2010–2019
Pagsang-ayon sa mga Propeta
Oktubre 2014


15:20

Pagsang-ayon sa mga Propeta

Ang pagsang-ayon natin sa mga propeta ay isang personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang ipinag-uutos.

Pangulong Eyring, salamat sa inyong mensahe na nagturo at nagbigay-inspirasyon sa amin. Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong pananampalataya at katapatan. Kahapon, inanyayahan tayong lahat na sang-ayunan si Thomas S. Monson bilang propeta ng Panginoon at Pangulo ng Simbahan ng Panginoon. At madalas nating awitin ang, “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.” Nauunawaan ba natin ang ibig sabihin nito? Isipin ang pribilehiyong ibinigay ng Panginoon sa atin na sang-ayunan ang Kanyang propeta, na ang payo ay magiging dalisay, malinis, walang anumang pansariling hangarin, at lubos na totoo!

Paano natin talaga sinasang-ayunan ang isang propeta? Bago pa man siya naging Pangulo ng Simbahan, ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith,“Isang mahalagang tungkulin para sa mga Banal na … sang-ayunan ang mga awtoridad ng Simbahan, at gawin ito hindi lamang sa pagtataas ng kamay, kundi sa gawa at sa katotohanan.”

Tandang-tanda ko pa ang aking kakaibang “gawa” na sang-ayunan ang propeta. Bilang doktor at cardiac surgeon, naging responsibilidad kong operahan sa puso si Pangulong Spencer W. Kimball noong 1972, nang siya ang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kinailangan niya ang isang napakakumplikadong operasyon. Ngunit wala akong karanasan sa gayong operasyon sa puso sa isang 77-taong-gulang na pasyente. Hindi ako ang nagmungkahi ng operasyon at ipinaalam ko iyon kay Pangulong Kimball at sa Unang Panguluhan. Gayunman, may pananalig na ipinasiya ni Pangulong Kimball na magpaopera, dahil lamang sa ipinayo ito ng Unang Panguluhan. Ipinakita niyon kung gaano niya sinang-ayunan ang kanyang mga pinuno! At kinabahan ako sa desisyon niyang iyon!

Salamat sa Panginoon at tagumpay ang operasyon. Nang muling tumibok ang puso ni Pangulong Kimball, napakalakas niyon! Sa sandaling iyon mismo, malinaw na pinagtibay sa akin ng Espiritu na ang lalaking ito ay magiging Pangulo ng Simbahan balang-araw!

Alam na ninyo ang nangyari pagkatapos. Makalipas lamang ang 20 buwan, naging Pangulo ng Simbahan si Pangulong Kimball. At nagpakita siya ng tapang at lakas ng loob sa pamumuno nang maraming taon.

Mula noon sinang-ayunan na natin sina Pangulong Ezra Taft Benson, Howard W. Hunter, Gordon B. Hinckley, at ngayon ay si Thomas S. Monson bilang mga Pangulo ng Simbahan—mga propeta sa tunay na kahulugan ng salita!

Mahal kong mga kapatid, kung may isa mang bagay na nagawa ang Panunumbalik, iyon ay ang pabulaanan ang matagal nang paniniwala na tumigil nang mangusap ang Diyos sa Kanyang mga anak. Napakalayo nito sa katotohanan. Isang propeta ang namumuno sa Simbahan ng Diyos sa lahat ng dispensasyon, simula kay Adan hanggang sa kasalukuyang panahon. Pinatototohanan ng mga propeta si Jesucristo—ang Kanyang kabanalan at ang Kanyang misyon at ministeryo sa lupa. Iginagalang natin si Propetang Joseph Smith bilang propeta ng huling dispensasyong ito. At iginagalang natin ang bawat taong humalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan.

Kapag sinasang-ayunan natin ang mga propeta at iba pang mga pinuno, hinihiling natin ang pagsang-ayon ng lahat, dahil sinabi ng Panginoon, “Hindi ibibigay sa sinuman na humayo upang mangaral ng aking ebanghelyo, o magtatag ng aking simbahan, maliban na siya ay inordenan ng isang may karapatan, at alam sa simbahan na siya ay may karapatan at maayos na inordenan ng mga pinuno ng simbahan.”

Nagbibigay ito sa atin ng tiwala at pananampalataya, bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, kapag sinikap nating sundin ang nakasaad sa banal na kasulatan na dinggin ang tinig ng Panginoon na dumarating sa pamamagitan ng tinig ng Kanyang mga lingkod na propeta. Lahat ng pinuno sa Simbahan ng Panginoon ay tinawag sa pamamagitan ng wastong awtoridad. Walang propeta o sinumang pinuno sa Simbahang ito, patungkol sa bagay na iyan, ang tumawag sa kanyang sarili. Walang propetang inihalal kailanman. Nilinaw iyan ng Panginoon nang sabihin Niya, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong [inorden].” Tayo ay hindi “naghahalal” ng mga pinuno ng Simbahan sa anumang tungkulin. Gayunman, ay may pribilehiyo tayong sang-ayunan sila.

Ang mga pamamaraan ng Panginoon ay iba sa mga pamamaraan ng tao. Ang mga pamamaraan ng tao ay alisin ang mga tao sa katungkulan o trabaho kapag matanda na sila o nabaldado. At ang mga pamamaraan ng tao ay hindi at hindi kailanman magiging mga pamamaraan ng Panginoon. Ang pagsang-ayon natin sa mga propeta ay isang personal na pangako na gagawin natin ang lahat upang sundin ang kanilang ipinag-uutos. Ang pagsang-ayon natin ay parang pagsumpa na kinikilala natin na ang kanilang tungkulin bilang propeta ay lehitimo at tinatanggap natin.

Dalawampu’t anim na taon bago siya naging Pangulo ng Simbahan, sinabi ng noon ay si Elder George Albert Smith: “Ang obligasyong ginagawa natin kapag nagtataas tayo ng ating mga kamay … ay napakasagrado. Hindi ibig sabihin nito na tatahimik na lang tayo at hahayaan ang propeta ng Panginoon na pamunuan ang gawaing ito, kundi ang ibig sabihin ay … na susuportahan natin siya; ipagdarasal natin siya; ipagtatanggol natin ang kanyang mabuting pangalan, at sisikapin nating isagawa ang kanyang mga tagubilin ayon sa utos sa kanya ng Panginoon.”

Pinamumunuan ng buhay na Panginoon ang Kanyang buhay na Simbahan! Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Simbahan sa Kanyang propeta. Kahapon, pagkatapos tayong anyayahang sang-ayunan si Thomas S. Monson bilang Pangulo ng Simbahan, nagkaroon din tayo ng pribilehiyong sang-ayunan siya, ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Isipin ninyo iyan! Sinang-ayunan natin ang 15 kalalakihan bilang mga propeta ng Diyos! Hawak nila ang lahat ng susi ng priesthood na ipinagkaloob sa tao sa dispensasyong ito.

Ang pagtawag sa 15 kalalakihan sa banal na pagkaapostol ay naglalaan ng malaking proteksyon para sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan. Bakit? Dahil kailangan ay nagkakaisa ang mga desisyon ng mga pinunong ito. Naiisip ba ninyo kung gaano kailangang bigyang-inspirasyon ng Espiritu ang 15 lalaki para magkaisa sila? Ang 15 lalaking ito ay may iba’t ibang pinag-aralan at propesyon, magkakaiba ang opinyon tungkol sa maraming bagay. Maniwala kayo! Alam ng 15 lalaking ito—mga propeta, tagakita, at tagapaghayag—ang kalooban ng Panginoon kapag nagkaisa sila! Talagang tinitiyak nilang mangyari ang kalooban ng Panginoon. Ang Panalangin ng Panginoon ay naglaan ng huwaran para sa bawat isa sa 15 lalaking ito nang ipanalangin nila: “Mangyari ang inyong kalooban dito sa lupa katulad ng sa langit.”

Ang Apostol na pinaka-senior sa katungkulan ng Apostol ang nangungulo. Ang sistemang iyan ng seniority ay karaniwang maghahatid sa nakatatandang kalalakihan sa katungkulan ng Pangulo ng Simbahan. Nagdudulot ito ng katatagan, kahusayan, karanasan, at mahabang paghahanda, kapag ginabayan ng Panginoon.

Ang Simbahan ngayon ay ang Panginoon Mismo ang nag-organisa. Inilagay Niya ang isang kahanga-hangang sistema ng pamamahala na naglalaan ng tulong at suporta. Nasa sistemang iyan ang pamumuno ng propeta kahit mangyari ang di-inaaasahang pagkakasakit at panghihina dahil sa katandaan. Maraming pagsasaalang-alang at pangangalaga upang hindi mailihis ng sinuman ang Simbahan. Ang mga senior leader ay palaging tinuturuan upang balang-araw ay handa na silang mamuno sa pinakamatataas na katungkulan. Natututuhan nilang makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu.

Habang naglilingkod bilang Unang Tagapayo kay Pangulong Ezra Taft Benson, na noon ay malapit nang magwakas ang buhay, ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Ang mga alituntunin at pamamaraang itinakda ng Panginoon para sa pamamahala ng Kanyang Simbahan ay naghahanda para sa anumang … sitwasyon. Mahalaga … na walang mga pag-aalinlangan o pag-aalala tungkol sa pamamahala ng Simbahan at sa paggamit ng mga kaloob na ibinigay sa propeta, kabilang na ang karapatang mabigyan ng inspirasyon at paghahayag sa pamamahala ng mga gawain at programa ng Simbahan, kapag ang Pangulo ay may sakit o hindi lubos na makaganap sa tungkulin.

“Ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, ay tinawag at inorden na humawak ng mga susi ng priesthood, may awtoridad at responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga ordenansa nito, linawin ang doktrina nito, at itatag at panatilihin ang mga gawain nito.”

Sinabi pa ni Pangulong Hinckley:

“Kapag ang Pangulo ay may sakit o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo ang bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan. Ipinagpapatuloy nila ang araw-araw na gawain ng Panguluhan. …

“… Ngunit anumang mahalagang usapin tungkol sa patakaran, mga pamamaraan, programa, o doktrina ay pinag-iisipan nang taimtim at mapanalangin ng Unang Panguluhan kasama ang Labindalawa.”

Noong isang taon, nang umabot na sa 5 taon ng panunungkulan si Pangulong Monson bilang Pangulo ng Simbahan, naisip niya ang 50 taon ng kanyang paglilingkod bilang apostol at ito ang kanyang sinabi: “Ang pagtanda sa huli ay may negatibong epekto sa ating lahat. Gayunman, nakikiisa ang ating tinig kay Haring Benjamin, na nagsabing, … ‘Ako ay katulad din ng inyong sarili, saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit sa katawan at isipan; gayunman ako ay pinili … at itinalaga ng aking ama, … at inaruga at pinangalagaan ng kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang paglingkuran kayo nang buo kong kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon’ (Mosias 2:11).”

Sinabi pa ni Pangulong Monson: “Sa kabila ng anumang problema sa kalusugan na maaaring dumating sa atin, sa kabila ng anumang kahinaan sa katawan o isipan, naglilingkod tayo sa abot ng ating makakaya. Tinitiyak ko sa inyo na nasa mabubuting kamay ang Simbahan. Tinitiyak [sa atin] ng sistemang itinakda para sa Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa[ng Apostol] na lagi itong nasa mabubuting kamay at, anuman ang mangyari, hindi kailangang mangamba o matakot. Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na ating sinusunod, sinasamba, at pinaglilingkuran, ang laging namumuno sa Simbahan.”

Pangulong Monson, pinasasalamatan namin kayo sa mga katotohanang iyon! At salamat sa inyong habambuhay na mabuting halimbawa at tapat na paglilingkod. Mangangahas akong magsalita para sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo upang ipaabot ang aming nagkakaisa at tapat na pasasalamat sa inyo. Iginagalang namin kayo! Mahal namin kayo! Sinasang-ayunan namin kayo, hindi lamang sa pagtataas ng aming mga kamay kundi nang buong puso at pagkakaisa. Mapagkumbaba at taos-puso, “para sa inyo kami’y nagdarasal”! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 256; idinagdag ang pagbibigay-diin. Ang pahayag na ito ay ginawa noong 1898 nang si Pangulong Smith ang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.

  3. Para sa iba pang mga detalye, tingnan sa Spencer J. Condie, Russell M. Nelson: Father, Surgeon, Apostle (2003), 153–56.

  4. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon.”

  5. Maraming propeta ang nagpropesiya sa pagsilang ng Panginoon, kabilang na sina Lehi (tingnan sa 1 Nephi 1:19), Nephi (tingnan sa1 Nephi 11:31–33; 19:7–8), Jacob (tingnan sa Jacob 4:4–6), Benjamin (tingnan sa Mosias 3:5–11, 15), Abinadi (tingnan sa Mosias 15:1–9), Alma (tingnan saAlma 40:2), at Samuel na Lamanita (tingnan sa Helaman 14:12). Bago isinilang ang Tagapagligtas sa Betlehem, nakinita nila ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at ang sumunod Niyang Pagkabuhay na Mag-uli.

  6. Ang alituntunin ng pagsang-ayon sa mga pinuno ay mahalaga sa buong Simbahan ng Panginoon. Ang isang tao ay sinasang-ayunan bago italaga sa isang tungkulin o iorden sa isang katungkulan sa priesthood.

  7. Doktrina at mga Tipan 42:11. Ang kagawiang sang-ayunan ang ating mga pinuno ay ipinatupad noong Abril 6, 1830, nang iorganisa ang Simbahan, at noong Marso 1836, nang sang-ayunan ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag (tingnan sa History of the Church, 1:74–77; 2:417).

  8. Nagbababala ng panganib ang Aklat ni Mormon kung babalewalain natin ang mga turo ng propeta. Mababasa natin dito na “ang malaki at maluwang na gusali ang kapalaluan ng sanlibutan; at bumagsak ito, at ang pagkakabagsak nito ay napakalakas. At muling nangusap ang anghel ng Panginoon …, sinasabing: Gayon ang magiging pagkawasak ng lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, na kakalaban sa labindalawang apostol ng Kordero” (1 Nephi 11:36).

  9. Tingnan sa Daniel 9:10; Amos 3:7; Doktrina at mga Tipan 21:1, 4–5; 124:45–46.

  10. Juan 15:16. Nilinaw sa ikalimang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.”

  11. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), 70–71; idinagdag ang pagbibigay-diin. Ang siping ito ay ibinigay sa isang mensahe ni Elder George Albert Smith sa kumperensya noong 1919. Siya ang naging Pangulo ng Simbahan noong 1945.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:30, 38.

  13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:27.

  14. 3 Nephi 13:10; tingnan din sa Mateo 6:10; Lucas 11:2.

  15. Kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, binubuwag ang Unang Panguluhan at ibinabalik ang mga tagapayo sa kanilang puwesto sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang Korum ng Labindalawa ang siyang nangungulo sa Simbahan hanggang sa muling maorganisa ang Unang Panguluhan. Ang panahong iyan ay kilala bilang apostolic interregnum o panandaliang pamamahala ng mga apostol. Ayon sa kasaysayan, iba-iba ang haba ng panahon mula apat na araw hanggang tatlo’t kalahating taon.

  16. Mangyari pa, ang huwarang iyan sa paghahalili ay hindi ginamit sa katungkulan ni Joseph Smith, na inorden noon pa man na maging propeta ng Panunumbalik at unang Pangulo ng Simbahan (tingnan sa 2 Nephi 3:6–22; tingnan din sa Abraham 3:22–23).

  17. Alam natin na maaaring pauwiin ng Panginoon Mismo ang sinuman sa atin anumang oras Niya naisin.

  18. Gordon B. Hinckley, “God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54; tingnan din sa Gordon B. Hinckley, “He Slumbers Not, nor Sleeps,” Ensign, Mayo 1983, 6.

  19. “Message from President Thomas S. Monson,” Church News, Peb. 3, 2013, 9.

  20. “Para sa Inyo Kami’y Nagdarasal,” Mga Himno, blg. 17.