Ang Tamang Pangalan ng Simbahan
Inutusan tayo ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan dahil Kanya ang Simbahang ito, puspos ng Kanyang kapangyarihan.
Mahal kong mga kapatid, sa magandang araw na ito ng Sabbath sama-sama tayong nagagalak sa maraming pagpapala ng Panginoon sa atin. Nagpapasalamat kami sa inyong patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, sa mga sakripisyong ginawa ninyo para magpatuloy o bumalik sa landas ng Kanyang tipan, at sa inyong buong-pusong paglilingkod sa Kanyang Simbahan.
Ngayon pakiramdam ko kailangan kong talakayin sa inyo ang isang napakahalagang paksa. Ilang linggo na ang nakararaan, naglabas ako ng isang pahayag tungkol sa pagtawag sa Simbahan gamit ang tamang pangalan.1 Ginawa ko ito dahil ipinaalam sa akin ng Panginoon ang kahalagahan ng pangalang ibinigay Niya para sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.2
Tulad ng inaasahan ninyo, ang mga tugon sa pahayag na ito at sa binagong style guide3 ay kapwa positibo at negatibo. Itinama kaagad ng maraming miyembro ang pangalan ng Simbahan sa kanilang mga blog at social media page. Nagtaka ang ilan kung bakit kinailangan, sa dami ng nangyayari sa mundo, na bigyang-diin ang isang bagay na tila “walang halaga.” At sabi ng ilan hindi ito posible, kaya bakit pa susubukan? Ipapaliwanag ko kung bakit napakahalaga ng isyung ito sa atin. Ngunit sasabihin ko muna kung ano ang hindi sa pagsisikap na ito:
-
Ito’y hindi pagbabago ng pangalan.
-
Ito’y hindi pagbabago ng brand.
-
Ito’y hindi paimbabaw.
-
Ito’y hindi isang kapritso.
-
At ito’y hindi walang halaga.
Sa halip, ito ay isang pagtatama. Ito ay utos ng Panginoon. Hindi si Joseph Smith ang nagbigay ng pangalan sa Simbahang ipinanumbalik sa pamamagitan niya; hindi rin si Mormon. Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”4
Kahit bago pa iyon, noong AD 34, iyon din ang bilin ng ating nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan nang dalawin Niya sila sa mga lupain ng Amerika. Noo’y sinabi Niya:
“Kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan. …
“At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan.”5
Samakatwid, ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinag-uusapan. Kapag malinaw na ipinapahayag ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan, at inuunahan pa Niya ng pahayag na, “Sa ganito tatawagin ang aking simbahan,” seryoso Siya. At kung ginagamit at hinihiram o kinukunsinti pa natin ang mga palayaw na iyon, nasasaktan Siya.
Ano ang nakapaloob sa isang pangalan, o sa kasong ito, sa isang palayaw? Pagdating sa mga palayaw ng Simbahan, tulad ng “Simbahan ng LDS,” ang “Simbahan ni Mormon,” o ang “Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw,” ang pinakamalinaw na nawawala ay ang pangalan ng Tagapagligtas. Malaking tagumpay para kay Satanas ang maalis ang pangalan ng Panginoon sa Simbahan ng Panginoon. Kapag inaalis natin ang pangalan ng Tagapagligtas, unti-unti nating binabalewala ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa atin—maging ang Kanyang Pagbabayad-sala.
Isipin ito ayon sa Kanyang pananaw: Bago Siya isinilang, Siya si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Sa utos ng Kanyang Ama, Siya ang Lumikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig.6 Pinili Niyang sundin ang kalooban ng Kanyang Ama at gawin ang isang bagay para sa lahat ng anak ng Diyos na wala nang ibang makagagawa! Nagpakababang pumarito sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, Siya ay buong lupit na nilait, kinutya, dinuraan, at hinagupit. Sa Halamanan ng Getsemani, inako ng ating Tagapagligtas ang bawat pasakit, bawat sala, at lahat ng sakit at pagdurusang naranasan natin at ng lahat ng nabuhay o mabubuhay pa kailanman. Sa bigat ng napakasakit na pasaning iyan, nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng balat.7 Lahat ng pagdurusang ito ay tumindi nang Siya ay malupit na ipinako sa krus ng Kalbaryo.
Sa napakasakit na mga karanasang ito at sa Kanyang sumunod na Pagkabuhay na Mag-uli—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—pinagkalooban Niya ng imortalidad ang lahat, at tinubos ang bawat isa sa atin mula sa mga epekto ng kasalanan basta’t nagsisi tayo.
Kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ng pagkamatay ng Kanyang mga Apostol, dumanas ng daan-daang taon ng kadiliman ang daigdig. Pagkatapos noong 1820, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Propetang Joseph Smith para pasimulan ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon.
Pagkatapos ng lahat ng tiniis Niya—pagkatapos ng lahat ng ginawa Niya para sa sangkatauhan—sising-sisi ako nang matanto ko na pumayag tayo nang hindi namamalayan na tawagin ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa ibang mga pangalan, na bawat isa’y nag-aalis sa sagradong pangalan ni Jesucristo!
Tuwing Linggo habang marapat tayong tumatanggap ng sakramento, nagpapanibago tayo ng sagradong pangako sa ating Ama sa Langit na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.8 Nangangako tayong susundin Siya, magsisisi, susundin ang Kanyang mga utos, at lagi Siyang aalalahanin.
Kapag inaalis natin ang Kanyang pangalan sa Kanyang Simbahan, sadyang inaalis natin Siya bilang pinakamahalagang pinagtutuunan ng ating buhay.
Kasama sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas ang pagpapahayag at pagsaksi sa iba—sa ating mga salita at gawa—na si Jesus ang Cristo. Sobra na ba ang takot nating magalit ang isang tao na ang tawag sa atin ay “mga Mormon” kaya hindi natin maipagtanggol ang Tagapagligtas mismo, para manindigan para sa Kanya maging sa pangalang itinatawag sa Kanyang Simbahan?
Kung gusto natin bilang isang grupo at bilang mga indibiduwal na magkaroon ng bisa sa atin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—para linisin at pagalingin tayo, palakasin at luwalhatiin tayo, at sa huli ay dakilain tayo—malinaw nating kilalanin na Siya ang pinagmumulan ng kapangyarihang iyon. Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pagtawag sa Kanyang Simbahan sa pangalang ibinigay Niya.
Halos sa buong mundo, ang Simbahan ng Panginoon ay kasalukuyang tinatawag na “Simbahan ni Mormon.” Ngunit alam natin bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon kung sino ang namumuno rito: si Jesucristo mismo. Sa kasamaang-palad, maaaring isipin ng maraming nakaririnig sa katagang Mormon na sinasamba natin si Mormon. Hindi totoo iyan! Pinupuri at iginagalang natin ang dakilang sinaunang propetang iyon na taga-Amerika.9 Ngunit hindi tayo mga disipulo ni Mormon. Tayo ay mga disipulo ng Panginoon.
Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, ang mga katagang Simbahan ni Mormon at mga Mormon 10 ay madalas gamitin bilang mga bansag—bilang mga katagang malupit at mapang-insulto—para maitago ang impluwensya ng Diyos sa pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw na ito.11
Mga kapatid, maraming makamundong argumento laban sa pagpapanumbalik ng tamang pangalan ng Simbahan. Dahil digital na ang mundong ginagalawan natin at sa search engine optimization na tumutulong sa ating lahat na mahanap ang impormasyong kailangan natin halos sa isang iglap—pati na ang impormasyon tungkol sa Simbahan ng Panginoon—sinasabi ng mga kritiko na hindi mabuting gumawa ng pagtatama sa ngayon. Iniisip ng iba na dahil kilala na tayo ng lahat bilang “mga Mormon” at bilang “Simbahan ni Mormon,” tanggapin na lang natin iyon.
Kung ito ay isang talakayan tungkol sa pagbibigay ng brand sa isang organisasyong gawa ng tao, maaaring manaig ang mga argumentong iyon. Ngunit sa napakahalagang bagay na ito, umaasa tayo sa Kanya na nagmamay-ari ng Simbahang ito at kinikilala natin na ang mga paraan ng Panginoon ay hindi, at kailanma’y hindi, katulad ng mga paraan ng tao. Kung magtitiyaga tayo at mahusay nating gagawin ang ating tungkulin, papatnubayan tayo ng Panginoon sa mahalagang gawaing ito. Sa huli, alam nating tinutulungan ng Panginoon ang mga naghahangad na gawin ang Kanyang kalooban, tulad noong tulungan Niya si Nephi na buuin ang barko para matawid ang dagat.12
Nanaisin nating maging magalang at matiyaga sa ating mga pagsisikap na itama ang mga pagkakamaling ito. Makikiisa ang responsableng media sa pagtugon sa ating kahilingan.
Sa isang pangkalahatang kumperensya, binanggit ni Elder Benjamín De Hoyos ang isang gayong pangyayari. Sabi niya:
“Ilang taon na ang nakalilipas habang naglilingkod pa ako sa tanggapan ng public affairs ng Simbahan sa Mexico, inanyayahan kaming [magkompanyon na] lumahok sa isang programa sa radyo. … [Isa sa mga direktor ng programa ang] nagtanong [sa amin], ‘Bakit ang haba ng pangalan ng Simbahan ninyo? …
“Ngumiti kami ng kompanyon ko sa makabuluhang tanong na iyon at ipinaliwanag na ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinili ng tao. Ibinigay ito ng Tagapagligtas. … Kaagad at magalang na tumugon ang direktor ng programa, ‘Kung gayon ay malugod naming uuliting sabihin ito.’”13
Ang ulat na iyon ay naglalaan ng isang huwaran. Isa-isa, kakailanganin ang pinakamalalaking pagsisikap natin bilang mga indibiduwal na itama ang mga kamaliang unti-unting natanggap sa paglipas ng mga taon.14 Maaaring sumunod o hindi sumunod ang buong mundo na tawagin tayo sa tamang pangalan. Ngunit hindi matapat ang mainis tayo kung tinatawag ng halos buong mundo ang Simbahan at mga miyembro nito sa mga maling pangalan kung gayon din ang ginagawa natin.
Nakakatulong ang ating binagong style guide. Sabi roon: “Sa unang pagtukoy, ang buong pangalan ng Simbahan ang mas gusto: ‘Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.’ Kapag kailangan ng pinaikling [pangalawa] pagtukoy, hinihikayat na gamitin ang mga katagang ‘ang Simbahan’ o ang ‘Simbahan ni Jesucristo.’ Tumpak at hinihikayat din ang ‘ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.’”15
Kung may magtanong ng, “Mormon ka ba?” maaari kang sumagot ng, “Kung itinatanong mo kung miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, oo, miyembro ako!”
Kung may magtanong ng, “LDS ka ba?”16 maaari kang sumagot ng, “Oo, LDS ako. Naniniwala ako kay Jesucristo at miyembro ako ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.”
Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw,17 sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman. Magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Kaya, ano ang nakapaloob sa isang pangalan? Pagdating sa pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ang sagot ay “Lahat!” Inutusan tayo ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan dahil Kanya ang Simbahang ito, puspos ng Kanyang kapangyarihan.
Alam ko na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.