Ano ang Iniisip ni Cristo Tungkol sa Akin?
Kapag Siya ay inyong minahal, pinagtiwalaan, pinaniwalaan, at sinunod, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon.
Pinag-aralan ng isang reporter ng isang nangungunang magasing Brazilian ang Simbahan sa paghahanda para sa isang malaking balita.1 Sinuri niya ang ating doktrina at binisita ang missionary training center at humanitarian center. Kinausap niya ang mga kaibigan ng Simbahan at ang ibang hindi gaanong palakaibigan. Sa interbyu niya sa akin, tila talagang nagtataka ang reporter at itinanong niya, “Paano naaatim ng isang tao na hindi kayo ituring na Kristiyano?” Alam ko na ang Simbahan ang tinutukoy niya, pero kahit paano ay pinersonal ko ang tanong, at itinanong ko sa sarili, “Nababanaag ba sa buhay ko ang pagmamahal at katapatan ko sa Tagapagligtas?”
Itinanong ni Jesus sa mga Fariseo, “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo?”2 Sa bandang huli, hindi mga kaibigan o kaaway ang hahatol sa ating personal na pagkadisipulo. Bagkus, tulad ng sabi ni Pablo, “Tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman [ni Cristo].”3 Sa araw na iyon ang mahalagang itanong ng bawat isa sa atin ay, “Ano ang iniisip ni Cristo tungkol sa akin?”
Maging sa pagmamahal Niya sa buong sangkatauhan, pasumbat na tinukoy ni Jesus ang ilang nakapaligid sa Kanya na mga mapagpaimbabaw,4 mangmang,5 at manggagawa ng [kasamaan].6 Tinawag Niya ang iba na mga anak ng kaharian7 at ilaw ng sanglibutan.8 Pagalit Niyang tinukoy ang ilan na binulag9 at walang bunga.10 Pinuri Niya ang iba na malinis ang puso11 at uhaw sa katuwiran.12 Nalungkot Siya na may ilang walang pananampalataya13 at [makamundo],14 ngunit ang iba ay itinuring Niyang hinirang,15 mga alagad,16 mga kaibigan.17 Kaya nga itinatanong natin, “Ano ang iniisip ni Cristo tungkol sa akin?”
Inilarawan ni Pangulong Thomas S. Monson ang ating panahon na lumalayo “sa bagay na espirituwal … [sa] pagbabago ng daigdig sa ating paligid at nakikita natin ang [patuloy na] paghina ng moralidad ng lipunan.”18 Panahon ito ng lumalagong kawalan ng paniniwala at pagbabalewala kay Cristo at sa Kanyang mga turo.
Sa magulong kapaligirang ito, nagagalak tayong maging mga disipulo ni Jesucristo. Nakikita natin ang kamay ng Panginoon sa buong paligid natin. Maayos na nakahanda ang ating destinasyon sa ating harapan. “Ito ang buhay na walang hanggan,” pagdarasal ni Jesus, “na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”19 Ang maging disipulo sa mga panahong ito ay magiging isang karangalan sa buong kawalang-hanggan.
Ang mga mensaheng narinig natin sa kumperensyang ito ay mga tandang gabay mula sa Panginoon sa paglalakbay natin sa pagkadisipulo. Sa pakikinig natin nitong nakaraang dalawang araw, na nagdarasal para sa espirituwal na patnubay, at kapag pinag-aralan at ipinagdasal natin ang mga mensaheng ito sa susunod na mga araw, personal tayong papatnubayan ng Panginoon sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Lalo tayong ibinabaling sa Diyos ng mga damdaming ito, na nagsisisi, sumusunod, naniniwala, at nagtitiwala. Tumutugon ang Tagapagligtas sa mga pagpapakita natin ng pananampalataya. “Kung ang [isang lalaki o babae] ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya’y iibigin ng aking Ama, at kami’y pasasa ka niya, at siya’y gagawin naming aming tahanan.”20
Ang panawagan ni Jesus na “Pumarito ka, sumunod ka sa akin”21 ay hindi lamang para sa mga handang lumahok sa espirituwal na Olympics. Katunayan, ang pagkadisipulo ay hindi isang paligsahan kundi isang paanyaya sa lahat. Ang paglalakbay natin sa pagkadisipulo ay hindi isang maikling pagtakbo paikot, ni hindi ito lubos na maikukumpara sa isang mahabang marathon. Sa katunayan, habambuhay na paglalakbay ito patungo sa mas selestiyal na mundo.
Ang kanyang paanyaya ay panawagan sa pang-araw-araw na tungkulin. Sabi ni Jesus: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”22 “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”23 Maaaring hindi tayo napakabait sa araw-araw, ngunit kung nagsisikap tayo, ang paanyaya ni Jesus ay puno ng panghihikayat at pag-asa: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”24
Saanman kayo naroon ngayon sa landas ng pagkadisipulo, kayo ay nasa tamang landas, ang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Mapasisigla at mapalalakas natin ang isa’t isa nang sama-sama sa dakila at mahahalagang araw na darating. Anumang mga paghihirap ang dinaranas natin, mga kahinaang pumipigil sa atin, o mga imposibleng bagay na nakapaligid sa atin, sumampalataya tayo sa Anak ng Diyos, na nagpahayag, “Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.”25
Ibabahagi ko sa inyo ang dalawang halimbawa ng pagkadisipulo. Ang una ay nagmula sa buhay ni Pangulong Thomas S. Monson, na nagpapamalas ng kapangyarihan ng simpleng kabaitan at turo ni Jesus, “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.”26
Halos 20 taon na ang nakararaan, nagsalita si Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa isang 12-anyos na dalagitang may kanser. Ikinuwento niya ang katapangan nito at ang kabaitan ng kanyang mga kaibigan na nagbuhat sa kanya paakyat ng Mount Timpanogos sa central Utah.
Ilang taon pa lang ang nakararaan nakilala ko si Jami Palmer Brinton at narinig ko ang kuwento mula sa ibang pananaw—ang pananaw na epekto ng nagawa ni Pangulong Monson para sa kanya.
Nakilala ni Jami si Pangulong Monson noong Marso 1993, isang araw matapos siyang sabihan na ang bukol niya sa kanang tuhod ay kanser sa buto na mabilis lumaki. Sa tulong ng kanyang ama, binigyan siya ni Pangulong Monson ng basbas ng priesthood, na nangangakong, “Si Jesus ay pasasa iyong kanan at sa iyong kaliwa upang pasiglahin ka.”
“Nang lisanin ko ang kanyang opisina noong araw na iyon,” sabi ni Jami, “kinalas ko ang isang lobo sa pagkakatali sa wheelchair ko at ibinigay iyon sa kanya. ‘Napakagaling Ninyo!’ ang nakasulat doon sa makikinang na letra.”
Sa kanyang mga chemotherapy at operasyon sa tuhod, hindi siya kinalimutan ni Pangulong Monson. Sabi ni Jami, “Si Pangulong Monson ay halimbawa ng kahulugan ng tunay na disipulo ni Cristo. Pinasigla [niya] ako at binigyan ng malaki at matibay na pag-asa.” Tatlong taon matapos ang una nilang pagkikita, muling naupo si Jami sa opisina ni Pangulong Monson. Pagkatapos nilang mag-usap, may ginawa ito na hinding-hindi malilimutan ni Jami. Sa likas na pagiging maalalahanin ni Pangulong Monson, sinorpresa siya nito ng mismong lobo na ibinigay niya rito tatlong taon na ang nakararaan. “Napakagaling Ninyo!” ang nakapahayag sa lobo. Itinago niya ito, batid na babalik siya sa opisina nito kapag nagamot ang kanyang kanser. Labing-apat na taon matapos ang una nilang pagkikita ni Jami, ikinasal ni Pangulong Monson si Jami kay Jason Brinton sa Salt Lake Temple.27
Marami tayong matututuhan sa pagkadisipulo ni Pangulong Monson. Madalas niyang ipaalala sa mga General Authority na tandaan ang simpleng tanong na ito: “Ano ang gagawin ni Jesus?”
Sinabi ni Jesus sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”28 Ang pagkadisipulo ay paniniwala sa Kanya sa mga panahon ng kapayapaan at sa mga panahon ng kahirapan, sa panahong ang ating pasakit at takot ay pinapayapa lamang ng paniniwala na mahal Niya tayo at tinutupad ang Kanyang mga pangako.
Kamakailan ay nakilala ko ang isang pamilya na isang magandang halimbawa ng kung paano tayo naniniwala sa Kanya. Ibinahagi sa akin nina Olgan at Soline Saintelus, taga-Port-au-Prince, Haiti, ang kuwento nila.
Noong Enero 12, 2010, nasa trabaho si Olgan at nasa simbahan si Soline nang dumating ang mapanirang lindol sa Haiti. Ang tatlo nilang anak—sina Gancci, limang taon, Angie, tatlong taon, at Gansly, isang taon—ay nasa apartment nila kasama ang isang kaibigan.
Malaki ang kapinsalaan sa lahat ng dako. Kung matatandaan ninyo, libu-libo ang namatay noong Enerong iyon sa Haiti. Dali-daling pinuntahan nina Olgan at Soline ang kanilang apartment para hanapin ang mga bata. Gumuho ang tatlong-palapag na apartment na tinitirhan ng pamilya Saintelus.
Hindi nakalabas ang mga bata. Walang isasagawang rescue operation sa isang gusaling nawasak nang lubusan.
Kapwa nagmisyon nang full-time sina Olgan at Soline Saintelus at ikinasal sa templo. Naniwala sila sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga pangako sa kanila. Subalit labis silang nagdalamhati. Umiyak sila nang umiyak.
Sabi ni Olgan sa akin, sa pinakamalungkot niyang sandali ay sinimulan niyang magdasal. “Ama sa Langit, kung kalooban ninyo, kung may kahit isang anak man lang akong buhay, pakiusap po, tulungan ninyo kami.” Paulit-ulit niyang nilibot ang gusali, na nagdarasal para sa inspirasyon. Sinikap siyang panatagin ng mga kapitbahay at tinulungan siyang tanggapin ang pagkawala ng kanyang mga anak. Patuloy na nilibot ni Olgan ang mga labi ng gumuhong gusali, umaasa, nagdarasal. Pagkatapos ay may nangyaring himala. Narinig ni Olgan ang halos hindi marinig na iyak ng sanggol. Iyak iyon ng kanyang sanggol na anak.
Ilang oras na nagkumahog ang mga kapitbahay sa paggalugad sa mga labi, kahit manganib ang sarili nilang buhay. Sa dilim ng gabi, sa pamamagitan ng malalakas na ingay ng martilyo at pait, nakarinig ng isa pang ingay ang mga sumasagip. Tumigil sila sa pagpukpok at nakinig. Hindi sila makapaniwala sa kanilang naririnig. Ingay iyon ng isang batang musmos—at kumakanta siya. Sinabi kalaunan ng limang-taong-gulang na si Gancci na alam niyang maririnig siya ng kanyang ama kung kakanta siya. Sa ilalim ng bigat ng nakadudurog na semento na naging sanhi kalaunan ng pagkaputol ng kanyang braso, kinanta ni Gancci ang paborito niyang awiting, “Ako ay Anak ng Diyos.”29
Sa paglipas ng mga oras sa gitna ng dilim, kamatayan, at kawalang-pag-asa ng napakaraming iba pang minamahal na mga anak ng Diyos sa Haiti, nagkaroon ng himala ang pamilya Saintelus. Sina Gancci, Angie, at Gansly ay natagpuang buhay sa ilalim ng gumuhong gusali.30
Ang mga himala ay hindi laging nangyayari kaagad-agad. Kung minsan iniisip natin kung bakit ang himalang ipinagdarasal natin ay hindi nangyayari dito ngayon mismo. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Tagapagligtas, mangyayari ang mga himala. Sa buhay mang ito o sa kabila, lahat ay itatama. Ipinahayag ng Tagapagligtas: “Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”31 “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”32
Pinatototohanan ko na kapag Siya ay inyong minahal, pinagtiwalaan, pinaniwalaan, at sinunod, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon. Kapag nagtanong kayo, “Ano ang iniisip ni Cristo tungkol sa akin?” malalaman ninyo na kayo ay Kanyang disipulo; kayo ay Kanyang kaibigan. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, gagawin Niya para sa inyo ang hindi ninyo magagawa para sa inyong sarili.
Sabik nating hinihintay ang pangwakas na mensahe ng ating pinakamamahal na propeta. Si Pangulong Thomas S. Monson ay inorden bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo noong ako ay 12 taong gulang. Mahigit 48 taon na niya kaming pinagpapalang marinig siyang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Pinatototohanan ko na siya ngayon ang senior na Apostol ng Tagapagligtas sa ibabaw ng lupa.
Taglay ang malaking pagmamahal at paghanga sa maraming disipulo ni Jesucristo na hindi miyembro ng Simbahang ito, mapagpakumbaba naming ipinapahayag na nakabalik na sa lupa ang mga anghel sa ating panahon. Ang Simbahan ni Jesucristo ayon sa pagkatatag Niya rito noong araw ay naipanumbalik na, na may kapangyarihan, mga ordenansa, at mga pagpapala ng langit. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Siya ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan at nagbangon sa ikatlong araw. Siya ay nabuhay na mag-uli. Sa hinaharap, bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magpapahayag na Siya ang Cristo.33 Sa araw na iyon, ang problema natin ay hindi, “Itinuturing ba akong Kristiyano ng iba?” Sa oras na iyon, mapapako ang ating mga mata sa Kanya, at matutuon ang ating kaluluwa sa tanong na, “Ano ang iniisip ni Cristo tungkol sa akin?” Siya ay buhay. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.