Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak
Tumulong tayong itayo ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paninindigan nang buong tapang at pagiging mga tagapagtanggol ng kasal, pagiging magulang, at tahanan.
Kaylaking pribilehiyo at kagalakan ang maging bahagi ng kagila-gilalas na pulong na ito ng kababaihan. Mapalad tayong kababaihan na magkasama-sama ngayong gabi nang may pagkakaisa at pagmamahal.
Nabasa ko kamakailan ang kuwento ni Marie Madeleine Cardon, na, kasama ng kanyang pamilya, ay tinanggap ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo mula sa mga unang missionary na tinawag na maglingkod sa Italy noong 1850. Siya ay dalagitang 17 o 18 taong gulang nang mabinyagan. Isang araw ng Linggo, habang nagdaraos ng samba sa kanilang tahanan sa tuktok ng Alps sa hilagang Italy, isang galit na grupo ng kalalakihan, kasama ang ilang lokal na mga pastor, ang nagtipon sa paligid ng bahay at nagsimulang magsigawan, maghiyawan, at pinalalabas ang mga missionary. Palagay ko hindi iyon dahil gustung-gusto nilang maturuan ng ebanghelyo—balak nilang manakit. Ang batang si Marie ang lumabas ng bahay para harapin ang grupo.
Patuloy silang naghiyawan at pilit na pinalalabas ang mga missionary. Itinaas ni Marie ang Biblia na hawak niya at inutusan silang umalis. Sinabi niya sa mga ito na ang mga elder ay nasa ilalim ng kanyang pangangalaga at hindi nila maaaring saktan ni isang buhok nila sa ulo. Makinig sa kanyang mga salita: “Lahat sila’y nagulat. … Kasama ko ang Diyos. Siya ang naglagay ng mga salitang iyon sa aking bibig, dahil kung hindi, di ko ’yon masasambit. Kaagad na huminahon ang lahat. Walang nagawa ang malalakas na lalaki sa harap ng isang mahina, nangangatog, ngunit walang-takot na bata.” Pinaalis ng mga pastor ang grupo, na tahimik namang umalis na nahihiya, takot, at nagsisisi. Natapos ng munting kawan ang kanilang pulong nang payapa.1
Naiisip ba ninyo ang matapang na dalagitang iyon, na kaedad ng marami sa inyo, na nakatayo sa harap ng isang grupo at ipinagtatanggol ang kanyang bagong natagpuang paniniwala nang buong tapang at pananalig?
Mga kapatid, ang ilan sa atin ay kakailanganing humarap sa isang galit na grupo, ngunit may isang digmaang nangyayari sa mundong ito kung saan inaatake ang ating itinatangi at pangunahing mga doktrina. Ang tinutukoy ko ay ang doktrina ng pamilya. Ang kasagraduhan ng tahanan at mahahalagang layunin ng pamilya ay pinagdududahan, pinipintasan, at nilulusob sa lahat ng paraan.
Nang unang basahin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” 20 taon na ang nakalipas, ipinagpasalamat at pinahalagahan natin ang kalinawan, kasimplihan, at katotohanan ng dokumentong ito na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag. Hindi natin gaanong naunawaan noon, na lubha nating kakailanganin ang mahahalagang pahayag na ito sa mundo ngayon bilang sukatan ng ating paghatol sa bawat bagong pilosopiya ng mundo na inilalahad sa atin ng media, Internet, mga scholar, TV at mga pelikula, at maging ng mga mambabatas. Ang pahayag tungkol sa pamilya ang naging sukatan ng paghatol sa mga pilosopiya ng mundo, at pinatototohanan ko na ang mga alituntuning itinakda sa pahayag na ito ay totoo ngayon katulad noong ibigay ito sa atin ng propeta ng Diyos halos 20 taon na ang nakalipas.
Puwede ko bang linawin ang isang bagay? Bihirang umayon ang buhay sa plano ng sinuman, at alam na alam natin na hindi lahat ng babae ay nararanasan ang nakasaad sa pahayag. Mahalaga pa ring maunawaan at ituro ang halimbawa ng Panginoon at sikaping sundin ang halimbawang iyon hangga’t maaari.
Bawat isa sa atin ay may bahaging gagampanan sa plano, at bawat isa ay pare-parehong mahalaga sa paningin ng Panginoon. Dapat nating tandaan na batid ng mapagmahal na Ama sa Langit ang ating matwid na mga hangarin at tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako at walang ipagkakait sa matatapat na tumutupad ng kanilang mga tipan. Ang Ama sa Langit ay may misyon at plano para sa bawat isa sa atin, ngunit may takdang-oras din Siya. Isa sa mga pinakamahirap na hamon sa buhay na ito ang manampalataya sa takdang-oras ng Panginoon. Makabubuting mag-isip ng alternatibong plano, na tutulong sa atin na tuparin ang mga tipan, maging mapagkawanggawa, at matwid na kababaihang nagtatayo ng kaharian anuman ang uri ng ating buhay. Kailangan nating turuan ang ating mga anak na babae na hangarin ang uliran ngunit magplano para sa mga pangyayaring di inaasahan.
Sa ika-20 anibersaryo ng pagpapahayag ukol sa pamilya, gusto kong magpalabas ng isang hamon para sa ating lahat na kababaihan ng Simbahan na maging mga tagapagtanggol ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Tulad noong buong tapang na ipagtanggol ni Marie Madeleine Cardon ang mga missionary at ang kanyang bagong-tuklas na relihiyon, kailangang buong tapang nating ipagtanggol ang inihayag na mga doktrina ng Panginoon na nagpapaliwanag sa kasal, pamilya, banal na tungkulin ng mga lalaki at babae, at kahalagahan ng tahanan bilang sagradong lugar—kahit isinisigaw ng mundo sa ating mga tainga na ang mga alituntuning ito ay makaluma, mahigpit, at di na mahalaga. Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin!
May tatlong alituntuning itinuro sa pahayag na palagay ko’y talagang nangangailangan ng matatag na mga tagapagtanggol. Ang una ay ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae. Itinuro sa atin sa mga banal na kasulatan, “Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.”2 Para matamo ng sinuman ang kaganapan ng mga pagpapala ng priesthood, kailangang mabuklod ang mag-asawang lalaki at babae sa bahay ng Panginoon, na nagtutulungan sa kabutihan, at nananatiling tapat sa kanilang mga tipan. Ito ang plano ng Panginoon para sa Kanyang mga anak, at walang anumang pagtalakay o pamimintas na makapagpapabago sa ipinahayag na ng Panginoon. Kailangan nating patuloy na ipakita ang ulirang mga kasal, hangarin ang pagpapalang iyon sa ating buhay, at manampalataya kung hindi ito darating kaagad. Maging mga tagapagtanggol tayo ng kasal tulad ng inorden ng Panginoon habang patuloy tayong nagpapakita ng pagmamahal at habag sa mga taong iba ang pananaw.
Ang sumunod na alituntuning nangangailangan ng ating pagtatanggol ay ang paggalang sa mga banal na tungkulin ng mga ama at ina. Sabik nating itinuturo sa ating mga anak na magkaroon ng matayog na mithiin sa buhay na ito. Nais nating tiyaking malaman ng ating mga anak na babae na may potensyal silang makamit at marating ang anumang iniisip nila. Inaasahan natin na gugustuhin nilang matuto, mag-aral, maging matalino, at marahil ay maging isa pang Marie Curie o Eliza R. Snow.
Itinuturo din ba natin sa ating mga anak na lalaki at babae na walang mas malaking karangalan, mas iginagalang na titulo, at mas mahalagang tungkulin sa buhay na ito maliban sa isang ama at ina? Umaasa ako na habang hinihikayat natin ang ating mga anak na abutin ang pinakamainam sa buhay na ito ay tuturuan din natin silang igalang at dakilain ang mga tungkuling ginagampanan ng mga ama at ina sa plano ng ating Ama sa Langit.
Nakakita ang aming bunsong anak na si Abby ng pagkakataong manindigan bilang tagapagtanggol ng tungkulin ng ina. Isang araw nakatanggap siya ng pabatid mula sa eskuwela ng kanyang mga anak na may pagtatanghal sila sa Career Day sa eskuwela. Inimbitahan ang mga magulang na magpadala ng application kung gusto nilang magpunta sa eskuwela para turuan ang mga bata tungkol sa kanilang gawain, at naisip ni Abby na mag-apply para makapunta at magsalita tungkol sa pagiging ina. Wala siyang natanggap na sagot mula sa eskuwela, at nang malapit na ang Career Day, tumawag siya sa eskuwela, na iniisip na baka nawala nila ang application niya. Naghanap ang mga organizer ng klaseng matuturuan niya at nakakita sila ng dalawang gurong pumayag na pagsalitain si Abby sa kanilang klase sa pagtatapos ng Career Day.
Sa masayang paglalahad niya sa mga bata, itinuro ni Abby sa kanila, bukod sa iba pa, na bilang ina kinailangan niyang maging eksperto sa medisina, psychology, relihiyon, pagtuturo, musika, literatura, sining, pananalapi, pagdedekorasyon, pagsusuklay ng buhok, pagmamaneho, sports, pagluluto, at napakarami pang iba. Humanga ang mga bata. Nagtapos siya sa pagsasabi sa mga bata na alalahanin ang kanilang ina sa pagsulat ng pasasalamat sa maraming mapagmahal na paglilingkod na tinatanggap nila sa araw-araw. Nadama ni Abby na nagbago ang tingin ng mga bata sa kanilang ina at na ang pagiging ina o ama ay isang bagay na napakahalaga. Nag-apply siya ulit sa taong ito para makapagbahagi sa Career Day at naanyayahan siyang magbahagi sa anim na klase.
Ito ang sinabi ni Abby tungkol sa kanyang karanasan: “Pakiramdam ko magiging madali para sa isang bata sa buhay na ito na maunawaan na ang pagiging magulang ay pangalawang gawain o kung minsan pa nga ay isang nakakaabalang bagay na kailangang harapin. Gusto kong madama ng bawat bata na sila ang pinakamahalagang priyoridad ng kanilang magulang, at siguro sa pagsasabi sa kanila kung gaano kahalaga sa akin ang pagiging magulang ay matatanto nila ang lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang para sa kanila at bakit nila ito ginagawa.”
Ang ating pinakamamahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, ay isang magandang halimbawa ng paggalang sa kababaihan at pagiging ina, lalo na sa sarili niyang ina. Patungkol sa ating mga ina sa daigdig, sinabi niya: “Nawa’y pahalagahan ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito; hindi maaaring kalimutan ng sinuman ang ina at alalahanin ang Diyos. Hindi maaaring alalahanin ng sinuman ang ina at kalimutan ang Diyos. Bakit? Dahil ang dalawang banal na nilalang na ito, ang Diyos at ang ina [natin sa lupa], na magkatuwang sa paglikha, sa pagmamahal, sa pagsasakripisyo, sa paglilingkod, ay nagkakaisa.”3
Ang huling alituntuning kailangan nating panindigan at ipagtanggol ay ang kasagraduhan ng tahanan. Kailangan nating pansinin ang isang kataga na kung minsan ay sinasambit nang may panunuya at parangalan ito. Ang kataga ay maybahay. Lahat tayo—mga babae, lalaki, kabataan, at bata, may-asawa o wala—ay maaaring magsikap na maging maybahay. Dapat nating “gawin ang ating tahanan” na mga lugar ng kanlungan, kabanalan, at kaligtasan. Ang ating tahanan ay dapat maging mga lugar kung saan saganang nadarama ang Espiritu ng Panginoon at kung saan pinag-aaralan, itinuturo, at ipinamumuhay ang mga banal na kasulatan at ebanghelyo. Malaking kaibhan ang magagawa sa mundo kung lahat ng tao ay ituturing ang kanilang sarili na mga tagalikha ng mabubuting tahanan. Ipagtanggol natin ang tahanan bilang isang lugar na pumapangalawa lamang sa templo sa kabanalan.
Mga kapatid, nagpapasalamat akong maging isang babae sa mga huling araw na ito. May mga pagkakataon at posibilidad tayo na hindi natamo ng ibang henerasyon ng kababaihan sa mundo. Tumulong tayong itayo ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paninindigan nang buong tapang at pagiging mga tagapagtanggol ng kasal, pagiging magulang, at tahanan. Kailangan ng Panginoon na tayo ay maging matapang, matatag, at di-natitinag na mga mandirigma na magtatanggol sa Kanyang plano at ituturo sa darating na mga henerasyon ang Kanyang mga katotohanan.
Pinatototohanan ko na ang Ama sa Langit ay buhay at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Iniiwan ko sa inyo ang patotoong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.