Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma
Si Jesucristo ay nagdusa, namatay, at nagbangon mula sa kamatayan upang tayo ay maiangat Niya tungo sa buhay na walang hanggan.
Walang mga safety rope, harness, o anumang klase ng climbing gear, tinangkang akyatin ng dalawang magkapatid—sina Jimmy, edad 14, at John, edad 19 (binago ang mga pangalan)—ang matarik na bangin sa Snow Canyon State Park sa aking bayan sa southern Utah. Nang malapit na sila sa tuktok na buong hirap nilang inakyat, natuklasan nila na may nakaharang na bato ilang talampakan na lang mula sa tuktok. Hindi sila makalagpas sa batong ito, at hindi na rin sila makaatras. Nagipit sila. Matapos ang maingat na pag-iisip ng paraan, nakahanap ng tuntungan si John para ligtas na maiangat ang kanyang nakakabatang kapatid sa ibabaw ng bato. Pero hindi niya maiangat ang kanyang sarili. Habang lalo niyang pinipilit na makahanap ng makakapitan o matutuntungan, lalong nangalay ang kanyang mga kalamnan. Nakaramdam na siya ng sindak, at natakot na baka mamatay siya.
Dahil nangangawit na siya, nagpasiya si John na ang tanging magagawa niya ay subukang tumalon pataas para makakapit sa ibabaw ng nakausling bahagi ng bato. Kung magtatagumpay siya, ubod-lakas niyang pipiliting iangat nang ligtas ang kanyang sarili.
Ganito ang sabi niya:
“Bago ako tumalon sinabi ko kay Jimmy na maghanap ng matibay na sanga ng puno na maiaabot niya sa akin, kahit alam ko na wala siyang makukuhang ganoon sa mabatong taluktok na ito. Iyon lang ang naisip kong paraan para iwanan niya ako. Sumablay man ang paglundag ko, ang tanging magagawa ko ay tiyakin na hindi makikita ng kapatid ko ang pagkamatay ko.
“Matapos masigurong malayo na siya, inusal ko ang aking huling dalangin—na gusto kong malaman ng pamilya ko na mahal ko sila at na makauwing mag-isa si Jimmy nang ligtas—at saka ako lumundag. Mataas ang paglundag ko kaya nakakapit ako nang halos hanggang siko sa ibabaw ng nakausling bato. Pero nang kapain ko ang ibabaw nito, wala akong ibang nakapa kundi buhangin sa patag na bato. Naaalala ko pa ang gaspang ng buhangin habang takot akong nakabitin doon na walang makapitan—walang nakausli, walang nakaangat, walang masunggaban o mahawakan. Naramdaman ko na unti-unting dumadausdos ang mga daliri ko sa mabuhanging bato. Alam kong mamamatay na ako.
“Ngunit bigla, parang kidlat sa unos ng tag-araw, dalawang kamay ang lumitaw mula sa kung saan sa gilid ng talampas, at sinunggaban ang mga kamay ko at hinatak ako pataas nang buong lakas at determinasyon na parang malalaking kamay. Naghanap ng kunwa-kunwariang sanga ang tapat kong kapatid. Dahil nahulaan niya ang plano kong gawin, hindi siya umalis. Naghintay lang siya—nang tahimik, halos hindi humihinga—alam na alam niya na talagang desperado akong subukang lundagin iyon. Nang gawin ko iyon, sinunggaban niya ako, hinawakan, at hindi hinayaang mahulog. Ang malalakas at mapagmahal na bisig na iyon ng aking kapatid ang sumagip sa akin nang araw na iyon habang nakabitin ako sa matarik na talampas sa harap ng nakaambang kamatayan.”1
Mahal kong mga kapatid, ngayon ay Linggo ng Pagkabuhay. Kahit dapat natin Siyang alalahanin palagi (nangangako tayo sa mga panalangin sa sakramento linggu-linggo na gagawin natin iyan), gayunpaman ito ang pinakasagradong araw ng taon para lalong alalahanin ang mapagmahal at determinadong mga kamay na nag-alay ng buhay upang iligtas tayo mula sa ating pagkahulog at pagkukulang, sa ating mga dusa at kasalanan. Batay sa kuwentong ito ng pamilya nina John at Jimmy, pinasasalamatan ko ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo at kinikilala ang mga naganap sa banal na plano ng Diyos na humantong at nagbigay-kahulugan sa “pag-ibig [na alay] ni Jesus [sa atin].”2
Sa ating lipunan na lalong nagiging sekular, hindi karaniwan na gugustuhing pag-usapan sina Eva at Adan o ang kanilang “mapalad na pagkahulog” tungo sa mortalidad. Gayunpaman, ang simpleng katotohanan ay na hindi natin lubos na mauunawaan ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo at hindi natin sapat na mapapahalagahan ang kakaibang layunin ng Kanyang pagsilang o Kanyang kamatayan—sa madaling salita, walang paraan para tunay nating maipagdiwang ang Pasko o Pasko ng Pagkabuhay—nang hindi lubos na nauunawaan na totoong may Eva at Adan na pinaalis sa Eden, at dumanas ng lahat ng bunga ng pagkahulog.
Hindi ko alam ang mga detalye ng nangyari sa mundong ito bago iyan, ngunit alam ko na ang dalawang ito ay nilikha ng Diyos na banal, na sila lamang ang nakatira noon sa isang paraiso kung saan hindi sila daranas ng kamatayan ni magkakaroon ng pamilya, at dahil sa sunud-sunod nilang mga pagpili ay lumabag sila sa utos ng Diyos kaya’t kinailangan nilang lisanin ang paraiso ngunit ito ang naging daan para magkaroon sila ng mga anak bago sila mamatay.3 Maliban pa sa malungkot at mahirap na sitwasyon, may espirituwal na bunga rin ang kanilang paglabag, kaya nawalay sila sa presensya ng Diyos magpakailanman. Dahil tayo ay isinilang sa makasalanang daigdig na iyon at dahil tayo man ay lalabag sa mga batas ng Diyos, papatawan din tayo ng mga parusang ipinataw kina Eva at Adan.
Kalunus-lunos na kalagayan! Ang buong sangkatauhan ay nahuhulog na lahat—bawat lalaki, babae, at bata ay napapalapit sa permanenteng temporal na kamatayan, napapalapit sa walang-hanggang espirituwal na kalungkutan. Iyan ba ang kahulugan ng buhay? Ito na ba ang katapusan ng buhay ng tao? Lahat ba tayo ay mananatili na lang na nakabitin sa malamig na talampas sa malupit na sansinukob, bawat isa ay naghahanap ng matutuntungan, bawat isa ay naghahanap ng anumang makakapitan—walang anumang makapa kundi mga buhanging lumulusot sa ating mga daliri, walang makasagip, walang mahawakan, at walang humahawak? Ang layunin lang ba natin sa buhay ay umiral nang walang kabuluhan—tumalon lang nang mataas hangga’t kaya natin, magtiis hanggang sa umabot nang 70 anyos, pagkatapos ay magkasala at mahulog, at patuloy na mahulog magpakailanman?
Ang sagot sa mga tanong na iyon ay malinaw at walang-katapusang hindi! Katulad ng mga propeta noon at ngayon, pinatototohanan ko na “lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.”4 Kaya, mula nang lisanin ng unang mga magulang na iyon ang Halamanan ng Eden, ang Diyos at Ama nating lahat, na inasam ang pasiya nina Eva at Adan, ay nagsugo ng mga anghel mula sa langit upang sabihin sa kanila—at sa atin—na lahat ng pangyayaring ito ay nilayon para sa ating walang-hanggang kaligayahan. Bahagi ng Kanyang banal na plano, na naglaan ng Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos mismo—ang isa pang “Adam” na siyang itatawag sa Kanya ni Apostol Pablo5—na darating sa kalagitnaan ng panahon upang magbayad-sala para sa paglabag ng unang Adan. Ang Pagbabayad-sala ay lubusang magtatagumpay laban sa pisikal na kamatayan, na magkakaloob ng pagkabuhay na mag-uli nang walang kundisyon sa bawat taong isinilang at isisilang sa daigdig na ito. Mabuti na lang at maglalaan din ito ng kapatawaran para sa personal na mga kasalanan ng lahat, mula kay Adan hanggang sa katapusan ng mundo, kapalit ng pagsisisi at pagsunod sa mga utos ng Diyos.
Bilang isa sa inorden Niyang mga saksi, ipinapahayag ko sa umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay na si Jesus ng Nazaret ang Tagapagligtas na iyon ng sanlibutan noon at ngayon, ang “huling Adam,”6 ang May-akda at Tagatapos ng ating pananampalataya, ang Alpha at Omega ng buhay na walang hanggan. “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin,”7 pahayag ni Pablo. At mula sa propeta at patriyarkang si Lehi: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon. … At ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog.”8 Higit sa lahat, itinuro ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon bilang bahagi ng dalawang araw niyang sermon tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na “ang pagkabuhay na mag-uli ay tiyak … na [darating] … dahil sa pagkahulog.”9
Kaya sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kaloob na tagumpay sa lahat ng bawat kabiguang naranasan natin, bawat lungkot, bawat panghihina ng loob, bawat takot na naramdaman natin—at mangyari pa ipinagdiriwang din natin ang mga kaloob na pagkabuhay na mag-uli mula sa kamatayan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan. Ang tagumpay na iyan ay makakamtan natin dahil sa mga nangyari sa Jerusalem sa araw na katulad nito mahigit dalawang milenyo na ang nakalipas.
Simula sa espirituwal na pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, hanggang sa Pagpapako sa krus sa Kalbaryo, at nagtapos sa magandang Linggo ng umaga sa loob ng bigay na libingan, isang walang kasalanan, dalisay, at banal na tao, ang Anak ng Diyos mismo, ay ginawa ang hindi pa nagawa ni magagawa kailanman ng sinumang taong pumanaw. Sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan, nagbangon Siya mula sa kamatayan, upang hindi na muling mahiwalay pa ang Kanyang katawan sa Kanyang espiritu. Sa Kanyang sariling kagustuhan, hinubad Niya ang damit na pamburol, at maingat na inilagay ang panyong nakatakip sa kanyang mukha “na bukod na natitiklop sa isang tabi,”10 sabi sa banal na kasulatan.
Ang unang magkasunod na Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli sa Pasko ng Pagkabuhay ang bumubuo sa pinakamahalagang sandali, pinakabukas-palad na kaloob, pinakamatinding sakit, at pinakadakilang pagpapamalas ng dalisay na pag-ibig na ipinamalas sa kasaysayan ng mundong ito. Si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay nagdusa, namatay, at nagbagon mula sa kamatayan upang mahawakan Niya tayo, na parang kidlat sa unos ng tag-araw, kapag nahulog tayo, mahawakan tayo nang buo Niyang lakas, at sa pamamagitan ng pagsunod natin sa Kanyang mga utos, iangat tayo sa buhay na walang hanggan.
Sa Paskong ito ng Pagkabuhay pinasasalamatan ko Siya at ang Ama, na nagbigay sa Kanya sa atin, na si Jesus ay tagumpay pa rin laban sa kamatayan, bagama’t nakatayo Siya na sugatan ang mga paa. Sa Paskong ito ng Pagkabuhay pinasasalamatan ko Siya at ang Ama, na nagbigay sa Kanya sa atin, na nag-aabot pa rin Siya ng walang-katapusang biyaya, bagama’t inaabot Niya ito nang may sugatang mga palad at mga pulsong may pilat. Sa Paskong ito ng Pagkabuhay pinasasalamatan ko Siya at ang Ama, na nagbigay sa Kanya sa atin, nang tayo’y makaawit tungkol sa halamanang napawisan ng dugo, sa krus na pinakuan, at sa libingang walang laman:
Dakila, mal’walhati’t sadyang ganap
Hangaring tayo’y matubos.
Pag-ibig, awa at katarungan
Ay nagtutugma nang lubos!11
Sa sagradong pangalan ng nabuhay na mag-uling Panginoong Jesucristo, amen.