2010–2019
Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot
Abril 2015


16:21

Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot

Di-tulad ng makamundong takot na lumilikha ng pangamba at pagkabalisa, ang takot sa Diyos ay pinagmumulan ng kapayapaan, katiyakan, at tiwala.

Malinaw kong naaalala ang isang karanasan noong bata pa ako. Isang araw habang naglalaro kami ng mga kaibigan ko, di-sinasadyang nabasag ko ang bintana ng isang tindahan malapit sa bahay namin. Nang madurog ang salamin at tumunog nang malakas ang security alarm, nanigas sa takot ang aking puso’t isipan. Agad kong naisip na makukulong ako habang buhay. Kalaunan ay hinimok ako ng aking mga magulang na lumabas mula sa aking pinagtataguan sa ilalim ng kama at tinulungan akong humingi ng tawad sa may-ari ng tindahan. Mabuti na lang, hindi ako ipinakulong.

Ang takot na nadama ko noong araw na iyon ay sagad at totoo. Walang dudang nakaranas na kayo ng mas matinding takot matapos malaman ang isang personal na problema sa kalusugan, matuklasan na nahihirapan o nanganganib ang buhay ng isang kapamilya, o mapuna ang nakagagambalang mga pangyayari sa mundo. Sa gayong mga pagkakataon, dumarating ang nakababalisang takot dahil sa nakaambang panganib, kawalang-katiyakan, o sakit at sa pamamagitan ng mga karanasang di-inaasahan, na kung minsan ay bigla, at malamang na hindi maganda ang kalalabasan.

Sa ating pang-araw-araw na buhay, maaaring magdulot ng takot at pangamba ang walang-katapusang mga ulat tungkol sa karahasan ng mga kriminal, taggutom, mga digmaan, katiwalian, terorismo, lumalalang imoralidad, sakit, at mapaminsalang mga kalamidad. Tunay ngang nabubuhay tayo sa panahong ipinropesiya ng Panginoon: “At sa araw na iyon … ang buong mundo ay magkakagulo, at ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay” (D at T 45:26).

Ang layunin ko ay ipaliwanag kung paano napapawi ang takot sa pamamagitan ng tamang kaalaman at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Dalangin ko na pagpalain ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang magkasama nating pinag-iisipan ang mahalagang paksang ito.

Takot sa Buhay

Nang marinig ang tinig ng Diyos matapos kumain ng bawal na bunga, nagtago sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Tinawag ng Diyos si Adan at tinanong, “Saan ka naroon? At [sumagot si Adan], Narinig ko ang iyong tinig … , at ako’y natakot” (Genesis 3:9–10). Kapansin-pansin na ang isa sa mga unang epekto ng Pagkahulog ay pagkaramdam ng takot nina Adan at Eva. Ang matinding damdaming ito ay isang mahalagang bahagi ng ating buhay sa mundo.

Tampok sa isang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon ang kapangyarihan ng kaalaman tungkol sa Panginoon (tingnan sa II Ni Pedro 1:2–8; Alma 23:5–6) na pawiin ang takot at magbigay ng kapayapaan kahit nahaharap tayo sa malaking kagipitan.

Sa lupain ng Helam, natakot ang mga tao ni Alma sa sumusugod na hukbo ng mga Lamanita.

“Subalit humayo si Alma at tumindig sa gitna nila, at pinagpayuhan sila na hindi dapat matakot, kundi … alalahanin ang Panginoon nilang Diyos at kanyang ililigtas sila.

“Anupa’t nabawasan ang kanilang pagkatakot” (Mosias 23:27–28).

Pansinin na hindi binawasan ni Alma ang takot ng mga tao. Bagkus, pinayuhan ni Alma ang mga naniniwala na alalahanin ang Panginoon at ang pagliligtas na Siya lamang ang maaaring magkaloob (tingnan sa 2 Nephi 2:8). At ang kaalaman tungkol sa nagpoprotektang pangangalaga ng Tagapagligtas ay nagbigay-kakayahan sa mga tao na bawasan ang sarili nilang takot.

Ang tamang kaalaman tungkol sa at pananampalataya sa Panginoon ay nagbibigay-kakayahan sa atin na bawasan ang ating takot dahil si Jesucristo ang tanging pinagmumulan ng walang-maliw na kapayapaan. Ipinahayag Niya, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23).

Ipinaliwanag din ng Panginoon, “Siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23).

Ang tiwala at pananalig kay Cristo at kusang pag-asa sa Kanyang mga kabutihan, awa, at biyaya ay humahantong sa pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moroni 7:41). Ang gayong pananampalataya at pag-asa ay inaanyayahan sa ating buhay ang tamis ng kapayapaan ng budhi na hangad nating lahat. Ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay ginagawang posible ang pagsisisi at sinusugpo ang kawalang-pag-asang dulot ng kasalanan; pinalalakas din tayo nitong makita, magawa, at maging mahusay sa mga paraang hinding-hindi natin makikita o maisasagawa gamit ang ating limitadong kakayahan bilang mortal. Totoo, isa sa mga dakilang pagpapala ng tapat na pagkadisipulo “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Filipos 4:7).

Ang kapayapaang bigay ni Cristo ay tinutulutan tayong tingnan ang mortalidad sa pamamagitan ng natatanging pananaw ng kawalang-hanggan at nagbibigay ng espirituwal na kapanatagan (tingnan sa Colosas 1:23) na tumutulong sa atin na manatiling nakatuon sa ating hantungan sa langit. Sa gayon, maaari tayong pagpalaing mabawasan ang ating takot dahil nagbibigay ng layunin at direksyon ang Kanyang doktrina sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ang Kanyang mga ordenansa at tipan ay nagpapatibay at nagpapanatag kapwa sa panahon ng kabutihan at kasamaan. At ang Kanyang awtoridad ng priesthood ay nagbibigay ng katiyakan na ang mga bagay na pinakamahalaga ay maaaring magtagal sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Ngunit mababawasan ba natin ang takot na napakadali at napakadalas bumagabag sa atin sa kasalukuyang mundong ito? Ang sagot sa tanong na ito ay isang maliwanag na “oo.” May tatlong pangunahing alituntuning mahalaga sa pagtanggap ng pagpapalang ito sa ating buhay: (1) umasa kay Cristo, (2) sumalig sa pundasyon ni Cristo, at (3) sumulong nang may pananampalataya kay Cristo.

Umasa Kay Cristo

Ang payong ibinigay ni Alma sa kanyang anak na si Helaman ay angkop na angkop sa bawat isa sa atin ngayon: “Oo, tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay [ka]” (Alma 37:47). Dapat tayong umasa at magtuon nang husto sa Tagapagligtas sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.

Gunitain kung ano ang nangyari noong ang mga Apostol ng Panginoon ay nasa isang barko, na sinisiklut-siklot sa gitna ng dagat. Nagpunta si Jesus sa kanila, na naglalakad sa tubig; ngunit hindi nila Siya nakilala, at humiyaw sila sa takot.

“Nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.

“At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

“At sinabi niya, Halika” (Mateo 14:27–29).

At naglakad si Pedro sa tubig patungo kay Jesus

“Datapuwa’t pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya,” nagsimulang lumubog, at malakas na nagsabi, “Panginoon, iligtas mo ako.

“At pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya’y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka [nag-alinlangan]?” (Mateo 14:30–31).

Nakikinita ko si Pedro na tumutugon nang taimtim at kaagad sa paanyaya ng Tagapagligtas. Habang nakatuon ang kanyang mga mata kay Jesus, humakbang siya palabas ng bangka at mahimalang naglakad sa tubig. Natakot lamang siya at nagsimulang lumubog nang malihis ang kanyang tingin sa hangin at mga alon.

Mapagpapala tayong magapi ang ating takot at mapatatag ang ating pananampalataya kapag sinunod natin ang tagubilin ng Tagapagligtas: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36).

Sumalig sa Pundasyon ni Cristo

Sinabi ni Helaman sa kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Mga ordenansa at tipan ang mga saligang batong ginagamit natin sa pagtatayo ng ating buhay sa pundasyon ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ligtas tayong nakaugnay sa Tagapagligtas kapag marapat nating tinanggap ang mga ordenansa at pumasok sa mga tipan, tapat nating inalala at iginalang ang mga sagradong pangakong iyon, at ginawa natin ang lahat para mamuhay alinsunod sa mga obligasyong tinanggap natin. At ang bigkis na iyon ang pinagmumulan ng espirituwal na lakas at katatagan sa lahat ng panahon ng ating buhay.

Maaari tayong pagpalaing mabawasan ang ating takot kapag matatag nating itinatag ang ating mga hangarin at gawain sa tiyak na pundasyon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating mga ordenansa at tipan.

Sumulong nang May Pananampalataya Kay Cristo

Ipinahayag ni Nephi: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Ang disiplinadong pagtitiis na inilarawan sa talatang ito ay resulta ng espirituwal na pang-unawa at pananaw, pagpupumilit, pagtitiyaga, at biyaya ng Diyos. Ang pagsampalataya sa banal na pangalan ni Jesucristo, mapakumbabang pagsuko sa Kanyang kalooban at takdang oras sa ating buhay, at mapakumbabang pagkilala sa Kanyang kamay sa lahat ng bagay ay nagdudulot ng payapang mga bagay ng kaharian ng Diyos na naghahatid ng kagalakan at buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 42:61). Kahit maharap tayo sa mga paghihirap at kawalang-katiyakan ng hinaharap, maaari tayong magsumigasig nang masaya at mabuhay nang “payapa [nang] buong kabanalan at kahusayan” (I Kay Timoteo 2:2).

Maaari tayong pagpalaing mabawasan ang ating takot kapag tinanggap natin ang tibay ng loob na dumarating mula sa pagkaalam at pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at may matibay na pagpapasiya na sumulong sa landas ng tipan.

Ang Takot sa Panginoon

Naiiba ngunit nauugnay sa mga takot na madalas nating madama ang tinatawag sa mga banal na kasulatan na “katakutan [sa Diyos]” (Sa Mga Hebreo 12:28) o “pagkatakot sa Panginoon” (Job 28:28; Mga Kawikaan 16:6; Isaias 11:2–3). Di-tulad ng makamundong takot na lumilikha ng pangamba at pagkabalisa, ang takot sa Diyos ay pinagmumulan ng kapayapaan, katiyakan, at tiwala.

Ngunit paano nakalulugod o espirituwal na nakakatulong ang anumang may kaugnayan sa takot?

Ang matwid na takot na pinipilit kong ilarawan ay kinapapalooban ng malalim na pagpipitagan, paggalang, at paghanga sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa Mga Awit 33:8; 96:4), pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Deuteronomio 5:29; 8:6; 10:12; 13:4; Mga Awit 112:1), at pag-asam sa Huling Paghuhukom at katarungan sa Kanyang kamay. Sa gayon, ang takot sa Diyos ay nagmumula sa tamang pagkaunawa sa likas na kabanalan at misyon ng Panginoong Jesucristo, kahandaang isuko ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, at sa kaalaman na bawat lalaki at babae ay mananagot sa kanyang sariling mga kasalanan sa Araw ng Paghuhukom (tingnan sa D at T 101:78; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2).

Tulad ng pinagtitibay sa mga banal na kasulatan, takot sa Diyos “ang pasimula ng kaalaman” (Mga Kawikaan 1:7), “turo ng karunungan” (Mga Kawikaan 15:33), “matibay na pagkakatiwala” (Mga Kawikaan 14:26), at “bukal ng kabuhayan” (Mga Kawikaan 14:27).

Pansinin lamang na ang takot sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa pag-unawa sa Huling Paghuhukom at sa ating indibiduwal na pananagutan para sa ating mga hinahangad, iniisip, sinasabi, at ginagawa (tingnan sa Mosias 4:30). Ang takot sa Panginoon ay hindi isang pangamba tungkol sa pagpasok sa Kanyang presensya upang mahatulan. Hindi ako naniniwala na matatakot tayo sa Kanya. Bagkus, ito ang pag-asam na harapin sa Kanyang presensya ang mga bagay tungkol sa ating tunay na pagkatao at magkaroon ng “ganap na kaalaman” (2 Nephi 9:14; tingnan din sa Alma 11:43) ng lahat ng ating pangangatwiran, pagkukunwari, at pandaraya sa sarili. Sa huli, wala na tayong maikakatwiran.

Bawat taong nabuhay o mabubuhay pa sa ibabaw ng lupa ay “dadalhin upang tumayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, upang hatulan niya alinsunod sa [kanyang] mga gawa maging mabuti man yaon o maging yaon man ay masama” (Mosias 16:10). Kung ang ating mga ninanais ay para sa kabutihan at ang ating mga ginagawa ay mabuti, magiging kasiya-siya ang pagharap sa hukuman ng Diyos (tingnan sa Jacob 6:13; Enos 1:27; Moroni 10:34). At sa huling araw tayo’y “gagantimpalaan sa kabutihan” (Alma 41:6).

Sa kabilang dako, kung ang ating mga hinahangad ay para sa kasamaan at ang ating mga ginagawa ay masama, matatakot tayong humarap sa hukuman. “Tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos; at tayo ay magagalak kung ating mauutusan ang mga bato at ang mga bundok na bumagsak sa atin upang itago tayo mula sa kanyang harapan” (Alma 12:14). At sa huling araw tayo’y “magtatamo ng [ating] gantimpala na masama” (Alma 41:5).

Tulad ng ibinuod sa Eclesiastes:

“Ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.

“Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama” (Eclesiastes 12:13–14).

Minamahal kong mga kapatid, pinapawi ng makadiyos na takot ang mortal na takot. Sinusupil pa nito ang malagim na alalahanin na kailanma’y hindi sasapat ang ating espirituwal na kabutihan at hindi natin magagampanan ang mga ipinagagawa at inaasahan ng Panginoon. Ang totoo, hindi magiging sapat ang ating kabutihan o hindi natin magagampanan ang lahat na nakaasa lamang sa sarili nating kakayahan at pagganap. Hindi tayo inililigtas at hindi tayo maililigtas ng ating mga ginagawa at hinahangad lamang. “Sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23), magiging ganap lamang tayo sa pamamagitan ng awa at biyayang hatid ng walang-katapusan at walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 34:10, 14). Walang alinlangang, “naniniwala [tayo] na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).

Ang takot sa Diyos ay ang mahalin at magtiwala sa Kanya. Kapag mas lubos ang takot natin sa Diyos, mas lubos natin Siyang mahal. At “ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot” (Moroni 8:16). Ipinapangako ko na ang maningning na liwanag ng pag-asang dulot ng takot sa Diyos ay papawi sa dilim ng kawalan ng pag-asang dulot ng mga takot natin sa buhay (tingnan sa D at T 50:25) kapag umasa tayo sa Tagapagligtas, sumalig tayo sa Kanya bilang ating pundasyon, at sumulong sa landas ng Kanyang tipan nang may buong katapatan.

Patotoo at Pangako

Mahal ko at sinasamba ko ang Panginoon. Ang Kanyang kapangyarihan at kapayapaan ay tunay. Siya ang ating Manunubos, at pinatototohanan ko na Siya ay buhay. At dahil sa Kanya, hindi kailangang maligalig o matakot man ang ating puso (tingnan sa Juan 14:27), at pagpapalain tayong mabawasan ang ating takot. Pinatototohanan ko ito sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.