2010–2019
Ang Takbo ng Buhay
Abril 2012


19:44

Ang Takbo ng Buhay

Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? Saan tayo pupunta pagkamatay natin? Hindi na mananatiling walang sagot ang mga tanong na ito ng sansinukob.

Mahal kong mga kapatid, sa umagang ito nais kong magsalita sa inyo tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan—mga katotohanang magpapabuti ng ating buhay at gagabay sa atin sa ligtas na pagbalik sa ating Ama sa Langit.

Saanmang lugar ay nagmamadali ang mga tao. Mabilis na inililipad ng mga eroplano ang mahahalagang taong sakay nito patawid sa malalawak na kontinente at malalaking karagatan para makadalo sa mga miting na ukol sa negosyo, makatugon sa mga obligasyon, makapagbakasyon, o makabisita sa mga kapamilya. Ang mga kalsada sa lahat ng dako—pati na mga freeway, thruway, at motorway—ay dinaraanan ng milyun-milyong sasakyan, sakay ang milyun-milyong katao, na tila walang-tigil sa pagdaloy at para sa iba’t ibang kadahilanan habang minamadali natin ang mga gawain sa bawat araw.

Sa napakabilis na takbo ng buhay na ito, tumitigil ba tayo sandali para magnilay—para mag-isip kahit tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan?

Kumpara sa mga walang-hanggang katotohanan, karamihan sa mga tanong natin sa buhay araw-araw ay talagang walang halaga. Ano ang kakainin natin? Anong kulay ang ipipintura natin sa salas? Isasali ba natin si Johnny sa soccer? Ang mga tanong na ito at napakarami pang ibang katulad nito ay nawawalan ng halaga sa oras ng krisis, kapag nasaktan o nasugatan ang mga mahal sa buhay, kapag may nagkasakit, kapag nagkasakit nang malubha at malapit nang mamatay ang isang tao. Lumilinaw ang ating isipan, at madali nating natutukoy kung ano ang talagang mahalaga at ano ang walang halaga.

Nakausap ko kamakailan ang isang babaeng mahigit dalawang taon nang nakikibaka sa isang sakit na nakamamatay. Sinabi niya na bago siya nagkasakit, marami siyang ginagawa araw-araw tulad ng paglilinis nang husto ng bahay at pagpupuno nito ng magaganda at mamahaling kasangkapan. Pumupunta siya nang dalawang beses sa isang linggo sa parlor at gumugugol ng pera at oras bawat buwan sa kabibili ng damit. Bihira niyang imbitahang bumisita ang kanyang mga apo, dahil lagi siyang nag-aalala na baka mabasag o masira ng munti at walang-ingat nilang mga kamay ang mamahalin niyang mga ari-arian.

Pagkatapos ay nakatanggap siya ng nakakagulat na balita na nanganganib ang kanyang buhay at baka hindi na siya magtagal. Sinabi niya na nang marinig niya ang resulta ng pagsusuri ng doktor, alam niya kaagad na iuukol niya ang nalalabi niyang panahon sa kanyang pamilya at mga kaibigan at itutuon ang kanyang buhay sa ebanghelyo, dahil ang mga ito ang pinakamahalaga sa kanya.

Ang gayong mga oras ng kaliwanagan ay dumarating sa ating lahat anumang oras, bagama’t hindi laging ganito katindi ang sitwasyon. Malinaw nating nakikita ang pinakamahalaga sa ating buhay at kung paano tayo dapat mamuhay.

Sabi ng Tagapagligtas:

“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang mga tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”1

Sa mga oras ng ating pinakamalalim na pagmumuni-muni o pinakamabigat na pangangailangan, humihingi ng tulong sa langit ang kaluluwa ng tao, sa paghahanap ng sagot sa mahihirap na tanong ng buhay: Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? Saan tayo pupunta pagkamatay natin?

Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay hindi natutuklasan sa mga aklat sa paaralan o sa pagtingin sa Internet. Ang mga tanong na ito ay hindi lamang sa mortalidad na ito. Sakop nito ang kawalang-hanggan.

Saan tayo nanggaling? Hindi maiiwasang maisip ang tanong na ito, kung hindi man masabi, ng bawat tao.

Sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Athens sa Mars’ Hill na “tayo nga’y [anak] ng Dios.”2 Dahil alam natin na ang ating katawan ay nagmula sa ating mortal na mga magulang, dapat nating saliksikin ang kahulugan ng pahayag ni Pablo. Ipinahayag ng Panginoon na “ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao.”3 Kung gayon ang espiritu ang anak ng Diyos. Tinukoy Siya ng manunulat ng Sa mga Hebreo bilang “Ama ng mga espiritu.”4 Ang mga espiritu ng lahat ng tao ay literal na Kanyang “mga isinilang na anak na lalaki at babae.”5

Napapansin natin na sumusulat ang mga inspiradong makata, para mapag-isipan natin ang paksang ito, ng mga nakaaantig na mensahe at pambihirang kaisipan. Isinulat ni William Wordsworth ang katotohanang:

Ang ating pagsilang ay pagtulog at pagkalimot:

Ang kaluluwa natin ay parang Bituin,

Umiral na bago pa tayo isinilang,

At malayo ang pinagmulan:

Hindi ganap na nalimutan,

Kundi lubos na napaghandaan,

Lahat tayo’y isinilang na may kabanalan

Mula sa Diyos, na siyang ating tahanan:

Bilang sanggol tayo’y malapit sa kalangitan!6

Pinagninilayan ng mga magulang ang kanilang responsibilidad na magturo, magbigay ng inspirasyon, patnubay, gabay, at mabuting halimbawa. At habang nagninilay ang mga magulang, nagtatanong ang mga bata—lalo na ang mga kabataan—ng isang napakahalagang tanong, bakit tayo narito? Karaniwan, tahimik itong sinasabi sa kaluluwa nang ganito, bakit ako narito?

Dapat tayong magpasalamat nang husto sa matalinong Lumikhang lumalang ng isang mundo at inilagay tayo rito, na may lambong ng pagkalimot tungkol sa ating pinagmulan para subukan tayo, isang pagkakataong patunayan ang ating sarili upang maging karapat-dapat sa lahat ng inihanda ng Diyos na matanggap natin.

Malinaw na ang isang pangunahing layunin ng pagparito natin sa lupa ay ang magkaroon ng katawang may laman at mga buto. Binigyan din tayo ng kaloob na kalayaan. Sa napakaraming paraan may pribilehiyo tayong magpasiya para sa ating sarili. Dito tayo natututo mula sa mahihirap na karanasan. Nahihiwatigan natin ang mabuti at masama. Alam natin ang pagkakaiba ng mapait sa matamis. Alam natin na may mga bunga ang ating mga ginagawa.

Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, maaari tayong maging karapat-dapat sa “bahay” na binanggit ni Jesus nang sabihin Niyang: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. … ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan … upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.”7

Bagama’t tayo ay “isinilang na may kabanalan,” sa mortalidad, walang humpay na sumusulong ang buhay. Nagiging tinedyer ang bata, at hindi napapansin ang kanyang pagtanda. Mula sa ating karanasan natutuhan nating humingi ng tulong sa langit habang patuloy tayong naglalakbay sa landas ng buhay na ito.

Minarkahan ng ating Diyos Ama at ni Jesucristo, na ating Panginoon, ang landas tungo sa kasakdalan. Tinatawag Nila tayo na sundin ang mga walang-hanggang katotohanan at maging sakdal, na tulad Nila na sakdal.8

Inihalintulad ni Apostol Pablo ang buhay sa isang karera ng takbuhan. Hinimok niya ang mga Hebreo, “Itabi … ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.”9

Sa ating pagsusumigasig, huwag nating kaligtaan ang mahusay na payo sa Eclesiastes: “Ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas.”10 Ang totoo, ang gantimpala ay sa kanya na nagtitiis hanggang wakas.

Kapag pinag-iisipan ko ang takbo ng buhay, naaalala ko ang isa pang uri ng pagtakbo, maging noong bata pa ako. Kumukuha kami ng laseta ng mga kaibigan ko at, mula sa malambot na kahoy ng isang punong willow, gumagawa kami ng maliliit na bangka-bangkaan. Kapag nalagyan na ng tatsulok na layag ang bangka-bangkaan, ipupuwesto na ng bawat isa ang kanyang bangka-bangkaan para magkarera sa maalong Provo River ng Utah. Tumatakbo kami sa tabi ng ilog at nakamasid sa maliliit na bangkang kung minsan ay lulubog-lilitaw sa mabilis na alon at kung minsan ay payapang naglalayag habang palalim ang tubig.

Sa isang partikular na karera ng mga bangka-bangkaan napansin namin na may isang bangkang nangunguna sa lahat papunta sa finish line. Bigla itong tinangay ng alon nang napakalapit sa malaking uliuli, at tumagilid ang bangka at tumaob. Natangay ito nang paikut-ikot, at hindi makabalik sa daloy ng agos. Sa wakas tumigil din ito sa gitna ng mga labi ng mga sirang barko at kargamento na pumaligid dito, at sumabit sa berdeng mga lumot.

Ang mga bangka-bangkaan noong kabataan ko ay walang katig na pampatatag, walang timon na magbibigay ng direksyon, at walang makinarya. Hindi maiwasang ang kanilang destinasyon ay pababa—ang landas na hindi na malalabanan.

Hindi katulad ng mga bangka-bangkaan, binigyan tayo ng mga banal na katangian upang gabayan tayo sa ating paglalakbay. Naparito tayo sa mortal na buhay na ito hindi para magpatangay sa agos ng buhay kundi nang may kakayahang mag-isip, magpasiya, at magtagumpay.

Hindi tayo pinapunta rito ng ating Ama sa Langit sa ating walang-hanggang paglalakbay nang hindi naglalaan ng paraan upang matanggap natin mula sa Kanya ang patnubay na titiyak sa ating ligtas na pagbalik. Ang tinutukoy ko ay ang panalangin. Tinutukoy ko rin ang mga bulong ng marahan at banayad na tinig; at hindi ko kinaliligtaan ang mga banal na kasulatan, na naglalaman ng salita ng Panginoon at mga salita ng mga propeta—na ibinigay sa atin upang tulungan tayong matagumpay na marating ang finish line.

Sa ilang panahon sa ating mortalidad, nakadarama tayo ng pag-aalinlangan, pananamlay ng ngiti, pasakit ng karamdaman—pati na ang pagwawakas ng kabataan, pagputi ng buhok, pagtanda, at kamatayan.

Lahat ng taong mapag-isip ay naitanong na sa kanyang sarili ang sinabi ni Job noong araw: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?”11 Subukan man nating iwaksi ang tanong na iyan sa ating isipan, lagi itong bumabalik. Dumarating sa lahat ng tao ang kamatayan. Dumarating ito sa matatanda kapag mabagal na silang lumakad. Ang pagtawag nito ay naririnig ng mga taong halos hindi nakarating sa katanghalian ng buhay. At madalas ay pinatatahimik nito ang halakhak ng mga batang musmos.

Ngunit may buhay ba pagkatapos ng kamatayan? Kamatayan ba ang wakas ng lahat? Tinuligsa ni Robert Blatchford, sa kanyang aklat na God and My Neighbor, ang mga paniniwala ng mga Kristiyano tungkol sa Diyos, kay Cristo, sa panalangin, at lalo na sa imortalidad. Buong tapang niyang ipinahayag na ang kamatayan ang katapusan ng ating pag-iral at walang sinumang makapagpapatunay na may buhay pa pagkatapos ng kamatayan. Pagkatapos may nangyaring nakakagulat. Biglang gumuho ang kawalang-paniniwala niya. Naiwan siyang nag-iisa at walang kalaban-laban. Unti-unti siyang bumalik sa pananampalataya na kanyang tinuligsa at tinalikuran. Ano ang nagpabago nang malaki sa kanyang pananaw? Namatay ang kanyang asawa. Naghihinagpis na nagtungo siya sa silid kung saan nakahimlay ang mortal na katawan nito. Minasdan niyang muli ang mukha ng kanyang pinakamamahal. Sa kanyang paglabas sa silid, sinabi niya sa isang kaibigan: “Siya iyon, pero parang hindi. Parang nabago ang lahat. Isang bagay na naroon ang kinuha sa kanya. Hindi na siya ang dati. Ano ang nawala kung hindi ang kaluluwa?”

Kalaunan ay isinulat niya: “Ang kamatayan ay hindi ang iniisip ng ilang tao. Ito ay parang pagpasok lang sa isa pang silid. Sa silid na iyan makikita natin … ang mahal nating kababaihan at kalalakihan at magigiliw na bata na minahal natin at pumanaw.”12

Mga kapatid ko, alam natin na hindi kamatayan ang wakas. Ang katotohanang ito ay itinuro ng mga buhay na propeta sa lahat ng panahon. Makikita rin ito sa ating mga banal na kasulatan. Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang partikular at nakapapanatag na mga salitang ito:

“Ngayon, hinggil sa kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli—Masdan, ipinaalam sa akin ng isang anghel, na ang espiritu ng lahat ng tao matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, oo, ang espiritu ng lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.

“At sa gayon ito ay mangyayari na ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan.”13

Matapos ipako sa krus ang Tagapagligtas at ang Kanyang katawan ay mahimlay sa libingan nang tatlong araw, muling pumasok ang espiritu. Iginulong ang bato ng libingan, at lumabas ang Manunubos, na nabibihisan ng imortal na katawang may laman at mga buto.

Nasagot ang tanong ni Job, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” nang pumunta si Maria at ang iba pa sa libingan at nakita ang dalawang lalaking nakasuot ng makinang na damit na nangusap sa kanila: “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.”14

Dahil nadaig ni Cristo ang kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Ito ang katubusan ng kaluluwa. Isinulat ni Pablo: “Mayroon[g] … mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa.”15

Selestiyal na kaluwalhatian ang hangad natin. Sa piling ng Diyos natin nais manirahan. Nais nating mapabilang sa pamilyang walang hanggan. Ang mga pagpapalang iyan ay makakamtan sa pamamagitan ng habambuhay na pagsisikap, pagsusumigasig, pagsisisi, at sa huli ay pagtatagumpay.

Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? Saan tayo pupunta pagkamatay natin? Hindi na mananatiling walang sagot ang mga tanong na ito ng sansinukob. Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa at may lubos na pagpapakumbaba, pinatototohanan ko na totoo ang mga sinabi ko.

Nagagalak ang ating Ama sa Langit sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos. Nag-aalala Siya sa batang nawawala, sa makupad na tinedyer, sa naliligaw na kabataan, sa iresponsableng magulang. Magiliw na nangusap ang Panginoon sa kanila, at maging sa lahat: “Magsibalik kayo. Magsilapit kayo. Magsipasok kayo. Magsiuwi kayo. Magsi[lapit] sa akin.”

Sa isang linggo ay ipagdiriwang natin ang Paskua. Matutuon ang ating isipan sa buhay ng Tagapagligtas, sa Kanyang kamatayan at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Bilang Kanyang natatanging saksi, pinatototohanan ko sa inyo na buhay Siya, at hinihintay Niya ang matagumpay nating pagbalik. Nawa’y matagumpay tayong makabalik, ang mapakumbaba kong panalangin sa Kanyang banal na pangalan—maging si Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, amen.