2010–2019
Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya
Abril 2015


Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya

Ang pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos.

Sa ibabaw ng Great West Door ng bantog na Westminster Abbey sa London, England, nakatayo ang estatuwa ng 10 Kristiyanong martir ng ika-20 siglo. Kabilang sa kanila si Dietrich Bonhoeffer, isang matalinong German theologian na isinilang noong 1906.1 Hayagang tinuligsa ni Bonhoeffer ang diktadura ng mga Nazi at ng pagtrato nito sa mga Judio at sa iba pa. Siya ay ibinilanggo dahil sa kanyang matinding pagsalungat at sa huli ay pinatay sa isang concentration camp. Maraming kathang naisulat si Bonhoeffer, at ilan sa kanyang mga pinakakilalang akda ay ang mga liham na naipuslit niya sa bilangguan sa tulong ng nakikisimpatiyang mga guwardya, na kalaunan ay inilathala bilang Letters and Papers from Prison.

Ang isa sa mga liham na iyon ay para sa kanyang ikakasal na pamangking babae. Naglalaman ito ng mga makabuluhang pananaw na ito: “Ang pag-aasawa ay higit pa sa pag-ibig ninyo sa isa’t isa. … Sa inyong pag-iibigan sa inyong dalawa lang umiikot ang mundo ninyo, ngunit sa pag-aasawa ay nagsisilbi kayong kawing sa mga henerasyon, na tinulutan ng Diyos na pumarito sa lupa at bumalik sa kanyang kaluwalhatian, at pumasok sa kanyang kaharian. Sa inyong pag-iibigan ang nakikita lamang ninyo ay sariling kaligayahan, ngunit sa pag-aasawa ay nagkakaroon kayo ng responsibilidad sa mundo at sa sangkatauhan. Ang inyong pag-iibigan ay sarili ninyong pag-aari, ngunit ang pag-aasawa ay hindi lang pansarili—ito ay isang katayuan, isang katungkulan. Tulad ng ang korona, at hindi lamang ang kagustuhang mamuno, ang naglalarawan sa isang hari, gayon din ang pag-aasawa, at hindi lamang ang inyong pag-iibigan, ang nagbubuklod sa inyo sa paningin ng Diyos at ng tao. … Kaya ang pag-ibig ay nagmumula sa inyo, ngunit ang pag-aasawa ay nagmumula sa itaas, mula sa Diyos.”2

Sa anong paraan nahihigitan ng pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae ang kanilang pag-iibigan at ang sarili nilang kaligayahan upang magkaroon “ng responsibilidad sa mundo at sa sangkatauhan”? Sa anong paraan ito nagmumula “sa itaas, sa Diyos”? Para maunawaan ito, kailangan tayong bumalik sa simula.

Inihayag na ng mga propeta na nabuhay muna tayo bilang mga katalinuhan at na pinagkalooban tayo ng anyo, o mga espiritung katawan, ng Diyos, kaya tayo naging Kanyang mga espiritung anak—mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit.3 Dumating ang panahon sa premortal na buhay na ito ng mga espiritu kung kailan, sa hangad Niyang magkaroon tayo ng “pribilehiyong umunlad na katulad niya,”4 naghanda ng plano ang ating Ama sa Langit upang maisakatuparan iyan. Sa mga banal na kasulatan iba’t iba ang tawag dito, kabilang na ang “plano ng kaligtasan,”5 “dakilang plano ng kaligayahan,”6 at “plano ng pagtubos.”7 Ang dalawang pangunahing layunin ng plano ay ipinaliwanag kay Abraham sa mga salitang ito:

“At may isang nakatayo sa kanila na tulad ng Diyos, at kanyang sinabi sa mga yaong kasama niya: Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng mundo kung saan [ang mga espiritu ay] makapaninirahan;

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; … at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.”8

Salamat sa ating Ama sa Langit, dahil naging mga espiritung nilalang na tayo. Ngayon ay inaalok Niya tayo ng landas para makumpleto o maging sakdal ang .nilalang na iyon. Ang pagdaragdag ng katawan ay mahalaga sa kaganapan ng pag-iral at kaluwalhatiang tinatamasa ng Diyos Mismo. Kung, habang nasa piling ng Diyos sa premortal na daigdig ng mga espiritu, sasang-ayon tayong makibahagi sa Kanyang plano—o sa madaling salita ay “nakapanatili sa ating unang kalagayan”—tayo ay “madaragdagan” ng pisikal na katawan sa paninirahan natin sa mundong nilikha Niya para sa atin.

Kung, habang nabubuhay tayo sa lupa, pinili nating “gawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos [sa atin] ng Panginoon [nating] Diyos,” napanatili natin ating “ikalawang kalagayan.” Ibig sabihin ay ipapamalas natin sa Diyos (at sa ating sarili) sa ating mga pagpapasiya ang ating tapat na pangako at kakayahang ipamuhay ang Kanyang selestiyal na batas habang wala tayo sa piling Niya at nasa pisikal na katawan na taglay ang lahat ng kapangyarihan, gana, at silakbo ng damdamin. Mapipigilan ba natin ang laman para maging kasangkapan ito sa halip na maging panginoon ng espiritu? Mapagtitiwalaan ba tayo kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ng mga kapangyarihan ng langit, kabilang na ang kapangyarihang lumikha ng buhay? Madadaig ba ng bawat isa sa atin ang kasamaan? Yaong mga nakagawa nito ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan”—isang napakahalagang aspeto ng kaluwalhatiang iyon ang magkaroon ng nabuhay na mag-uli, imortal, at niluwalhating pisikal na katawan.9 Kaya pala tayo “[naghiyawan] sa kagalakan” sa napakagandang mga posibilidad at pangakong ito.10

Kailangan ang apat na bagay man lang para magtagumpay ang banal na planong ito:

Una ay ang Paglikha ng daigdig bilang ating tirahan. Anuman ang mga detalye sa proseso ng paglikha, alam natin na ito ay hindi nagkataon lamang kundi ito ay pinamahalaan ng Diyos Ama at ipinatupad ni Jesucristo—“lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya.”11

Ang pangalawa ay ang kundisyon ng mortalidad. Kumilos sina Adan at Eva para sa lahat na pumiling makibahagi sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama.12 Ang kanilang Pagkahulog ay lumikha ng mga kundisyong kailangan para sa ating pisikal na pagsilang at karanasan bilang mortal at matuto nang malayo sa presensya ng Diyos. Dahil sa Pagkahulog nalaman natin ang mabuti at masama at ang kapangyarihang pumili na bigay ng Diyos.13 Sa huli, ang Pagkahulog ay naghatid ng pisikal na kamatayan na kailangan upang ang ating panahon sa lupa ay maging pansamantala lamang upang hindi tayo mabuhay sa ating mga kasalanan magpakailanman.14

Ang pangatlo ay pagkatubos mula sa Pagkahulog. Nakikita natin ang papel ng kamatayan sa plano ng ating Ama sa Langit, ngunit mawawalan ng saysay ang planong iyon kung walang anumang paraan para madaig ang kamatayan sa huli, kapwa pisikal at espirituwal. Kaya nga, isang Manunubos, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesucristo, ang nagdusa at namatay upang magbayad-sala para sa paglabag nina Adan at Eva, sa gayon ay nailaan ang pagkabuhay na mag-uli at imortalidad para sa lahat. At dahil walang sinuman sa atin ang lubos at palaging makasusunod sa batas ng ebanghelyo, tinutubos din tayo ng Kanyang Pagbabayad-Sala mula sa ating sariling mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. Sa nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas na nagpapatawad ng mga kasalanan at nagpapabanal ng kaluluwa, tayo ay maaaring espirituwal na isilang na muli at makipagkasundo sa Diyos. Ang ating espirituwal na kamatayan—pagkahiwalay sa Diyos—ay magwawakas.15

Ang pang-apat, at huli, ay ang kalagayan para sa ating pisikal na pagsilang at ang susunod na espirituwal na muling pagsilang sa kaharian ng Diyos. Para magtagumpay ang Kanyang gawain at “[tayo] ay mapadakilang kasama niya,”16 inorden ng Diyos na ang mga lalaki at babae ay dapat makasal at magkaroon ng mga anak, nang sa gayo’y makalikha, sa pakikipagtuwang sa Diyos, ng mga pisikal na katawan na mahalaga sa pagsubok ng mortalidad at kailangan sa walang-hanggang kaluwalhatian sa piling Niya. Inorden din niya na ang mga magulang ay dapat bumuo ng mga pamilya at palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan,17 na maghihikayat sa kanila na umasa kay Cristo. Iniutos sa atin ng Ama:

“Malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak, nagsasabing:

“… Yayamang kayo ay isinilang sa daigdig sa pamamagitan ng tubig, at dugo, at ng espiritu, na aking nilikha, at sa gayon ang alabok ay naging isang kaluluwang may buhay, gayon man kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa [Banal na] Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian.”18

Dahil alam natin kung bakit natin nilisan ang presensya ng ating Ama sa Langit at kung ano ang kailangang gawin para makabalik at mapadakilang kasama Niya, napakalinaw na ngayon na walang anumang may kinalaman sa ating buhay sa lupa na mas mahalaga kaysa pisikal na pagsilang at espirituwal na muling pagsilang, ang dalawang kailangan para sa buhay na walang hanggan. Ayon sa mga salita ni Dietrich Bonhoeffer, ito ang“katungkulan” ng pag-aasawa, na “responsibilidad sa … sangkatuhan,” na saklaw ng banal na institusyong ito “mula sa itaas, mula sa Diyos.” Ito ang “kawing sa mga henerasyon” kapwa sa buhay na ito at sa hinaharap—ang kaayusan ng langit.

Ang pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babae ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos—ang kalagayan para sa pagsilang ng mga anak, na darating na dalisay at walang-malay mula sa Diyos, at ang kapaligiran para sa pag-aaral at paghahandang kailangan nila para sa isang matagumpay na buhay sa mundo at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Ang sapat na bilang ng mga pamilyang binuo ng gayong mga pag-aasawa ay mahalaga para mabuhay at umunlad ang lipunan. Kaya nga hinikayat at pinrotektahan ng mga komunidad at bansa ang kasal at ang pamilya bilang mapapalad na institusyon. Kailanma’y hindi ito naging tungkol lamang sa pag-iibigan atkaligayahan ng matatanda.

Makabagbag-damdamin ang argumento ng pag-aaral ng lipunan na pabor sa kasal at mga pamilyang pinamumunuan ng mag-asawang lalaki at babae.19 Kaya nga “kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”20 Ngunit ang pananaw natin sa papel na ginagampanan ng kasal at pamilya ay hindi batay sa pag-aaral ng lipunan kundi sa katotohanan na sila ay likha ng Diyos. Siya ang sa simula ay lumikha kina Adan at Eva sa Kanyang larawan, lalaki at babae, at pinag-isa sila bilang mag-asawa upang maging “isang laman” at magpakarami at kalatan ang lupa.21 Taglay ng bawat tao ang banal na larawang iyan, ngunit marahil ay sa pag-iisandibdib ng lalaki at babae natin matatamo ang pinakabuong kahulugan ng paglikha sa atin sa larawan ng Diyos—lalaki at babae. Hindi natin mababago ni ng sinumang iba pang tao ang banal na orden na ito ng kasal. Hindi ito inimbento ng tao. Ang gayong kasal ay tunay ngang “mula sa itaas, mula sa Diyos” at mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan na tulad ng Pagkahulog at ng Pagbabayad-sala.

Sa premortal na daigdig, naghimagsik si Satanas laban sa Diyos at sa Kanyang plano, at ang kanyang pagsalungat ay lalo lamang tumitindi. Sinasalungat niya ang kasal at pagbuo ng mga pamilya, at sa mga nag-asawa at nagbuo ng pamilya, ginagawa niya ang lahat para sirain ito. Inaatake niya ang lahat ng bagay na sagrado tungkol sa seksuwalidad ng tao, at marahas na inilalayo ito mula sa konteksto ng kasal sa tila walang-katapusang iba’t ibang uri ng malalaswang ideya at gawain. Hinahangad niyang kumbinsihin ang kalalakihan at kababaihan na ang ang mga prayoridad na mag-asawa at magpamilya ay maaaring balewalain o talikuran, o mas unahin ang propesyon, iba pang mga natamong tagumpay, at paghahanap ng kasiyahan para sa sarili at kalayaang gawin ang anumang gusto. Tiyak na natutuwa ang kaaway kapag kinaligtaang turuan at sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na manampalataya kay Cristo at espirituwal na maisilang na muli. Mga kapatid, maraming bagay na maganda, maraming bagay na mahalaga, ngunit iilan lang ang kailangang-kailangan.

Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo na mas nananaig, kahit sa sandaling ito man lang, kaysa sa pananalig. O maaaring nakapag-asawa kayo, ngunit nagwakas ang pagsasama, at naiwan kayong mag-isa sa responsibilidad na halos di-kakayanin kahit ng dalawang tao pa. Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak sa kabila ng napakatinding hangarin at nagsusumamong mga panalangin.

Gayon pa man, lahat ay may mga kaloob; lahat ay may mga talento; lahat ay makakatulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon. Maraming kabutihan, maraming mahalagang bagay—kahit kung minsa’y kailangang lahat iyan ngayon—ay makakamit hindi man perpekto ang sitwasyon. Ginagawa ng napakarami sa inyo ang lahat ng inyong makakaya. At kapag kayong may mabibigat na pasanin sa mortalidad ay nanindigan sa pagtatanggol sa plano ng Diyos na dakilain ang Kanyang mga anak, handa tayong lahat na humayo. Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak.

Isang bata pang ina kamakailan ang nagtapat sa akin ng kanyang pag-aalala tungkol sa kakulangan niya sa pinakamataas na tungkuling ito. Nadama ko na ang mga bagay na bumagabag sa kanya ay maliliit at hindi niya dapat ipag-alala; maayos ang lahat sa kanya. Ngunit alam ko na gusto lamang niyang malugod ang Diyos at pahalagahan ang Kanyang pagtitiwala. Pinanatag ko ang kanyang loob, at sa puso ko ay nagsumamo ako na palakasin siya ng Diyos, na kanyang Ama sa Langit, sa Kanyang pagmamahal at Kanyang pagsang-ayon habang ginagawa niya ang Kanyang gawain.

Iyan ang dalangin ko para sa ating lahat ngayon. Nawa’y makatanggap tayo ng pagsang-ayon sa Kanyang paningin. Nawa’y dumami pa ang mga nag-aasawa at umunlad ang bawat pamilya, at lubos man nating matanggap sa buhay na ito ang kabuuan ng mga pagpapalang ito o hindi, nawa’y magdulot ng kaligayahan ang biyaya ng Panginoon ngayon at ng pananalig sa mga pangakong tiyak na darating. Sa pangalan ni Jesucrito, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Kevin Rudd, “Faith in Politics,” The Monthly, Okt. 2006, themonthly.com.au/monthly-essays-kevin-rudd-faith-politics--300.

  2. Dietrich Bonhoeffer, Letters and Papers from Prison, inedit ni Eberhard Bethge (1953), 42–43.

  3. Tingnan, halimbawa, sa Awit 82:6; Mga Gawa 17:29; Mga Hebreo 12:9; Doktrina at mga Tipan 93:29, 33; Moises 6:51; Abraham 3:22. Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang detalyeng ito: “Ang mga pangunahing tuntunin tungkol sa tao ay umiiral na kasama ng Diyos. Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu [o katalinuhan] at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya. … Siya ay may kapangyarihang bumuo ng mga batas para maturuan ang di gaanong matatalino, upang sila ay mapadakilang kasama niya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

  4. Mga Turo: Joseph Smith, 244.

  5. Alma 24:14.

  6. Alma 42:8.

  7. Alma 12:25; tingnan din sa mga talata 26–33.

  8. Abraham 3:24–26.

  9. Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang buod na pahayag na ito: “Ang plano ng Diyos bago pa itinatag ang daigdig ay magkaroon tayo ng mga tabernakulo [katawan], nang sa pamamagitan ng ating katapatan ay manaig tayo at sa gayon ay mabuhay tayong mag-uli mula sa mga patay, at sa ganitong paraan ay magtamo ng kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan, at nasasakupan.” Ipinahayag din ng Propeta: “Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. Nasisiyahan siya kapag nakakakuha siya ng katawan ng tao, at nang palayasin ng Tagapagligtas ay hiniling niyang makapasok sa kawan ng mga baboy, na nagpapakitang mas gugustuhin pa niya ang katawan ng baboy kaysa wala. Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito” (Mga Turo: Joseph Smith, 245).

  10. Job 38:7.

  11. Juan 1:3; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:23–24.

  12. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:21–22; 2 Nephi 2:25.

  13. Tingnan sa 2 Nephi 2:15–18; Alma 12:24; Doktrina at mga Tipan 29:39; Moises 4:3. Sinabi ni Joseph Smith: “Lahat ng tao ay may karapatang pumili, sapagkat ito ay inorden ng Diyos. Nilikha Niya ang sangkatauhan na may kalayaang pumili, at binigyan sila ng kakayahang piliin ang mabuti o masama; hangarin ang yaong mabuti, sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng kabanalan sa buhay na ito, na nagdudulot ng kapayapaan ng isipan, at kagalakan dito kasama ang Espiritu Santo, at ganap na kagalakan at kaligayahan sa Kanyang kanang kamay sa kabilang buhay; o tahakin ang masamang landas, patuloy na magkasala at maghimagsik sa Diyos, na maghahatid ng kapahamakan sa kanilang kaluluwa sa mundong ito, at ng walang hanggang kapahamakan sa mundong darating.” Ipinahayag din ng Propeta: “Hindi tayo maaakit ng mga panunukso ni Satanas maliban kung payagan o pahintulutan natin ito sa ating kalooban. Ang likas nating pagkatao ay nilikhang gayon upang malabanan natin ang diyablo; kung hindi tayo nilikha nang gayon, mawawalan tayo ng layang pumili” (Mga Turo: Joseph Smith, 247–48).

  14. See Genesis 3:22–24; Alma 42:2–6; Moises 4:28–31.

  15. Maging yaong mga hindi nagsisisi ay tinubos ng Pagbabayad-sala mula sa espirituwal na kamatayan upang sila ay makatayong muli sa harapan ng Diyos para sa Huling Paghuhukom (tingnan sa Helaman 14:17; 3 Nephi 27:14–15).

  16. Mga Turo: Joseph Smith, 244.

  17. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:36–40.

  18. Moises 6:58–59.

  19. Maaring maging tapat sa isa’t isa ang mga taong hindi kasal, at maaaring maisilang at mapalaki ang mga anak, na kung minsa’y medyo matagumpay, sa pamilyang nagsasama ang mga magulang nang hindi kasal. Ngunit karaniwan at sa karamihan ng mga sitwasyon, malaki ang katibayan ng mga pakinabang ng kasal sa lipunan at ng medyo nakalalamang na mga resulta para sa mga anak sa mga pamilyang pinamumunuan ng isang mag-asawang lalaki at babae. Sa kabilang banda, hindi maganda ang mga epekto ng tinatawag ng isang komentarista na “pag-iwas sa iba’t ibang dako ng mundo na bumuo ng pamilya” sa lipunan at ekonomiya. Inuri ni Nicholas Eberstadt ang pagtanggi ng mga tao na mag-asawa at magkaanak at ang mga kalakaran hinggil sa mga tahanang walang ama at sa diborsyo at ipinahayag ito: “Malinaw ang masamang epekto sa di-mabilang na mga anak ng pag-iwas na magbuo ng pamilya. Gayon din ang masamang epekto ng diborsyo at pagsilang ng mga anak sa mga magulang na hindi kasal sa lumalaking pagkakaiba sa kinikita at kasaganaan sa buhay—sa lipunan sa kabuuan, ngunit lalung-lalo na sa mga bata. Oo, ang mga bata ay matatag at kung anu-ano pa. Ngunit ang pag-iwas na magbuo ng pamilya ay walang-alinlangang makakaapekto sa walang-malay na mga bata. Ang pag-iwas na iyon ay mayroon ding hindi katanggap-tanggap na mga epekto sa mahihinang matanda.” (Tingnan sa “The Global Flight from the Family,” Wall Street Journal, Peb. 21, 2015, wsj.com/articles/nicholas-eberstadt-the-global-flight-from-the-family-1424476179.)

  20. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  21. Tingnan sa Genesis 1:26–28; 2:7, 18, 21–24; 3:20; Moises 2:26–28; 3:7–8, 18, 20–24; 4:26.