong mundo na ginagamit ang kapangyarihan ng Aaronic Priesthood. Subalit kung minsan ay nasasaksihan ko rin, at malungkot ang puso ko, kung gaano karaming kabataang lalaki ang hindi nakauunawa kung gaano kalaking kabutihan ang magagawa nila sa taglay nilang kapangyarihan.

Ang priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na kumilos at maglingkod sa Kanyang mga anak. O, kung mauunawaan lamang nang lubusan ng bawat kabataang lalaki, ng bawat mayhawak ng Aaronic Priesthood, na taglay ng priesthood na hawak nila ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel. Kung naiintindihan lamang nila na sila ay may banal na tungkuling tulungan ang kanilang mga kaibigan na mahanap ang landas tungo sa Tagapagligtas. Kung alam lamang nila na bibigyan sila ng Ama sa Langit ng kapangyarihang maipaliwanag ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo nang napakalinaw at taos na madarama ng iba ang hindi maikakailang katotohanan ng mga salita ni Cristo.

Mahal naming mga kabataang lalaki sa Simbahan, may itatanong ako sa inyo na inaasahan kong isasapuso ninyo habambuhay. Anong higit pang kapangyarihan ang maaari ninyong taglayin dito sa mundo bukod sa priesthood ng Diyos? Anong kapangyarihan ang maaaring higit pa kaysa sa kakayahang tulungan ang ating Ama sa Langit na baguhin ang buhay ng inyong kapwa, upang matulungan sila sa landas tungo sa walang hanggang kaligayahan sa pamamagitan ng pagkalinis mula sa kasalanan at maling gawain?

Tulad ng iba pang kapangyarihan, ang priesthood ay kailangang gamitin upang may maisagawang kabutihan. Kayo ay tinawag upang “bumangon at magliwanag” (D at T 115:5), hindi upang itago ang inyong liwanag sa dilim. Ang matatapang lamang ang mapapabilang sa mga pinili. Sa paggamit ninyo ng kapangyarihan ng inyong banal na priesthood, ang inyong tapang at tiwala sa sarili ay madaragdagan. Mga kabataang lalaki, alam ninyo na ang pinakamainam ninyong nagagawa ay kapag naglilingkod kayo sa Diyos. Alam ninyo na maligayang-maligaya kayo kapag sabik kayo sa paggawa ng mabuting bagay. Palakasin ang kapangyarihan ng inyong priesthood sa pagiging malinis at karapat-dapat.

Inuulit at sinasang-ayunan ko ang panawagan ni Elder Holland mula sa pulpitong ito anim na buwan na ang nakararaan. “Naghahanap ako,” sabi niya, “ng mga lalaking bata at matanda na may sapat na malasakit upang sumali at magtanggol sa labanang ito sa pagitan ng mabuti at masama. Tayo ay nasa digmaan.” Pagpapatuloy niya, “Hiling ko ang matatag na tinig, hindi lamang ang tinig na laban sa kasamaan … kundi maging ang tinig para sa kabutihan, isang tinig para sa ebanghelyo, isang tinig para sa Diyos” (“Tayo ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 44, 47).

Oo, mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, tayo ay nasa digmaan. At sa digmaang ito, ang pinakamabisang paraan upang magtagumpay laban sa kasamaan ay ang itaguyod ang kabutihan. Hindi ninyo maaaring pakinggan ang mahahalay na pananalita at magkunwaring wala kayong naririnig. Hindi ninyo maaaring panoorin, mag-isa man o may kasama, ang malalaswang panoorin at magkunwaring hindi ninyo ito nakikita. Hindi ninyo maaaring hawakan ang isang maruming bagay at magkunwaring wala itong ibubungang masama. Hindi kayo maaaring magsawalang-kibo habang hinahangad ni Satanas na wasakin ang bagay na mabuti at dalisay. Sa halip, buong tapang na ipagtanggol ang alam ninyong totoo! Kapag nakikita ninyo o naririnig ang anumang labag sa mga pamantayan ng Panginoon, alalahanin kung sino kayo—isang kawal sa hukbo ng Diyos mismo, na binigyan ng kapangyarihan ng Kanyang banal na priesthood. Walang ibang mas magaling na sandata laban sa kalaban, ang ama ng kasinungalingan, maliban sa katotohanang mamumutawi sa inyong bibig kapag ginamit ninyo ang kapangyarihan ng priesthood. Igagalang kayo ng halos lahat ng kaibigan ninyo dahil sa inyong tapang at dangal. May ibang hindi aayon. Ngunit hindi iyon mahalaga. Makakamit mo ang paggalang at tiwala ng iyong Ama sa Langit dahil ginamit mo ang Kanyang kapangyarihan upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Tinatawagan ko ang bawat panguluhan ng korum ng Aaronic Priesthod na muling itaas ang bandila ng kalayaan at iorganisa at pamunuan ang inyong mga batalyon. Gamitin ang inyong kapangyarihan ng priesthood sa pag-anyaya sa mga nasa paligid ninyo na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapabinyag. Nasa inyo ang utos at kapangyarihan ng Ama sa Langit na gawin iyon.

Dalawang taon na ang nakalipas, habang nasa Santiago, Chile ako, labis akong humanga kay Daniel Olate, isang binatilyong madalas sumama sa mga misyonero. Hiniling ko na sumulat siya sa akin, at sa kanyang pahintulot, babasahin ko ang isang bahagi ng kanyang huling e-mail: “Kasasapit lang po ng aking ika-16 na kaarawan, at noong Linggo inorden ako sa tungkulin ng priest. Sa araw ding iyon bininyagan ko ang isang kaibigan; ang pangalan niya ay Carolina. Itinuro ko sa kanya ang ebanghelyo, at regular siyang nagsisimba at natanggap ang award sa Pansariling Pag-unlad, pero hindi siya pinayagan ng kanyang mga magulang na mabinyagan hangga’t hindi nila ako nakikilala at napagkakatiwalaan. Gusto niyang ako ang magbinyag sa kanya, kaya naghintay pa kami ng isang buwan hanggang noong Linggo, nang maging 16 na taong gulang ako. Napakasarap po ng pakiramdam na natulungan ko ang isang napakabuting tao na mabinyagan, at masaya ako dahil ako ang nagbinyag sa kanya.”

Si Daniel ay isa lamang sa maraming kabataang lalaki sa buong mundo na namumuhay nang marapat sa kapangyarihan ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanila. Ang isa pa ay si Luis Fernando, mula sa Honduras, na napansing nasa mapanganib na landas ang kanyang kaibigan at nagpatotoo siya sa kanyang kaibigan, at nailigtas ang buhay nito (tingnan sa “A Change of Heart,” lds.org/youth/video). Si Olavo ng Brazil ay isa pang halimbawa. Isang tunay na mangangaral sa kanyang tahanan (tingnan sa D at T 84:111), naging inspirasyon si Olavo sa kanyang ina para bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan (tingnan sa “Reunited by Faith,” lds.org/youth/video). Matatagpuan ninyo ang ilan sa mga kuwentong ito at marami pang tulad nito sa youth website ng Simbahan, youth.lds.org. Siyanga pala, ang Internet, social media, at iba pang teknolohiya ay mga kasangkapang ibinigay sa inyo ng Panginoon upang tulungan kayong magamit ang inyong mga tungkulin sa priesthood at mapalawak ang impluwensya ng katotohanan at kabutihang-asal.

Mahal naming mga kabataan, kapag ginagamit ninyo ang Aaronic Priesthood sa paraang nabanggit ko, inihahanda ninyo ang inyong sarili sa mga responsibilidad sa hinaharap. Ngunit ginagawa ninyo ngayon ang higit pa roon. Tulad ni Juan Bautista, na dakilang halimbawa ng mayhawak ng Aaronic Priesthood, inihahanda rin ninyo ang daan ng Panginoon at ginagawang tuwid ang Kanyang mga landas. Kapag buong tapang ninyong ipinapangaral ang ebanghelyo ng pagsisisi at pagbibinyag, tulad ng ginawa ni Juan, inihahanda ninyo ang mga tao para sa pagdating ng Panginoon (tingnan sa Mateo 3:3; D at T 65:1–3; 84:26–28). Madalas sabihin sa inyo ang tungkol sa inyong dakilang potensyal. Ngayon na ang panahon upang gamitin ang inyong potensyal, gamitin ang inyong mga kakayahan na ibinigay sa inyo ng Diyos para pagpalain ang iba, hanguin sila mula sa pagkatago tungo sa liwanag, at ihanda ang landas ng Panginoon.

Binigyan kayo ng Simbahan ng buklet na Tungkulin sa Diyos bilang sanggunian para matulungan kayong matutuhan at magampanan ang inyong mga tungkulin. Pag-aralan ito nang madalas. Lumuhod kayo, malayo sa teknolohiya, at hangarin ang gabay ng Panginoon. At pagkatapos ay bumangon at gamitin ang kapangyarihan ng Diyos. Ipinapangako ko na tatanggap kayo ng mga sagot mula sa Ama sa Langit kung paano iaayos ang inyong buhay at paano tutulong sa iba.

Babanggitin ko ang mga sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Huwag maliitin ang malawak na impluwensya ng inyong patotoo. … May kakayahan kayong mapansin ang hindi napapansin. Kapag may mga mata kayong nakakakita, taingang nakaririnig, at pusong nakadarama, masasagip ninyo ang iba pang kaedad ninyo” (“Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya,” Liahona, Mayo 2005, 115).

Pinatototohanan ko sa inyo na ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay. Nagkaroon ako ng patotoo sa paggamit ko mismo ng priesthood. Maraming himala akong nakita na isinagawa ng mga taong maytaglay ng kapangyarihan ng Aaronic Priesthood. Nasaksihan ko ang kapangyarihan ng paglilingkod ng mga anghel habang puspos ng Espiritung binibigkas ng matatapat na mayhawak ng Aaronic Priesthood ang mga salitang puno ng pag-asa, na nagbubukas sa puso ng taong nangangailangan ng liwanag at pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon, ating pinuno, at Tagapagligtas, amen.