Piliing Maniwala
Inilaan ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo bilang liwanag na gagabay sa mga pumipiling maniwala at sumunod sa Kanya.
Noong nakaraang Enero, ang pitong-taong-gulang na si Sailor Gutzler at ang kanyang pamilya ay lumipad sakay ng isang pribadong eroplano mula Florida hanggang Illinois. Ang ama ni Sailor ang piloto. Nang dumilim na, nagkaproblema ang makina ng eroplano at bumagsak sa napakadilim na kaburulan ng Kentucky, nang patiwarik sa napakamabatong lupa. Si Sailor lang ang nakaligtas sa aksidente. Nabali ang kanyang pulsuhan sa pagbagsak ng eroplano. Marami siyang sugat at gasgas at nawala ang kanyang sapatos. Ang temperatura noon ay 38 degrees Fahrenheit (3 degrees Celsius)—maginaw at maulan ang gabing iyon ng taglamig sa Kentucky—at nakasuot lang si Sailor ng shorts, T-shirt, at isang medyas.
Sumigaw siya para hanapin ang kanyang ama at ina, ngunit walang sumagot. Matapos tipunin ang lahat ng lakas, naglakad siya nang walang sapin sa paa papunta sa bayan para humingi ng tulong, lumusong sa mga sapa, tumawid ng mga kanal, at dumaan sa matitinik na blackberry. Mula sa tuktok ng isang munting burol, nakakita si Sailor ng isang liwanag, na mga isang milya ang layo. Kandarapa sa dilim at mga palumpong patungo sa liwanag na iyon, sa huli ay nakarating siya sa tahanan ng isang mabait na lalaki na noon lang niya nakilala at agad na tumulong sa kanya. Ligtas na si Sailor. Hindi magtatagal dadalhin siya sa ospital at tutulungang gumaling.1
Nakaligtas si Sailor dahil nakita niya ang isang liwanag mula sa malayo at sinikap na makarating doon—sa kabila ng masukal na paligid, matinding trahedyang dinanas niya, at mga sugat na kanyang tinamo. Mahirap isipin kung paano nagawa ni Sailor ang ginawa niya noong gabing iyon. Ngunit ang alam namin ay nakita niya sa liwanag ng bahay na iyon sa malayo na maaari siyang masagip. May pag-asa pa. Nagkaroon siya ng lakas-ng-loob sa katotohanan na gaano man kasama ang nangyari, masasagip siya sa liwanag na iyon.
Iilan lang sa atin ang makatitiis sa malagim na karanasang katulad ng kay Sailor. Ngunit lahat tayo, balang-araw, ay kailangang makayanan ang sarili nating espirituwal na pagsubok at mga kapighatian. Sa mga sandaling iyon, gaano man kadilim o kahit tila wala nang pag-asa, kung hahanapin natin, laging may maghihikayat na espirituwal na liwanag sa atin, na nagbibigay sa atin ng pag-asang masagip at matulungan. Ang liwanag na iyan ay nagmumula sa Tagapagligtas ng buong sangkatauhan, na siyang Ilaw ng Sanlibutan.
Ang pagkakita sa espirituwal na liwanag ay kaiba sa pagkakita sa pisikal na liwanag. Ang pagkilala sa espirituwal na liwanag ng Tagapagligtas ay nagsisimula sa kahandaan nating maniwala. Gusto ng Diyos na magkaroon muna tayo ng hangaring maniwala. “Kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan … at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya,” pagtuturo ng propetang si Alma, “oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng [mga salita ng Tagapagligtas].”2
Ang panawagan sa atin ni Alma na hangaring maniwala at “bigyang-puwang” sa ating puso ang mga salita ng Tagapagligtas ay nagpapaalala sa atin na ang paniniwala at pananampalataya ay nangangailangan ng personal nating pagpapasiya at pagkilos. Kailangan nating “gisingin at pukawin ang [ating] kaisipan.” Tayo ay humihingi bago tayo bigyan; naghahanap bago tayo makasumpong; kumakatok bago tayo pagbuksan. Sa gayo’y ibinigay sa atin ang pangakong ito: “Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan.”3
Wala nang mas taos-pusong panawagan na maniwala tayo kaysa sa yaong nagmula mismo sa Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo sa lupa, nang manawagan Siya sa Kanyang mga tagapakinig na ayaw maniwala:
“Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan.
“Datapuwa’t kung ginagawa ko ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapag-unawa na ang Ama ay nasa akin, at ako’y nasa Ama.”4
Araw-araw bawat isa sa atin ay nahaharap sa pagsubok. Ito ang pagsubok natin sa buhay: pipiliin ba nating maniwala sa Kanya at tutulutan ang liwanag ng Kanyang ebanghelyo na lumago sa ating kalooban, o tatanggi tayong maniwala at ipipilit na maglakbay nang mag-isa sa dilim? Inilaan ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo bilang liwanag na gagabay sa mga pumipiling maniwala at sumunod sa Kanya.
Pagkatapos ng aksidente, may pagpipilian si Sailor. Maaari niyang piliing manatili sa eroplano sa dilim, na nag-iisa at takot. Ngunit may mahabang gabing daraan, at lalo pang lalamig. Pumili siya ng ibang paraan. Inakyat ni Sailor ang burol, at nakakita siya ng liwanag sa abot-tanaw.
Unti-unti, habang naglalakad siya sa gabi patungo sa liwanag, lalo itong lumiliwanag. Gayunpaman, may mga pagkakataon siguro na hindi niya iyon makita. Marahil ay hindi niya iyon matanaw kapag nasa bangin siya o sa likod ng mga puno o palumpong, ngunit nagpatuloy siya. Tuwing makikita niya ang liwanag, natitiyak ni Sailor na nasa tamang landas siya. Hindi pa niya alam talaga kung ano ang liwanag na iyon, ngunit patuloy siyang naglakad patungo roon batay sa alam niya, na nagtitiwala at umaasa na makikita niya iyong muli kung magpapatuloy siya sa tamang direksyon. Sa paggawa nito, maaari niyang mailigtas ang kanyang buhay.
Maaari ding maging gayon ang buhay natin. Maaaring may mga pagkakataon na nasaktan tayo, na napagod tayo, at tila madilim at malamig ang ating buhay. Maaaring may mga pagkakataon na wala tayong makitang anumang liwanag sa kapaligiran, at gusto na nating sumuko. Kung handa tayong maniwala, kung nais nating maniwala, kung pipiliin nating maniwala, ipapakita sa atin ng mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas ang tamang landas.
Piliing Maniwala
Tulad noong kailangang maniwala ni Sailor na masusumpungan niya ang kaligtasan sa liwanag na iyon sa malayo, kailangan din nating piliing buksan ang ating puso sa banal na katotohanan tungkol sa Tagapagligtas—sa Kanyang walang-hanggang liwanag at nagpapagaling na awa. Ang mga propeta sa iba’t ibang panahon ay naghikayat at nanawagan pa na maniwala tayo kay Cristo. Ang kanilang mga pangaral ay nagpapakita ng isang mahalagang katotohanan: Hindi tayo pinipilit ng Diyos na maniwala. Sa halip ay inaanyayahan Niya tayong maniwala sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga buhay na propeta at apostol para turuan tayo, sa pagbibigay ng mga banal na kasulatan, at paghihikayat sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Tayo ang kailangang pumili na tanggapin ang mga espirituwal na paanyayang iyon, na pinipiling makita ng espirituwal na mga mata ang espirituwal na liwanag na ginagamit Niya sa pagtawag sa atin. Ang desisyong maniwala ang pinakamahalagang pagpiling ginagawa natin. Nakakaapekto ito sa lahat ng iba pa nating desisyon.
Hindi tayo pinipilit ng Diyos na maniwala ni pinipilit tayong sundin ang anumang kautusan, sa kabila ng Kanyang sakdal na pagnanais na pagpalain tayo. Subalit ang Kanyang panawagan sa atin na maniwala sa Kanya—na gumamit ng kahit bahagyang pananampalataya at bigyang-puwang ang Kanyang mga salita—ay patuloy pa rin ngayon. Tulad ng sabi ng Tagapagligtas, “Ako ay nagpapatotoo na inuutusan ng Ama ang lahat ng tao, saan man, na magsisi at maniwala sa akin.”5
Ang paniniwala at patotoo at pananampalataya ay hindi mga alituntunin na wala ka nang gagawin. Hindi ito basta nangyayari sa atin. Ang paniniwala ay isang bagay na pinipili nating gawin—inaasam natin ito, pinagsisikapan natin ito, at nagsasakripisyo tayo para dito. Hindi tayo maniniwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ni mananalangin o magbabayad ng ikapu nang hindi sinasadya. Sadyang pinipili nating maniwala, tulad ng pagpili nating sundin ang iba pang mga kautusan.
Ipakita ang Inyong Paniniwala
Maaaring hindi alam ni Sailor noong una kung talagang may kahihinatnan ang ginagawa niya nang sikapin niyang makaraan sa mga palumpong. Nawawala siya at sugatan; madilim at malamig. Ngunit nilisan niya ang pinagbagsakan ng eroplano at nagbaka-sakali sa pag-asang masagip, na gumagapang at nagagasgasan habang daan hanggang sa makita niya ang liwanag sa malayo. Nang makita niya ito, agad niyang ginawa ang lahat para marating iyon, na tinatandaan kung ano ang kanyang nakita.
Gayundin kailangan nating bigyang-puwang ang pag-asa na matatagpuan natin ang espirituwal na liwanag nang may paniniwala kaysa piliing mag-alinlangan. Ang ating mga kilos ay katibayan ng ating paniniwala at nagiging mahalagang bahagi ng ating pananampalataya. Pinipili nating maniwala kapag nanalangin tayo at nagbasa ng mga banal na kasulatan. Pinipili nating maniwala kapag nag-ayuno tayo, kapag pinanatili nating banal ang araw ng Sabbath, at kapag sumamba tayo sa templo. Pinipili nating maniwala kapag nagpabinyag tayo at nakibahagi ng sakramento. Pinipili nating maniwala kapag nagsisi tayo at naghangad ng banal na kapatawaran at nagpapagaling na pagmamahal.
Huwag Sumuko Kailanman
Kung minsa’y tila mabagal o paudlut-udlot ang pag-unlad sa mga espirituwal na bagay. Kung minsa’y nadarama natin na naligaw tayo ng landas, na nakagawa tayo ng mga pagkakamali, o na walang saysay ang mga pagsisikap nating matagpuan ang Tagapagligtas. Kung ganito ang pakiramdam ninyo, huwag sana kayong sumuko—kailanman. Patuloy na maniwala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo at sa Kanyang Simbahan. Iayon ang inyong mga kilos sa paniniwalang iyan. Sa mga sandaling humina na ang inyong pananampalataya, hayaang madaig ng inyong pag-asa sa pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas, na matatagpuan sa kanyang ebanghelyo at sa Kanyang Simbahan, ang inyong pag-aalinlangan. Ipinapangako ko na handa Siyang tanggapin kayo. Sa pagdaan ng panahon makikita ninyo na nagawa na ninyo ang pinakamagandang pagpiling posibleng magawa ninyo. Ang matapang na desisyon ninyong maniwala sa Kanya ay magpapala sa inyo nang napakalaki at magpakailanman.
Mga Pagpapala ng Paniniwala
Nadama ko na ang maawaing pagmamahal ng Tagapagligtas sa buhay ko. Nahanap ko na Siya sa sarili kong mga sandali ng kadiliman, at natulungan na Niya ako sa Kanyang nagpapagaling na liwanag. Ang isa sa pinakamalalaking kagalakan ko sa buhay ay ang paglalakbay namin ng asawa kong si Kathy, para makausap ang mga miyembro ng Simbahan sa maraming sulok ng daigdig. Ang magagandang paghaharap na ito ay nagturo sa akin at sa atin tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Naipakita nila sa akin ang walang-hanggang potensyal na lumigaya na nagiging pagpapala sa mga yaon na pumipiling sumunod sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Nalaman ko na ang maniwala sa Kanya at sa Kanyang tumutubos na kapangyarihan ang tamang landas tungo sa “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”6
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang pinagmumulan ng liwanag at pag-asa para sa ating lahat. Dalangin ko na nawa’y piliin nating lahat na maniwala sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.