Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay
Bakit nais ng Panginoon na manalangin tayo sa Kanya at humiling? Dahil sa ganyang paraan natatanggap ang paghahayag.
Sinumang tumayo sa pulpitong ito para maghatid ng isang mensahe ay nadarama ang lakas at suporta ng mga miyembro sa buong mundo. Nagpapasalamat ako na maaaring dumating ang suporta ring iyon mula sa isang pinakamamahal na asawang nasa kabilang buhay. Salamat, Jeanene.
Ipinararating ng Espiritu Santo ang mahahalagang impormasyong ating kailangan upang magabayan tayo sa ating buhay sa lupa. Kapag ito ay matining at malinaw at mahalaga, marapat itong tawaging paghahayag. Kapag ito ay sunud-sunod na mga pahiwatig na madalas mapasaatin para gabayan ang ating bawat hakbang tungo sa isang karapat-dapat na mithiin, para sa layunin ng mensaheng ito, ito ay inspirasyon.
Ang isang halimbawa ng paghahayag ay ang utos na natanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball matapos ang matagal at patuloy niyang pagsamo sa Panginoon hinggil sa pagbibigay ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaki sa Simbahan noong panahon na ilan lamang sa kanila ang mayhawak nito.
Ang isa pang halimbawa ng paghahayag ay ang patnubay na ito na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith: “Naniniwala ako na kumikilos tayo at nabubuhay sa piling ng mga sugo ng langit at mga makalangit na nilalang. Hindi tayo nakahiwalay sa kanila. … Napakalapit ng ating kaugnayan sa ating mga kamag-anak, sa ating mga ninuno … na nauna sa atin sa daigdig ng mga espiritu. Hindi natin sila malilimutan; hindi tayo tumitigil sa pagmamahal sa kanila; lagi silang malapit sa ating puso, sa ating alaala, at dahil dito tayo ay kasalamuha at kaisa nila sa hindi mapapatid na mga ugnayan. … Kung ganito ang kalagayan natin sa buhay na ito, na naliligiran ng ating mga mortal na kahinaan, … lalong dapat … paniwalaan na yaong mga naging tapat, na pumanaw na … ay mas nakikita tayo kaysa nakikita natin sila; na mas kilala nila tayo kaysa kilala natin sila. … Kasa-kasama natin sila, nakikita nila tayo, iniisip nila ang ating kapakanan, mahal nila tayo ngayon nang higit kailanman. Nakikita nila ngayon ang mga panganib na nakaamba sa atin; … ang pagmamahal nila sa atin at hangarin nila para sa ating mabuting kapakanan ay higit kaysa nadarama natin para sa ating sarili.”1
Mapapatatag ang ating mga kaugnayan sa kabilang buhay sa mga taong kilala at mahal natin. Nagagawa ito sa determinasyon nating patuloy na gawin ang tama. Mapapatatag natin ang ating kaugnayan sa pumanaw nating mahal sa buhay sa pag-unawa na pansamantala lamang ang paghihiwalay at ang mga tipang ginawa sa templo ay walang hanggan. Kapag laging sinusunod ang mga tipang iyon, tinitiyak niyon ang katuparan ng mga pangakong kaakibat ng mga ito sa kawalang-hanggan.
Isang napakalinaw na paghahayag ang nangyari sa buhay ko nang lubos na ipadama sa akin ng Espiritu na hilingin kay Jeanene Watkins na mabuklod siya sa akin sa templo.
Ang isa sa mga dakilang aral na kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin ay ang humiling. Bakit nais ng Panginoon na manalangin tayo sa Kanya at humiling? Dahil sa ganyang paraan natatanggap ang paghahayag.
Kapag may napakabigat akong problema, sa ganitong paraan ko sinisikap unawain kung ano ang gagawin. Nag-aayuno ako. Nagdarasal ako para mahanap at maunawaan ang mga banal na kasulatang makakatulong. Paulit-ulit lang ang proseso. Sinisimulan kong basahin ang isang talata ng banal na kasulatan; pinagninilayan ko ang kahulugan nito at nagdarasal ako para sa inspirasyon. Pagkatapos ay nagninilay ako at nagdarasal para malaman kung naunawaan ko ang lahat ng nais ipagawa sa akin ng Panginoon. Kadalasan mas maraming impresyong dumarating matapos madagdagan ang ating pag-unawa sa doktrina. Natuklasan ko na mabuting paraan iyan para matuto mula sa mga banal na kasulatan.
May ilang praktikal na tuntuning nagpapaganda sa paghahayag. Una, ang pagpapatangay sa damdamin tulad ng galit o pait o pagtatanggol sa sarili ay nagtataboy sa Espiritu Santo. Dapat iwaksi ang mga damdaming iyon, at kung hindi ay kakatiting lamang ang tsansa nating tumanggap ng paghahayag.
Ang isa pang tuntunin ay mag-ingat sa pagpapatawa. Ang malakas at di-angkop na pagtawa ay nagpapagalit sa Espiritu. Ang mabuting pagpapatawa ay nakakatulong sa paghahayag; ang malakas na pagtawa ay hindi. Ang pagpapatawa ay isang paraan ng pagtakas sa mga problema sa buhay.
Ang isa pang kaaway ng paghahayag ay nagmumula sa pagpapalabis o paglalakas sa sinasabi. Ang maingat at tahimik na pananalita ay mainam sa pagtanggap ng paghahayag.
Sa kabilang banda, ang espirituwal na pakikipag-ugnayan ay mapapaigi ng mabubuting kagawiang pangkalusugan. Ang ehersisyo, sapat na oras ng pagtulog, at mabubuting ugali sa pagkain ay nagdaragdag sa kakayahan nating matanggap at maunawaan ang paghahayag. Mabubuhay tayo sa haba ng panahong itinakda sa atin. Gayunman, mapagbubuti natin kapwa ang kalidad ng ating paglilingkod at ang ating kapakanan sa paggawa ng maingat at angkop na mga pagpapasiya.
Mahalagang hindi makagambala ang araw-araw nating mga gawain sa pakikinig natin sa Espiritu.
Maipaparaan din sa panaginip ang paghahayag kapag halos hindi mapansin kung tulog nga ba tayo o gising. Kung sisikapin ninyong itala ito kaagad, marami kayong maisusulat na detalye, ngunit kung hindi ay mabilis itong maglalaho. Ang inspiradong pakikipag-ugnayan sa gabi ay karaniwang may kahalong sagradong damdamin sa buong karanasan. Ginagamit ng Panginoon ang mga taong malaki ang respeto natin upang turuan tayo ng mga katotohanan sa panaginip dahil nagtitiwala tayo sa kanila at makikinig tayo sa kanilang payo. Ang Panginoon ang nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gayunman, maaaring sa panaginip ay magagawa Niya itong mas madaling maunawaan at mas malamang na maantig ang ating puso sa pagtuturo sa atin sa pamamagitan ng isang taong mahal at nirerespeto natin.
Kapag ito ay para sa mga layunin ng Panginoon, maipapaalala Niya sa atin ang lahat. Hindi iyan dapat magpahina sa determinasyon nating itala ang mga impresyong hatid ng Espiritu. Ang maingat na pagtatala ng inspirasyon ay nagpapakita sa Diyos na sagrado sa atin ang Kanyang mga pakikipag-ugnayan. Ang pagtatala ay magdaragdag din sa kakayahan nating maalala ang paghahayag. Hindi dapat tulutang mawala o mapakialaman ng iba ang gayong pagtatala ng patnubay ng Espiritu.
Mahusay na pinagtitibay ng mga banal na kasulatan na ang katotohanan, kapag palaging ipinamuhay, ay nagbibigay-daan sa inspirasyon na malaman kung ano ang gagawin at sa pagkakaroon ng personal na kakayahang pinag-ibayo ng banal na kapangyarihan, kung saan kailangan. Ipinapakita ng mga banal na kasulatan kung paano pinalalakas ng Panginoon ang kakayahan ng isang tao na madaig ang kahirapan, pag-aalinlangan, at tila napakalalaking hamon sa oras na kailangan ito. Habang pinagninilayan ninyo ang mga halimbawang iyon, may darating na tahimik na pagpapatunay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ang kanilang mga karanasan ay totoo. Malalaman ninyo na darating din sa inyo ang gayong tulong.
Nakakita na ako ng mga taong nahaharap sa mga hamon na nalaman kung ano ang gagawin noong hindi na nila kaya dahil nagtiwala sila sa Panginoon at batid nila na gagabayan Niya sila sa mga kalutasang kailangang-kailangan.
Sinabi ng Panginoon: “At kayo ay kailangang maturuan mula sa kaitaasan. Pabanalin ang inyong sarili at kayo ay pagkakalooban ng kapangyarihan, nang kayo ay makapagbigay maging gaya ng aking sinabi.”2 Ang mga salitang pabanalin ang inyong sarili ay maaaring nakalilito. Minsan ay ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee na maaari ninyong ipalit sa mga salitang iyon ang mga katagang, “sundin ang aking mga utos.” Kapag binasa sa gayong paraan, tila mas malinaw ang payo.3
Kailangang malinis ang kaisipan at katawan at dalisay ang hangarin ng isang tao para mabigyang-inspirasyon ng Panginoon. Ang taong masunurin sa Kanyang mga utos ay pinagkakatiwalaan ng Panginoon. Ang taong iyon ay tatanggap ng Kanyang inspirasyon na malaman kung ano ang gagawin at ng banal na kapangyarihang gawin iyon, kung kailangan.
Para lalong lumago at mapasainyo ang espirituwalidad kapag kailangan, dapat itong itanim sa mabuting kapaligiran. Ang pagmamataas, kapalaluan, at kayabangan ay tulad ng mabatong lupa na hindi magkakaroon ng espirituwal na bunga kailanman.
Ang kababaang-loob ay mayamang lupa kung saan lumalago ang espirituwalidad at nagbubunga ng inspirasyon para malaman kung ano ang gagawin. Ito ang daan patungo sa banal na kapangyarihan upang maisakatuparan ang kailangang gawin. Ang isang taong pinakikilos ng hangaring mapuri o makilala ay hindi karapat-dapat na maturuan ng Espiritu. Ang taong mayabang o hinahayaang maimpluwensyahan ng kanyang damdamin ang kanyang mga desisyon ay hindi maaakay ng Espiritu.
Kapag nagsisilbi tayong mga kasangkapan para sa kapakanan ng iba, mas madali tayong makatanggap ng inspirasyon kaysa kung sarili lang natin ang ating iniisip. Sa pagtulong sa iba, maaaring magdagdag ng mga tagubilin ang Panginoon para sa ating ikabubuti.
Hindi tayo inilagay ng ating Ama sa Langit sa lupa upang mabigo kundi upang maluwalhating magtagumpay. Tila kabalintunaan, ngunit ito ang dahilan kung bakit ang pagkilala sa mga sagot sa dalangin ay maaaring napakahirap kung minsan. Kung minsan walang ingat nating sinusubukang harapin ang buhay sa pamamagitan ng pagdepende sa sarili nating karanasan at kakayahan. Mas matalino ang hangarin natin sa pamamagitan ng panalangin at banal na inspirasyon na malaman kung ano ang gagawin. Ang ating pagsunod ay tumitiyak na kapag kailangan, maaari tayong maging marapat sa banal na kapangyarihang maisagawa ang isang inspiradong mithiin.
Tulad ng marami sa atin, hindi nakilala ni Oliver Cowdery ang katibayan ng mga sagot sa dalangin na ibinigay na ng Panginoon. Para mabuksan ang kanyang mata at ating mga mata, ibinigay ang paghahayag na ito sa pamamagitan ni Joseph Smith:
“Pinagpala ka dahil sa iyong ginawa; sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon.
“Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip; at ngayon ipinaaalam ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan.”4
Kung nadarama ninyo na hindi pa sinasagot ng Diyos ang inyong mga dalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatang ito—pagkatapos ay maghanap na mabuti ng katibayan sa sarili ninyong buhay na maaaring nasagot na Niya kayo.
Ang dalawang palatandaan na ang isang damdamin o pahiwatig ay nagmumula sa Diyos ay na nagdudulot ito ng kapayapaan sa inyong puso at ng payapa at mainit na pakiramdam. Sa pagsunod ninyo sa mga alituntuning tinalakay ko, magiging handa kayong matukoy ang paghahayag sa mahahalagang panahon ng inyong buhay.
Kapag higit ninyong sinunod ang banal na patnubay, higit kayong liligaya rito at sa kawalang-hanggan—bukod pa rito, lalo kayong uunlad at magkakaroon ng kakayahang maglingkod. Hindi ko lubos na nauunawaan kung paano ito nagagawa, ngunit hindi inaalis ng patnubay na iyan sa inyong buhay ang inyong kalayaang pumili. Maipapasiya ninyo ang gusto ninyong ipasiya. Ngunit tandaan, ang disposisyong gawin ang tama ay naghahatid ng kapayapaan ng isipan at ng kaligayahan.
Kung magkamali kayo sa inyong mga pasiya, maaaring itama ang mga ito sa pamamagitan ng pagsisisi. Kapag natugunan nang lubusan ang mga kundisyon nito, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, ang nagpapalaya mula sa mga hinihingi ng katarungan para sa mga maling nagawa. Napakasimple nito at walang katulad sa ganda. Kapag patuloy kayong namuhay nang matwid, lagi ninyong mahihiwatigan kung ano ang dapat gawin. Kung minsan ang pagkatuklas sa gagawing hakbang ay maaaring mangailangan ng matinding pagsisikap at pagtitiwala sa inyong panig. Subalit ipapahiwatig sa inyo kung ano ang gagawin kapag tinugunan ninyo ang mga kundisyon para matamo ang banal na patnubay na iyon sa inyong buhay, tulad ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon, pagtitiwala sa Kanyang banal na plano ng kaligayahan, at pag-iwas sa anumang bagay na salungat dito.
Ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit ay isang bagay na mahalaga. Ito ay sagradong pribilehiyo. Ito ay batay sa mga walang-hanggang alituntuning hindi nagbabago. Tumatanggap tayo ng tulong mula sa ating Ama sa Langit bilang tugon sa ating pananampalataya, pagsunod, at wastong paggamit ng kalayaan.
Nawa’y bigyan kayo ng inspirasyon ng Panginoon na maunawaan at gamitin ang mga alituntuning humahantong sa personal na paghahayag at inspirasyon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.