2010–2019
Naghihintay sa Alibughang Anak
Abril 2015


10:24

Naghihintay sa Alibughang Anak

Nawa’y makatanggap tayo ng paghahayag na malaman kung paano pinakamainam na matutulungan ang mga tao sa ating buhay na nalihis ng landas.

Ginugol ng Tagapagligtas ang Kanyang ministeryo sa lupa sa pagtuturo ng tungkol sa Kanyang nagpapagaling at nakatutubos na kapangyarihan. Sa isang pagkakataon sa Lucas kabanata 15 sa Bagong Tipan, Siya ay talagang kinutya sa pagsalo sa pagkain at pag-uukol ng oras sa mga makasalanan (tingnan sa Lucas 15:2). Ginamit ng Tagapagligtas ang pangungutyang ito bilang pagkakataon upang ituro sa ating lahat kung paano tutulungan ang mga taong nalihis ng landas.

Sinagot Niya ang mga nangungutya sa Kanya sa pamamagitan ng dalawang mahahalagang tanong:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?” (Lucas 15:4).

“Aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito’y masumpungan niya?” (Lucas 15:8).

Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa alibughang anak. Ang talinghagang ito ay hindi tungkol sa 100 tupa o 10 piraso ng pilak; ito ay tungkol sa isang minamahal na anak na nalihis ng landas. Sa pamamagitan ng talinghaga, ano ang itinuturo sa atin ng Tagapagligtas tungkol sa pagtulong na gagawin natin kapag nalihis ng landas ang isang miyembro ng pamilya?

Ipinaalam ng alibughang anak sa kanyang ama na gusto na niyang kunin kaagad ang kanyang mana. Nais niyang lisanin ang kanyang tahanan at pamilya na nagpoprotekta sa kanya at naghangad na mamuhay ayon sa paraan ng mundo (tingnan sa Lucas 15:12–13). Pansinin na sa talinghaga ng Tagapagligtas, magiliw na ibinigay ng ama ang mana sa kanyang anak. Tiyak na ginawa ng ama ang lahat ng kanyang makakaya para makumbinsi ang anak na huwag umalis. Gayunman, nang magpasiya na ang nasa hustong gulang na anak, hinayaan ng matalinong ama na umalis ito. Pagkatapos ang ama ay nagpakita ng taos-pusong pagmamahal, at siya ay umasam at naghintay (tingnan sa Lucas 15:20).

Ang pamilya ko ay may gayon ding karanasan. Kami ng aking dalawang matatapat na kapatid na lalaki at kahanga-hangang kapatid na babae ay pinalaki ng mabubuting magulang. Itinuro sa amin ang ebanghelyo sa aming tahanan, hanggang sa naglakihan kami, at kaming apat ay ibinuklod sa aming mga asawa sa templo. Gayunman, noong 1994 ang kapatid naming si Susan, ay hindi nasiyahan sa Simbahan at sa ilan sa mga turo nito. Siya ay naimpluwensyahan ng mga taong nangungutya at namimintas sa mga unang lider ng Simbahan. Hinayaan niyang maglaho ang kanyang paniniwala sa buhay na mga propeta at apostol. Sa paglipas ng panahon, dinaig ng kanyang pag-aalinlangan ang kanyang pananampalataya, at pinili niyang lisanin ang Simbahan. Pinahintulutan ako ni Susan na ibahagi ang kanyang kuwento sa pag-asang makakatulong ito sa iba.

Labis ang kalungkutan naming magkakapatid at ng balo naming ina. Hindi namin maubos-maisip kung ano kaya ang nagtulak sa kanya para talikuran ang kanyang pananampalataya. Ang mga ginawang pagpili ng kapatid ko ay nagdulot ng matinding dalamhati sa aking ina.

Kaming magkakapatid ay naglingkod bilang mga bishop at quorum president at naranasan ang kagalakan ng tagumpay sa pagsagip sa mga miyembro ng ward at korum kapag iniiwan namin ang siyamnapu’t siyam at hinahanap ang isa. Gayunpaman, sa sitwasyon ng aming kapatid, ang aming pagsisikap na sagipin siya at anyayahan siyang bumalik ay lalo lamang nagtulak sa kanya palayo.

Habang humihingi kami ng patnubay sa langit tungkol sa maaaring tamang pagtulong sa kanya, naging malinaw na kailangan naming tularan ang halimbawa ng ama sa talinghaga tungkol sa alibughang anak. Nagpasiya na si Susan, at kailangang hayaan namin siya—ngunit ipinaalam at ipinadama namin sa kanya na mahal namin siya nang buong puso. At gayon nga, taglay ang ibayong pagmamahal at kabaitan, umasam at naghintay kami.

Hindi tumigil ang nanay ko sa pagmamahal at pagmamalasakit kay Susan. Tuwing pumupunta si Inay sa templo, inilalagay niya ang pangalan ni Susan sa prayer roll, at hindi kailanman nawalan ng pag-asa. Ang kuya ko at kanyang asawa, na pinakamalapit ang tirahan kay Susan sa California, ay inanyayahan siya sa lahat ng okasyon ng pamilya. Naghanda sila ng hapunan sa tahanan nila taun-taon sa kaarawan ni Susan. Tiniyak nila na palagi nila siyang nakakausap at na alam niya na talagang mahal nila siya.

Ang aking nakababatang kapatid na lalaki at kanyang asawa ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga anak ni Susan sa Utah at pinagmalasakitan at minahal sila. Tiniyak nila na ang kanyang mga anak ay laging naiimbita sa pagtitipon ng pamilya, at nang bininyagan na ang apong babae ni Susan, naroon ang kapatid ko para isagawa ang ordenansa. May mapagmahal na mga home teacher at visiting teacher din si Susan na hindi kailanman sumuko.

Nang magmisyon at ikasal ang aming mga anak, imbitado si Susan at dinaluhan ang mga pagdiriwang na ito ng pamilya. Pinagsikapan naming magkaroon ng mga okasyon sa pamilya para makasama namin si Susan at ang kanyang mga anak at malaman nila, higit sa lahat, na mahal namin sila at bahagi sila ng aming pamilya. Nang tumanggap si Susan ng advanced degree sa unibersidad ng California, dumalo kaming lahat sa kanyang graduation. Bagama’t hindi namin matatanggap ang lahat ng kanyang pinili, tiyak namang tinatanggap namin siya. Kami ay nagmahal, umasam at naghintay.

Noong 2006, 12 taon na ang lumipas mula nang umalis si Susan sa Simbahan, ang aming anak na si Katy ay lumipat kasama ang kanyang asawa sa California para mag-aral ito ng abugasiya. Iisang lungsod ang tinitirhan nila ni Susan. Humingi ang batang mag-asawang ito ng tulong at suporta sa kanilang tiya Susan, at kanilang minahal siya. Tumulong si Susan sa pag-aalaga sa dalawang-taong-gulang na apo namin na si Lucy, at natagpuan ni Susan ang kanyang sarili na tinutulungan si Lucy sa pagdarasal nito gabi-gabi. Isang araw tinawagan ako ni Katy at nagtanong kung naisip ko na babalik pa si Susan sa Simbahan. Tiniyak ko sa kanya na pakiramdam ko ay babalik siya at na kailangan naming patuloy na magtiyaga. Tatlong taon pa ang lumipas, sa patuloy na pagmamahal, kami ay umasam at naghintay.

Anim na taon na ang lumipas ngayong araw na ito, kami ng asawa kong si Marcia ay nakaupo sa harapan ng Conference Center na ito. Ako ay sasang-ayunan bilang bagong General Authority noong araw na iyon. Si Marcia, na palaging nakadarama ng paghihikayat ng Espiritu, ay nag-abot ng maikling sulat sa akin at ganito ang nakasaad, “Palagay ko panahon na para bumalik si Susan.” Iminungkahi ng anak kong si Katy na lumabas ako at tumawag kay Susan para anyayahan siya na panoorin ang pangkalahatang kumperensya noong araw na iyon.

Dahil nahikayat ng dalawang mababait na babaeng ito, nagpunta ako sa bulwagan at tinawagan ang kapatid ko. Nag-iwan ako ng mensahe sa kanyang voice mail at inanyayahan ko siya na panoorin ang sesyon na iyon ng pangkalahatang kumperensya. Natanggap niya ang mensahe. Tuwang-tuwa kami dahil nahikayat siyang panoorin ang lahat ng sesyon sa kumperensya. Pinakinggan niya ang mga propeta at apostol na minahal niya noon. Narinig niya ang mga bagong pangalan na hindi niya narinig noon, tulad nina Pangulong Uchtdorf at Elder Bednar, Elder Cook, Elder Christofferson, at Elder Andersen. Sa kaganapang ito at iba pang karanasan na kakaiba at inspirasyon ng langit, ang aking kapatid—tulad ng alibughang anak—ay nakapag-isip nang mabuti (tingnan sa Lucas 15:17). Ang mga salita ng mga propeta at apostol at ang pagmamahal ng kanyang pamilya ay naghikayat sa kanya na bumalik at magsimulang umuwi. Makalipas ang 15 taon ang aking kapatid na nawala ay natagpuan. Natapos ang pag-asam at paghihintay.

Inilarawan ni Susan ang karanasang ito tulad ng paglalarawan ni Lehi dito sa Aklat ni Mormon. Bumitiw siya sa gabay na bakal at natagpuan ang sarili sa abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 8:23). Sinabi niya na hindi niya alam na nawala na siya hanggang sa muling magising ang kanyang pananampalataya ng Liwanag ni Cristo, na ipinakita nang malinaw ang pagkakaiba ng naranasan niya sa mundo sa ibinibigay ng Panginoon at ng kanyang pamilya.

Isang himala ang nangyari sa nakaraang anim na taon. Si Susan ay nagkaroon ng panibagong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Siya ay tumanggap ng temple recommend. Naglingkod siya bilang ordinance worker sa templo, at siya sa kasalukuyan ay nagtuturo ng Gospel Doctrine class sa kanyang ward. Ang mga dungawan ng langit ay nabuksan sa kanyang mga anak at apo, at bagama’t may mga hirap, para bang hindi siya kailanman umalis sa Simbahan.

Marami sa inyo, tulad ng pamilya Nielson, ay may mga miyembro ng pamilya na pansamantalang nawala. Ang tagubilin ng Tagapagligtas sa lahat ng may 100 tupa ay iwan ang siyamnapu’t siyam at hanapin at sagipin ang isa. Ang Kanyang tagubilin sa mga taong may 10 piraso ng pilak at nawala ang isa ay hanapin ito hanggang sa matagpuan ito. Kapag ang nawawala ay ang inyong anak na lalaki o babae, kapatid na lalaki o babae, at pinili niyang umalis, natutuhan namin sa aming pamilya na, matapos ang lahat ng aming magagawa, minahal namin ang taong iyon nang buong puso at umasam, nanalangin, at naghintay sa impluwensya ng Panginoon.

Marahil ang pinakamahalagang aral na itinuro sa akin ng Panginoon ay nangyari sa aming pag-aaral ng mga banal na kasulatan pagkaraang lisanin ng kapatid ko ang Simbahan. Ang anak naming si David ang nagbabasa habang sama-sama naming pinag-aaralan ang Lucas 15. Habang binabasa niya ang talinghaga tungkol sa alibughang anak, iba ang narinig ko nang araw na iyon. Sa kung anong dahilan, parang ako ang anak na hindi nilisan ang tahanan. Habang nagbabasa si David nang umagang iyon, natanto ko na sa ilang kaparaanan ako ang alibughang anak. Lahat tayo ay hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Ama (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Kailangan nating lahat ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na magpapagaling sa atin. Lahat tayo ay nawala at kailangang matagpuan. Ang paghahayag na ito ng araw na iyon ay nakatulong sa akin na malaman na kami ng kapatid ko ay kapwa nangangailangan ng pagmamahal at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa katunayan kami ni Susan ay nasa iisang landas pabalik sa Ama sa Langit.

Ang mga salita ng Tagapagligtas sa talinghaga nang ilarawan Niya ang pagsalubong ng ama sa kanyang alibughang anak ay nakakaantig, at naniniwala ako na marahil ganito ang mararanasan natin sa pagbalik natin sa Ama sa ating tahanan sa langit. Nagtuturo ito tungkol sa isang ama na nagmamahal, naghihintay, at umaasam. Narito ang mga salita ng Tagapagligtas: “Datapuwa’t samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, ay siya’y hinagkan” (Lucas 15:20).

Nawa’y makatanggap tayo ng paghahayag na malaman kung paano pinakamainam na matutulungan ang mga tao sa ating buhay na nalihis ng landas at, kung kinakailangan, ay magkaroon ng pagtitiyaga at pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, habang tayo ay nagmamahal, umaasam at naghihintay sa alibughang anak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.