2010–2019
Ang Mang-aaliw
Abril 2015


NaN:NaN

Ang Mang-aaliw

Nagpapatotoo ako na isinusugo ng buhay na Cristo ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw, sa mga ipinangako natin sa Kanya na aaliwin.

Minamahal kong mga kapatid, malaking kagalakan para sa akin ang makasama kayo. Naisip ko ang nanay ko, asawa ko, anak ko, mga manugang ko, mga apo kong babae—marami sa kanila ang narito ngayon. Labis ko silang pinasasalamatan dahil sa magandang programang ito. Nauunawaan ko na ang pagkakaroon ng gayong pamilya at ng magandang buhay-pamilya ay mula sa pagsesentro sa Tagapagligtas sa kanilang buhay. Ginunita natin Siya ngayong gabi sa musika, mga dasal, at sa mga inspiradong sermon. Isa sa mga katangian ng Tagapagligtas na lubha nating pinasasalamatan ay ang Kanyang walang hanggang pagkahabag.

Nadama na ninyo na kilala at mahal Niya kayo. At nadama ninyo ang pagmamahal Niya sa mga nakaupo sa paligid ninyo ngayon. Sila ay mga kapatid ninyo, mga espiritung anak na babae ng ating Ama sa Langit. Mahal Niya sila tulad ng pagmamahal Niya sa inyo. Nauunawaan Niya ang lahat ng kanilang mga kalungkutan. Nais Niyang tulungan sila.

Ang mensahe ko sa inyo ngayong gabi ay na maaari at dapat kayong maging mahalagang bahagi ng Kanyang pagbibigay kapanatagan sa mga taong nangangailangan ng aliw. Mahusay magagampanan ang inyong papel kung alam ninyo kung paano Niya sinasagot ang mga panalangin ng mga nangangailangan.

Marami ang nagdarasal sa Ama sa Langit para sa kaginhawahan, para humingi ng tulong sa pagpapasan nila ng pighati, lungkot, at takot. Naririnig ng Ama sa Langit ang mga panalanging iyon at nauunawaan ang kanilang mga pangangailangan. Siya at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang nabuhay na muling si Jesucristo, ay nangako ng tulong.

Ibinigay ni Cristo ang magiliw na pangakong ito:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.”1

Ang mabibigat na pasanin ng Kanyang matatapat na lingkod ay pinagagaan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang mabibigat na pasanin ng kasalanan ay maaaring maalis, ngunit ang mga pagsubok ng buhay na ito ay maaaring maging mabigat pa rin para sa mabubuting tao.

Nakita na ninyo ang gayong mga pagsubok sa buhay ng mabubuting tao na mahal ninyo. Nadama ninyong gusto ninyo silang tulungan. May dahilan ang nadarama ninyong pagkahabag sa kanila.

Kayo ay pinagtipanang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa puso ninyo nang maging miyembro kayo ng Kanyang Simbahan. Nakipagtipan kayo, at natanggap ninyo ang pangako na nagpabago sa inyong pagkatao.

Inilarawan ni Alma, sa kanyang mga salita sa mga Tubig ng Mormon, ang ipinangako ninyo sa inyong binyag at ano ang ibig sabihin nito sa inyo at sa lahat ng nasa paligid ninyo. Nagsasalita siya sa mga gagawa ng mga tipang ginawa ninyo, at natanggap din nila ang pangakong ginawa ng Panginoon sa inyo.

“Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon (sapagkat sa gayon ang mga yaon ay tinawag) at ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”2

Kaya nga nadarama ninyo na gusto ninyong tulungan ang taong nahihirapan sa mabibigat na pasanin at pighati. Nangako kayong tutulungan ang Panginoon na mapagaan ang kanilang mga pasanin at mapanatag. Binigyan kayo ng kapangyarihang tulungan na mapagaan ang mga pasaning iyon nang matanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo.

Noong Siya ay ipapako sa krus, inilarawan ng Tagapagligtas ang paraan ng pagtulong Niya na mapagaan ang mga pasanin at nagbibigay ng lakas na dalhin ang mga ito. Alam Niyang magdadalamhati ang Kanyang mga disipulo. Alam Niya na matatakot sila para sa kanilang kinabukasan. Alam Niya na mag-aalinlangan sila sa kakayahan nilang sumulong.

Kaya ibinigay Niya sa kanila ang pangako na ibinigay Niya sa atin at sa lahat ng Kanyang tunay na mga disipulo:

“At ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man,

“Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanglibutan, sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.”3

At ipinangako Niya:

“Datapuwa’t ang Mangaaliw, samakatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”4

Nito lang mga nakaraang linggo nakita kong natupad ang pangakong ipadadala ang Espiritu Santo sa buhay ng mga anak ng Diyos na sumasamo sa panalangin na pagaanin ang kanilang mga pasanin. Ang himala ng paggaan ng mga pasanin ay dumating sa paraang ipinangako ng Panginoon: Isinugo Niya at ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo bilang Mang-aaliw sa Kanyang mga disipulo para makatulong.

Kamakailan tatlong henerasyon ng pamilya ang nagdadalamhati sa pagkamatay ng limang-taong-gulang na batang lalaki. Namatay ang bata sa aksidente habang nagbabakasyon kasama ang pamilya niya. Binigyan ako ng pagkakataong makitang muli kung paano binibigyan ng Panginoon ang matatapat ng kapanatagan at lakas para makapagtiis.

Minasdan ko ang mga paraang ginawa ng Panginoon para gumaan ang kanilang malaking pasanin. Naroon ako bilang lingkod ng Panginoon—gaya ng madalas na mangyayari sa inyong buhay—upang “makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aliwin ang nangangailangan ng aliw.”5

Dahil alam kong iyan ay totoo, ako ay nasiyahan at payapa ang kalooban ko nang anyayahan ako ng mga lolo at lola na makipagkita sa kanila at sa mga magulang ng bata bago ito ilibing.

Nagdasal ako para malaman kung paano ko matutulungan ang Panginoon na aliwin sila. Kasama ko silang umupo sa sala namin. Pinainitan ko ang silid noong malamig na gabing iyon gamit ang maliit na apoy sa fireplace.

Nadama ko na dapat kong sabihin sa kanila na mahal ko sila. Sinabi ko sa kanila na nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanila. Sa ilang salita sinikap kong sabihin sa kanila na nalungkot ako para sa kanila at ang Panginoon lamang ang ganap na makararanas ng kanilang nadaramang sakit at dalamhati.

Matapos sabihin ang mga salitang iyon, nakinig ako nang may pagmamahal habang nagsasalita sila tungkol sa kanilang damdamin.

Habang magkakasama kaming nakaupo, mas marami silang nasabi kaysa sa akin. Dama ko sa kanilang tinig at nakikita sa kanilang mga mata na inaantig sila ng Espiritu Santo. Sa simpleng patotoo, sinabi nila kung ano ang nangyari at nadama nila. Ibinigay na sa kanila ng Espiritu Santo ang kapayapaan na nagmumula sa pag-asa ng buhay na walang hanggan, kung saan ang kanilang anak, na namatay nang walang kasalanan, ay mapapasakanila magpakailanman.

Nang bigyan ko ang bawat isa sa kanila ng basbas ng priesthood, nagpasalamat ako sa impluwensya ng Espiritu Santo na naroon. Dumating ang Mang-aaliw at naghatid ng pag-asa at kapanatagan at ibayong lakas para sa aming lahat.

Nang gabing iyon, nakita ko kung paano kumikilos ang Panginoon sa atin para mapagaan ang pasanin ng Kanyang mga tao. Naaalala ninyo sa Aklat ni Mormon nang halos madurog ang Kanyang mga tao dahil sa mga pasaning iniatang sa kanila ng malulupit na tagapagbantay.

Nagsumamo ang mga tao na bigyan sila ng kaginhawahan, tulad ng pagsamo ng marami sa mga minamahal at pinaglilingkuran natin. Narito ang tala, na alam kong totoo:

“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”6

Paulit-ulit kong nakita ang himalang iyan. Pinagagaan natin ang pasanin ng iba sa pagtulong sa Panginoon na palakasin sila. Iyan ang dahilan kaya idinagdag ng Panginoon sa ating responsibilidad na aliwin ang iba ang kautusang maging Kanyang mga saksi sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.

Ang ama at ina ng bata ay nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas nang gabing iyon sa aking tahanan. At dumating ang Espiritu Santo, at lahat ay napanatag. Napalakas ang mga magulang. Hindi naglaho ang bigat ng dalamhati, pero nagawa nilang matiis ang kalungkutan. Nadagdagan ang kanilang pananampalataya. At patuloy silang lalakas habang hinihiling ito at ipinamumuhay ito.

Ang pagsaksi ng Espiritu ukol sa Pagbabayad-sala na dumating nang gabing iyon ang siya ring nagpalakas kay Job sa pagdadala ng kanyang mga pasanin:

“Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:

“At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman.”7

Ang patotoong iyon ng Espiritu ang nagbigay sa kanya ng lakas na magtiis. Daranas siya ng pighati at ng kawalan ng pag-alo mula sa mga taong nakapaligid sa kanya para makita ang kagalakan na maaaring dumating sa matatapat matapos malampasan nang buong katapatan ang mga pagsubok.

Nangyari ito kay Job. Dumating sa kanya ang mga pagpapala sa buhay na ito. Ang kuwento ni Job ay nagtapos sa himalang ito:

“Sa gayo’y pinagpala ng Panginoon ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula. …

“At sa buong lupain ay walang mga babaing masumpungan na totoong maganda na gaya ng mga anak na babae ni Job: at binigyan sila ng kanilang ama ng mana sa kasamahan ng kanilang mga kapatid.

“At pagkatapos nito’y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi.

“Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.”8

Ang pagpapatotoo ng Espiritu sa parating na Pagbabayad-sala ang tumulong kay Job na mapagtiisan ang mga pagsubok ng buhay. Bahagi ito ng dakilang plano ng kaligayahan na ibinigay sa atin ng Ama. Tinulutan Niya ang Kanyang Anak na maglaan, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ng pag-asa na umaaliw sa atin kahit gaano kahirap ang daan pauwi sa Kanya.

Ipinadala ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo para aliwin at palakasin ang mga disipulo ng Panginoon sa kanilang paglalakbay.

Nakita ko ang himalang ito ng kapanatagan pagdating ko sa labas ng chapel kung saan ibinurol ang bata. Kinausap ako ng isang magandang babae na hindi ko nakilala. Sinabi niya na siya ay pumunta sa libing upang makidalamhati at upang magbigay-alo kung kaya niya.

Sinabi niya na siya ay pumunta rin sa libing para gumaan ang nadarama niya. Sinabi niya na ang panganay niyang anak ay namatay kamakailan. Karga niya sa kanyang mga bisig ang isang maliit na magandang batang babae. Lumapit ako at tiningnan ko ang mukha ng nakangiting batang babae. Tinanong ko ang ina ng bata, “Ano’ng pangalan niya?” Mabilis at masaya ang sagot niya, “Joy [po], ang pangalan niya. Ang kagalakan ay laging dumarating pagkatapos ng kalungkutan.”

Nagpapatotoo siya sa akin. Nakita ko na napasakanya ang kapayapaan at kapanatagan na mula sa tanging tunay na pinagmumulan nito. Diyos lamang ang nakaaalam sa niloloob ng ating mga puso, at Siya lamang ang totoong makapagsasabi na, “Alam ko ang nadarama mo.” Kaya nakikinita ko kapwa ang kagalakan at kalungkutang nauna rito, ngunit ganap itong alam ng Panginoong nagmamahal sa kanya.

Bahagi lamang ng nadarama Niyang galak ang batid ko sa tuwing kayo, bilang Kanyang mga disipulo, ay tumutulong sa Kanya sa paghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa anak ng ating Ama sa Langit.

Pinatototohanan ko na iniutos ng Panginoon sa bawat isa sa atin, na Kanyang mga disipulo, na tulungan ang isa’t isa na pagaanin ang mga pasanin. Nangako tayong gagawin ito. Pinatototohanan ko na ang Panginoon, sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ay kinalag ang gapos ng kapangyarihan ng kamatayan. Nagpapatotoo ako na isinusugo ng buhay na Cristo ang Espiritu Santo, ang Mang-aaliw, sa mga ipinangako natin sa Kanya na aaliwin.

Kayong lahat ay saksi, tulad ko, sa katotohanan ng nakasulat sa pin na mahigit dalawampung taong suot ng aking ina bilang miyembro ng Relief Society general board. Nakasaad doon, “Ang Pag-ibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman.”9 Hindi ko rin alam ang buong kahulugan ng mga salitang iyon. Pero nasusulyapan ko ito sa tuwing makikita ko siyang tumutulong sa mga nangangailangan. Sinasabi sa atin ng banal na kasulatan ang katotohanang ito: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.”10

Hindi kailanman nagkukulang ang kanyang pagmamahal, at nadarama natin tuwina sa ating mga puso ang hangaring “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”11 Hindi rin kailanman mapapawi ang kapayapaan na ipinangako Niya habang pinaglilingkuran natin ang iba para sa Kanya.

Bilang Kanyang saksi, ipinaaabot ko ang pasasalamat sa ginagawa ninyo nang husto para sa buhay na Panginoong Jesucristo at sa Espiritu Santo, ang Mang-aaliw, sa pagpapalakas ng mga tuhod ng mahihina at pagtataas ng mga kamay na nakababa.12 Nagpapasalamat ako, nang buong puso, sa mga babae sa aking buhay na nakatulong sa akin at nagpala sa akin bilang tunay na disipulo ni Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.